Pahayag

Pinakamataas na pagpupugay kay Ka Sandy

Sa araw na ito, tumitindig ang buong Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) upang magbigay ng pinakamataas na pagpupugay kay Kasamang Sandy (Josephine Mendoza), ikalawang pangalawang kalihim ng Komite ng Partido sa Southern Tagalog, at isa sa mga kagawad ng Komite Sentral na nagsilbing matatatag na haligi ng sentral na pamunuan ng Partido. Pumanaw siya noong Nobyembre 10, 2023 sa edad na 59.

Ano pa nga bang araw ang pinakamainam na okasyon para magbigay-pugay kay Ka Sandy kaysa sa ika-160 na Araw ni Bonifacio, ama ng rebolusyong Pilipino at dakilang bayani ng sambayanan? Sa araw na ito, ihanay natin ang pangalan at alaala ni Ka Sandy sa mga pangalan ng kapita-pitagang mga bayani at martir ng rebolusyong Pilipino, na walang pag-iimbot na nag-ukol ng kanilang talino, lakas, pawis at buong buhay sa pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya.

Nakilala si Ka Sandy bilang isa sa matatatag na rebolusyonaryong lider sa rehiyong Southern Tagalog. Ilang dekada siyang gumampan ng iba’t ibang papel bilang Pulang mandirigma, kumander at guro ng hukbong bayan at pinuno ng Partido. Mula sa kanyang kabataan hanggang sa kahapunan ng kanyang buhay, gumampan at nanguna siya sa mga gawain iba’t ibang mga komite ng Partido.

Hinihikayat namin ang lahat na basahin ang pahayag ng Komiteng Rehiyon ng Partido sa Southern Tagalog noong Nobyembre 15 na nagsalaysay ng rebolusyonaryong talambuhay ni Ka Sandy, ang kanyang mga naging ambag at pangungua sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa Mindoro at Palawan, sa gawaing edukasyon at propaganda, pati na sa pagsusulong ng rebolusyonaryong kilusang masa sa buong rehiyon.

Walang kapaguran si Ka Sandy sa pagbabalikat ng mga rebolusyonaryong tungkulin. Ibinuhos niya ang lahat niyang kakayahan para pukawin, organisahin at pakilusin ang masang manggagawa, magsasaka, mga pambansang minorya laluna ang mga Mangyan, mga kabataang estudyante, kababaihan at iba pang sektor sa lahat ng lugar na siya’y nadestino. Naging malapit siya sa masa at lubos na ikinalugod ng masa na siya’y makaulayaw sa kanilang mga pakikibaka.

Sa Partido, ginamit ni Ka Sandy ang pangalang Victoria Mirayan. Sa iba’t ibang larangan ng gawain, nakilala siya ng masa at mga kasama sa iba’t ibang pangalan—bilang si Ka Nene, Ka Marta, Ka Luisa, Ka Cecille, Ka Billy, Ka Bernie, at Ka Minerva—kahit pa saanma’y iisa ang pagkakilala sa kanya bilang kanilang matatag at maaasahang kasama at kapanalig.

Si Ka Sandy ay huwaran para sa mga kababaihan. Hindi siya nagpakulong sa pyudal at burges na hulma ng kababaihang kimi o pambahay lamang. Sa halip, binagtas niya ang landas para sa pagpapalaya ng buong bayan, na siya ring landas para sa pagpapalaya ng kababaihan mula sa pang-aapi. Ipinakita niya na ang pagiging ina at asawa ay hindi balakid sa buong panahong paggampan ng mga gawain para sa Partido at rebolusyon.

Namuno si Ka Sandy sa mga pakikibakang masa sa kalunsuran sa rehiyon. Sa kanyang pangungulo, binagtas ng kilusang masa ang militanteng landas ng mga pakikibakang masa ng iba’t ibang mga api at pinagsasamantalahang uri at sektor. Nagsilbi siyang gabay at guro sa libu-libong aktibista at mga lider ng Partido. Hindi mabilang ang kanyang mga naturuan at sinanay na ngayon ay namumuno sa iba’t ibang mga larangang ng gawain.

Isang masugid na mag-aaral at tagapagturo ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at kadre ng Partido si Ka Sandy. Lubos niyang itinaguyod ang Konstitusyon at Programa ng Partido, at ang mga pagsusuri, linya, mga panawagan at patakaran nito. Mahigpit niyang iwinaksi at nilabanan ang mga rebisyunista at traydor na tumalikod sa interes ng proletaryado. Puspusan niyang isinulong ang mahigpit na pagkakaisa ng Partido. Ipinamalas niya ang kababang-loob, diwa ng pagpuna-sa-sarili at kahandaang magwasto sa mga kahinaan at pangibabawan ang mga ito upang abutin ang mas mataas pang antas ng gawaing rebolusyonaryo.

Nahalal si Ka Sandy bilang kagawad ng Komite Sentral noong Ikalawang Kongreso ng Partido noong 2016 bilang pagkilala sa lahat ng nagawa niya para sa Partido at rebolusyonaryong kilusan.

Ang alalaala ni Ka Sandy ay hindi kailanman mabubura sa diwa at puso ng mga kadre ng Partido at lahat ng rebolusyonaryo. Habampanahon siyang magsisilbing huwaran at inspirasyon. Sa kanyang pagpanaw, muling kinikilala ng Komite Sentral ang lahat ng maniningning na ambag ni Ka Sandy sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan.

Pinakamataas na pagpupugay kay Ka Sandy