Pahayag

Pinakamataas na pagpupugay kay Ka Louie Jalandoni, huwarang lider ng rebolusyong Pilipino, internasyunalista, at matatag na tagapagtaguyod ng kapayapaang nakabatay sa hustisyang panlipunan!

Ipinaaabot ng NDF-Palawan, kasama ang lahat ng alyadong organisasyon nito laluna ang SUPOK (Rebolusyonaryong Organisasyon ng mga Katutubo ng Palawan), ang pinakamataas na pagkilala at pagpupugay kay Kasamang Louie Jalandoni. Lubos ang pagdadalamhati ng buong rebolusyonaryong kilusan sa probinsya sa pagpanaw ng isang matatag na tagapagtaguyod ng kapayapaan, huwarang rebolusyonaryo at tapat na lingkod ng sambayanang Pilipino. Pumanaw si Ka Louie sa edad na 90 noong Hunyo 7 sa Utrecht, The Netherlands.

Larawan si Ka Louie ng walang pag-iiimbot na paglilingkod sa sambayanang Pilipino, walang hangganang pagpapakumbaba sa masa at rebolusyonaryong katapatan. Tinalikuran niya ang kanyang uring pinagmulan na malaking panginoong maylupa, ipinamahagi ang minana niyang lupain sa mga magsasakang malaon nang nagbubungkal ng nasabing lupa. Bilang isang relihiyoso at dating paring Katoliko, susing papel ang ginampanan niya sa pagtatatag ng Christians for National Liberation (CNL) noong 1972, na kalaunan ay magsisilbing isa sa mga alyadong organisasyong tagapagtatag ng NDFP noong 1973. Naging bilanggong pulitikal siya sa panahon ng diktadurang US-Marcos, at nang makalaya ay bumalik at nagpatuloy sa rebolusyonaryong gawain. Kahit pa nakadistyero siya sa The Netherlands dahil sa banta sa kanyang buhay sa Pilipinas, masigasig pa rin siyang gumampan ng mga gawain para sa pagsusulong ng pambansa at panlipunang paglaya, na ang isang paa ay nakatapak sa kanyang tinubuang bansa, mga taingang nakikinig sa hinaing ng sambayanang Pilipinong sinusupil, inaapi at pinagsasamantalahan. Kailanma’y di nagmaliw ang kanyang kagustuhang maglingkod sa aping mamamayan hanggang sa kanyang huling hininga.

Hindi matatawaran ang naging ambag ni Ka Louie sa pagsusulong ng makatarungan at pangmatagalang kapayapaan alinsunod sa pambansa-demokratikong linya. Mula 1977 kung kailan siya pormal na itinalaga bilang Internasyunal na Kinatawan ng NDFP, gumampan siya ng mahahalagang papel upang makipagkaisa at umani ng pandaigdigang suporta mula sa ibang mga bansa para sa pagsusulong ng rebolusyong Pilipino.

Sa pagbagsak ng diktadurang US-Marcos at sa pagsisimula ng usapang pangkapayapaan, prinsipyado siyang tumindig sa panig ng mamamayang Pilipino bilang punong negosyador ng NDFP sa negosasyong pangkapayapaan sa Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP). Matibay ang kanyang paninindigan na makakamit lamang ang tunay at pangmatagalang kapayapaan na nakabatay sa hustisyang panlipunan kung malulutas ang ugat ng armadong tunggalian sa bansa. Taglay ang kabutihang-loob at laging inuuna ang sambayanang Pilipino tuwing umuupo sa mesa ng negosasyon, hindi niya kailanman binitawan ang rebolusyonaryong prinsipyo at integridad at hindi nagpalinlang sa alok na pasipikasyon at kapitulasyon ng estado ng GRP.

Sa ilalim ng pamumuno ni Ka Louie matagumpay na napirmahan ang mga kasunduan hinggil sa usapang pangkapayapaan tulad ng The Hague Joint Declaration of 1992, Joint Agreement for Safety and Immunity Guarantees (JASIG), Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL), at iba pa. Walang-kapaguran siyang gumugol ng lakas at panahon sa pagbubuo ng burador ng Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER), na nagsusulong ng mga repormang pang-ekonomya at panlipunan pabor sa interes ng masang Pilipino.

Dinadakila ng buong rebolusyonaryong kilusan sa Palawan, kaisa ang masang Palaweño, ang di-pangkaraniwan at makabuluhang buhay at ambag ni Ka Louie bilang isang huwarang lider ng rebolusyong Pilipino, internasyunalista, at matatag na tagapagtaguyod ng kapayapaang nakabatay sa hustisyang panlipunan. Makakaasang ang kanyang adhikain para sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan ay patuloy na isusulong ng rebolusyonaryong kilusan sa probinsya. Patuloy na sinusuportahan ng rebolusyonaryong kilusan sa Palawan ang pakikipag-usapang pangkapayapaan ng NDFP sa GRP sa layuning malutas ang ugat ng armadong tunggalian sa Pilipinas, lalo’t binibitbit sa negosasyon ang batayang kahilingan ng mamamayang Palaweño para sa tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon, pangangalaga sa kalikasan, demokratikong mga karapatan, kagalingang panlipunan, at iba pa. Ito ay sa kabila ng imbing layunin ng rehimeng Marcos at GRP sa usapang pangkapayapaan na pagpapasuko sa rebolusyonaryong kilusan, pagsasalong ng armas at pagdurog sa armadong pakikibakang inilulunsad ng NPA. Patuloy din naming ipaglalaban ang pagpapalaya sa mga negosyador at konsultant pangkapayapaan ng NDFP at lahat ng bilanggong pulitikal na iligal na inaresto at ikinulong ng mga pasistang rehimen. Patuloy naming igigiit na kilalanin at sundin ng GRP ang JASIG at CARHRIHL at lahat ng mga kasunduang pinagtibay ng dalawang panig sa negosasyon upang magkaroon ng paborableng kundisyon sa muling pagsisimula ng pormal na peace talks.

Pararangalan si Ka Louie ng mamamayang Palaweño sa pamamagitan ng matapat at marubdob na pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Walang ibang nakahihigit na paraan ng pagdakila sa kanya kundi pangunahin sa paghawak ng armas at pagsusulong ng digmang bayan sa probinsya. Sa pamamagitan lamang nito mawawakasan ang kahirapang dulot ng tatlong salot sa lipunang Pilipino na imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.

Panata naming ipagpapatuloy ang pamana ni Ka Louie ng walang pag-iiimbot na paglilingkod sa sambayanang Pilipino, walang hangganang pagpapakumbaba sa masa at rebolusyonaryong katapatan. Panata naming isusulong ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa tagumpay!

Pinakamataas na pagpupugay kay Ka Louie Jalandoni, huwarang lider ng rebolusyong Pilipino, internasyunalista, at matatag na tagapagtaguyod ng kapayapaang nakabatay sa hustisyang panlipunan!