ni Adel Serafin Sa aking pagkamatay
Sa aking pagkamatay, hindi ko kayo iniwanan
Nauna lang ako sa ating pupuntahan.
Dahil ang buhay natin ay may tiyak na hangganan,
At para sa ating rebolusyonaryo, may tiyak ding kabuluhan.
Sa aking pagkamatay, huwag kayong manghihinayang.
Bawat segundo, minuto, oras at araw
Sa rebolusyon at masa, buong pusong inilaan,
Walang saglit na sinayang man lamang.
Sa aking pagkamatay, huwag niyo akong tangisan,
Mas nanaisin kong marinig ang matataginting niyong tawanan
Habang binabalikan ang masasaya nating karanasan,
Mga kuwento at aral sa tagumpay ng ating paglaban.
Kung sa mga sandaling ito ay hindi niyo na ako kasama,
Ituloy ang mga pulong, planuhing maige ang mga kampanya.
Hanapin sa kagyat ang kapalit sa nawalang isa,
Tuloy ang pakikibaka, mga tungkulin ay kayrami pa.
Hindi ako nawala, tumigil lamang sa paghinga.
Isasanib ko lamang sa lupa ang aking kaluluwa’t diwa.
Sustansya itong sa lupa ay muling magpapataba,
Sa lupa, ang lupa na siyang puso nitong digma.
Kapag ang lupa’y muling nagkabuhay,
Muling lumusog at nagpasibol sa mga uhay,
At ang lason ng pang-aapi ay tuluyan nang napawi,
Muling sasalubong sa inyo ang aking mga ngiti.