Itanghal ang Dakilang Buhay at Di Magagaping Diwa ni Kasamang Josephine Mendoza
Pinakamataas na pagpupugay ang iniaalay ng National Democratic Front of the Philippines-Rizal kay Kasamang Josephine “Sandy” Mendoza. Isang mahusay na proletaryong lider, kadre ng Partido at matatag na haligi ng Komiteng Rehiyon ng Partido sa Timog-Katagalugan. Siya ay kagawad ng Komite Sentral ng Partido at ikalawang pangalawang kalihim ng Komiteng Rehiyon.
Sa kanyang pagpanaw noong Nobyembre 10, 2023 ay nagdadalamhati at nakikiramay ang buong rebolusyonaryong kilusan sa lalawigan ng Rizal sa kanyang naiwang pamilya, anak, kaanak at sa lahat ng mga masa at mga kasamang kanyang naulila. Iginupo man ng karamdaman sa edad na 59 ay mananatiling imortal ang kanyang buhay na higit apat na dekada niyang inialay sa Demokratikong Rebolusyong Bayan para sa paglaya ng uring anakpawis na malaon nang pinagsasamantalahan ng Imperyalismo, Pyudalismo at Burukrata Kapitalismo.
Hindi siya nag-atubili na ibigay ang buong makakaya hanggang sa kanyang huling mga sandali para tupdin ang kanyang mga responsibilidad at gabayan ang kanyang mga pinamumunuan. Kahit nakaratay sa karamdaman ay hindi nagmaliw ang kanyang marubdob na kapasyahang makagampan at makapag-ambag sa mabibigat na responsibilidad sa araw-araw. Laging buo ang kanyang kapasyahan at wala siyang sinayang na bawat sandali upang harapin ang mga tungkulin kasabay ng pag-alalay at pag-akay sa mga kasama, lalu’t higit sa mga kabataang kadre na mga bagong henerasyon ng mga rebolusyonaryo at proletaryo.
Si Ka Sandy ay nagsimulang kumilos sa rebolusyonaryong kilusang kabataang estudyante noong dekada 80 sa panahon ng diktadurang US-Marcos at naging kasapi ng Kabataang Makabayan. Di naglaon ay naging kasapi siya ng Partido Komunista ng Pilipinas at kasunod na tinahak ang landas ng armadong pakikibaka at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan. Sa loob ng isang dekada sa kanayunan ay naging mahalaga ang kanyang mga ambag sa pagpapalakas ng sonang gerilya sa Mindoro at kalauna’y sa pagbubukas sa sonang gerilya sa Palawan.
Mula sa kanayunan ay itinalaga siya ng Partido upang gampanan ang mahalagang tungkulin sasa kalunsuran upang muling pasiglahin at palakasin ang kilusang masa sa panahon ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto. Ang mga sumunod na dekada ng kanyang buhay at pakikibaka ay nakaukit sa kasaysayan ng pagsusulong ng rebolusyonaryong kilusang masa sa kalunsuran ng TK. Sa bawat rehimen na nagdaan mula kay Estrada, Arroyo, B.S. Aquino at Duterte ay ipinamalas nya ang kanyang husay, tatag at istriktong pamumuno.
Sa kanyang kumpas ay kanyang idinerehe sa wastong landas ang direksyon ng kilusang masa sa kalunsuran. Sa bawat pampulitikang krisis ay epektibo niyang pinamunuan ang paghugos ng mamamayan ng TK sa Kamaynilaan sa anyo ng mga protest camps, pagmamartsa at sakay-lakbay gaya ng Lakbayan 1997 sa panahon ng pinansyal na krisis sa Asya at pagpapatalsik kay Estrada noong taong 2000 sa tinaguriang EDSA II.
Krusyal din ang kanyang naging papel sa pagharap ng rehiyon sa paninibasib ng berdugong si Palparan Jr. sa balangkas ng Oplan Bantay Laya I at II ni Arroyo. Sa kanyang direksyon ay isa ang TK sa unang bumasag ng katahimikan nang ipinatupad ang Calibrated Pre-emptive Response na nagbabawal sa mga kilos-protesta at sa kasunod na idineklarang State of Emergency o Proclamation 1017. Muling bumuhos ang mamamayan ng TK sa lansangan at matagumpay na pinasok ang tarangkahan ng Kamaynilaan.
Sa kanyang gabay, naging makulay at mapanlikha ang iba’t-ibang anyo ng propaganda at mga pagkilos sa pagpapatuloy ng pakikibaka laban sa Oplan Bayanihan ni B.S. Aquino. Kasabay ng pagiging matalas, patuloy na nilabanan ang interbensyong militar ng US, paglabag sa karapatang pantao, pagkawasak ng kalikasan, lupang ninuno at kabuhayan.
Higit na ipinakita ni Ka Sandy ang kanyang di matitinag na paninindigan at pamumuno sa panahon ng tatlong malulupit na gyera laban sa mamamayan na pinakawalan ni Duterte kasama na ang Oplan Kapanatagan. Sa inihasik na puting lagim ay hinding-hindi nawasak ang rebolsuyonaryong kilusan na malalim nang naipunla ng mga kasama katulad ni Ka Sandy.
Instrumental rin siya sa paggabay sa lalawigan ng Rizal na noo’y isa sa matinding inaatake ng puting lagim. Sa kanyang kumpas ay binuo ang iba’t-ibang kampanya masa sa rehiyunal na antas upang tulungan ang lalawigan na itambol at ilantad ang talamak na paglabag ng estado sa karapatang pantao. Higit lalo ang kanyang mahigpit na pamumuno sa buong kampanyang masa sa rehiyon upang salagin at labanan ang pag-atake ng NTF-ELCAC at ang pagbasura sa EO70 at Anti-Terrorism Law.
Kilala si Ka Sandy sa kanyang husay sa pagresolba sa mga krisis. Kung saan naroon ang problema ay doon siya pinapadala ng Partido at hindi niya ito kailanman inatrasan. Lagi itong hamon sa kanya bilang isang Marxista. Isa siyang mahusay, determinado at masigasig na lider. Edukador, propagandista, ahitador, kadre, ina at mapag-arugang kasama. Siya ay isang tunay na Komunista at huwaran ng walang pag-iimbot na paglilingkod sa masa.
Hindi nakapagtatakang sa kanyang paglisan ay maraming papalit na mga bagong sibol na mga kadreng kanyang pinanday sa puspusang pakikibaka at pagmamahal sa masa. Ang kanyang alaala ay mayamang pamana ng mga aral at gabay sa pagtatagumpay ng Demokratikong Rebolusyong Bayan na may Sosyalistang Perspektiba!
Mabuhay ang maningning at dakilang ala-ala ni Ka Sandy!
Ibayong Sumulong at Ipagtagumpay ang Rebolusyon!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!