Ka Sandy: Huwarang manggagawang pangkultura, tapat na artistang lingkod ng bayan
Taas-kamaong nagpupugay ang Artista at Manunulat ng Sambayanan – TK kay Kasamang Josephine Mendoza o Ka Sandy na namartir nitong Nobyembre 10 dahil sa karamdaman. Sa panahon bago ng kanyang pagpanaw ay naglilingkod siya bilang kagawad ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas at bilang Ikalawang Pangalawang Kalihim ng Komiteng Rehiyon ng Partido sa TK. Buong buhay niyang inialay ang kanyang husay sa sining at kultura para sa pagsusulong ng pambansa demokratikong rebolusyon. Inspirasyon siya para sa ARMAS-TK at dapat tularan ng lahat artista ng bayan!
Kilala ng mga rebolusyonaryong artista, kasama at masa si Ka Sandy sa kanyang mataas na pagpapahalaga sa sining at kultura. Lagi’t lagi niyang binibigyang diin ang pagiging malikhain at paggamit ng lenggwahe ng masa sa paghahatid ng mensahe ng rebolusyon. Tiniyak niyang integrado ang sining at kultura anuman ang gampanan niyang tungkulin—ito man ay bilang guro, manunulat, mang-aawit, ahitador ng masa, taktisyan ng mga laban at maging bilang isang pinuno. Matalas siyang magsuri at malalim niyang inaalam ang damdamin ng masa at mga kasama, kaya mahusay niyang nagamay at nalikha ang porma ng kultura at propaganda, at ang pakikibaka na nararapat sa isang partikular na panahon.
Nakatala na sa kasaysayan ng Timog Katagalugan ang napakahalagang ambag ni Ka Sandy sa rebolusyon. Nababasa sa mga pahina ng pahayagang Alab sa Mindoro, ng panrehiyong dyaryo ng Kalatas, sa literary journal na Dagitab at ng iba pa ang kanyang diwa’t alala bilang isa sa mga pangunahing istap at patnugot ng mga publikasyon sa rehiyon. Markado sa mga mural, effigy, pati sa mga plakard at bihis ng protesta ang mapanuring mata at metikulosang kamay ni Ka Sandy. Iginiya niya ang mga artista upang likhain ang makatotohanan, makulay, mapangahas at militanteng sining na nagbabandila sa pakikibaka ng sambayanan sa kalunsuran at kanayunan.
Ngunit ang pinakamaaalaala ng mga kasama at manggagawang pangkultura ang pagbibigay buhay ni Ka Sandy sa mga rebolusyonaryong awit gamit ang kanyang mataginting ngunit malamyos na tinig. Siya ang boses na nasa likod ng nairekord sa rehiyon na awiting Kandila. Malinaw niyang inihatid ang mensahe ng punung-puno ng pag-asa at determinasyong pagsusulong ng rebolusyon sa gitna man ng kahirapan at kagipitan. Isa rin siya sa mga artista at kadreng nagtulak at gumabay upang mailimbag ang album na Dakilang Hamon na inilabas ng TK bilang pagtatanghal sa Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto noong dekada 1990. Ikinararangal ng ARMAS-TK na maging bahagi ng buhay at pakikibaka ni Ka Sandy ang mga awit na ito.
Tulad ng kanyang kanyang awit, ang buhay at alaala ni Ka Sandy ay sinag na nagbibigay liwanag sa ating mga rebolusyonaryo. Tanglaw itong magtuturo sa atin ng wastong landas sa harap ng mga ikot at liko ng pakikibaka. Ating isapuso ang mga aral at inspirasyon ng huwarang buhay ni Ka Sandy.
Pulang saludo, Kasamang Josephine Mendoza!
Mga artista’t manggagawang pangkultura, paglingkuran ang sambayanan!
Makibaka, mag-armas para sa pambansang demokrasya!