Pinakamataas na Pulang Pagpupugay kay Kasamang Josephine “Sandy” Mendoza sa Unang Anibersaryo ng Kaniyang Pagpanaw
Taas kamaong tumitindig ang Kabataang Makabayan upang pagpugayan ang rebolusyunaryong legasiya ng diwa at kadakilaan na iniwan ni Kasamang Sandy sa kaniyang pagpanaw noong nakaraang taon, Nobyembre 10, 2023.
Malaki at makahulugan ang ginampanang tungkulin ni Ka Sandy sa pagtataguyod ng bagong demokratikong rebolusyunaryong kilusan, partikular na sa rehiyon ng Timog Katagalugan. Bago ang kaniyang pagpanaw, nagsilbing ikalawang pangalawang kalihim ng Komiteng Rehiyon ng Partido sa Timog Katagalugan (KRTK) at kagawad ng Komite Sentral ng Partido si Ka Sandy. At sa kaniyang paglilingkod ay pinanday niya ng mga rebolusyunaryong aral ng Marxismo-Leninismo-Maoismo ang malawig na pwersa ng kilusang kabataang estudyante, manggagawang pangkultura, at ang batayang masa. Isang inspirasyon si Ka Sandy sa puspusang pakikibaka mula pa noon hanggang magpahanggang ngayon.
Minarkahan ng pasismong diktadurya ni Marcos Sr. noong dekada 1980 ang simula ng militanteng pakikibaka ni Ka Sandy. Ang pagmulat ng mapanlupig na rehimen sa nabubulok na panlipunang sistema at mga krisis na kaakibat nito ang nag-udyok sa kaniyang sumapi sa Kabataang Makabayan na nagsilbing tanglaw sa kaniyang pagsampa bilang Ganap na Kasapi ng Partido. Sa panahon ding ito nagsimula ang kaniyang pakikibaka sa kanayunan.Taong 1984, sumapi si Ka Sandy sa Bagong Hukbong Bayan kung saan gumampan siya ng iba’t ibang mga tungkulin hinggil sa propagandismo at edukasyon. Kalaunan ay tinahak niya ang pagkilos sa labas ng kaniyang pinagsisilbihang lalawigan, ang isla ng Mindoro. Dito mas napatunayan ang katiwasayan at pagiging ulirang pinuno ni Ka Sandy sa iba’t ibang mga larangan, tulad ng mahalagang papel na kaniyang ginampanan noong Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto (IDKP), ang pagsusulong ng kampanya para ipatanggol ang karapatang pantao ng mamamayan ng Timog Katagalugan dahil sa sunod-sunod na paglabag at pamamasista ng mga berdugong Palparan at Arroyo, at sa mga karahasang dulot ng mga sumunod na pasistang rehimen na kinaharap ng masa at kilusan sa buong bansa.
Lisanin man ni Ka Sandy ang materyal na mundo ay hindi kailanman maglalaho ang rebolusyunaryong diwa at kadakilaan na kaniyang iniwan sa kilusan. Kaakibat ng pagiging inspirasyon at huwaran, ang legasiya ni Ka Sandy ay magsisilbing hamon sa mga kabataang dinggin ang tawag ng kanayunan na tanganin ang rebolusyonaryong landas sa pamamagitan nang pagsapi sa Bagong Hukbong Bayan upang itaguyod ang pambansa demokratikong rebolusyong bayan sa linya ng matagalang digmang bayan, sa gitna ng sumisidhing pamamasismo at mga krisis na dala ng nabubulok na rehimeng US-Marcos-Duterte. Ang buhay na inialay ni Ka Sandy at iba pang mga rebolusyonaryong martir sa pagsulong ng rebolusyon ay hindi mababalewala sapagkat ang mga bagong salinlahi ng mga rebolusyunaryo ang siyang magpapatuloy ng pakikibaka tungo sa paglaya ng sambayanan at pagtatatag sosyalistang lipunan!
Pulang saludo, Kasamang Josephine Mendoza!