Pahayag sa ika-51 na Deklarasyon ng Batas Militar ng Diktador na si Marcos Sr Pinatalsik ang amang diktador noon, ang anak naman ngayon
Sa ika-51 na taon ng madugong deklarasyon ng batas militar ni Marcos Sr, ang lahat ng kasapian ng KAGUMA ay nakikiisa sa lahat ng progresibong sektor ng ating lipunan sa pagkasiphayo at pagsambulat ng nagpupuyos na galit laban sa patuloy na pananalanta ng isang bulakbol at hambog na Pangulong si Marcos Jr. Lagpas na sa isang taon sa panunungkulan, walang naidulot na kaginhawaan ang bulakbulerong Pangulo na mas gusto pang magbiyahe sa ibang bansa sa halip na asikasuhin ang mga talamak na suliranin ng ating bansa. Hanggang Agosto ng taong kasalukuyan ang kanyang ginastos mula sa pera ng mamamayan ay lumobo na sa 995 porsyento o ₱403 milyon mula ₱36 milyon sa pagbubulakbol! Samantalang 9 lamang mula sa 130 na mga potensyal na investment ang nakuha niya sa lakwatsa.
Sa sobrang kayabangan ni Marcos Jr ay nagpupustura siya na siya ang Mesias ng magsasaka bilang Kalihim ng Agrikultura. Sa sobrang husay ni Marcos Jr ay nahigitan na natin ang Tsina bilang numero unong taga-angkat ng bigas. Ayon sa kanyang mga among imperyalista sa United States Department of Agriculture (USDA), abot na raw sa 3.8 milyong tonelada ng bigas ang aangkatin ng bansa ngayong taon. At para lalong sumaya ang mga kartel ng bigas at mga kumprador, babawasan pa raw ang taripa ng bigas na aangkatin. Gusto talagang ibaon ni Marcos Jr at kanyang mga neoliberal na ekonomistang tuta ang ating mga magsasaka sa balon ng kahirapan.
Ang kayang gawin lamang ni Marcos Jr ay magpataw ng “rice cap” sa presyo ng bigas na siya namang bumaon sa pagkalugi sa mga retailers sa halip na habulin ang mga smugglers at kartel ng bigas at buwagin ang Rice Tariffication Act or Republic Act (RA) 11203. Katulad ng kanyang idolo na pasistang si Rodrigo Duterte, sumasandal din si Marcos Jr sa mga ayuda imbes na harapin ang mga batayang problema ng krsisis sa bigas. Napatunayan na natin na ang pinagyayabang ni Marcos Jr na legacy raw ng kanyang diktador na ama—ang Masagana 99 at Kadiwa Stores ay pawang huwad na solusyon sa kagutuman ng mamamayan.
At dahil mas malaki ang inaangkat ng Pilipinas kaysa sa kanyang inilalako sa labas, ay kailangan umutang ang Pilipinas para mapunuan ang lumalalang budget deficit. Si Marcos Jr mismo ay natataranta na sa P14 trilyon na utang na minana niya sa korap at pahirap na rehimeng US-Duterte. Sa loob lang ng isang taon, dinagdagan na ito ni Marcos Jr ng ₱1.36 trilyon. Imbes na maging masinop sa paggamit ng pondo, hinayaan pa ni Marcos Jr na gumamit ng confidential funds si VP Sara Duterte, habang ang Office of the President naman ay humihingi rin ng dagdag ng confidential at intelligence fund na umabot sa ₱4.5 bilyon noong 2022. At kahit walang ekstra na pera ang bansa, isinulong pa rin ang Maharlika Investment Fund na kinakatas mula sa mga buwis ng mamamayan para ipalamon sa kanyang mga malalaking negosyante at burges-kumprador na mga kaibigan.
Samantala, sa bilyong intelligence fund, inutil pa rin si Marcos Jr sa pagsawata sa kartel ng langis na linggo-linggo nagtataas ng presyo. Ang kayang gawin lang ni Marcos Jr at ng kanyang mga neoliberal na mga aso sa gabinete ay magbigay ng karampot na ayuda sa ilang tsuper imbes na suspendihin ang taripa sa langis. Ang ayuda ay nangangahulugan ng pangungutang para busalan ang bibig ng mga tsuper at opereytors na huwag ng magtigil-pasada.
Ang pinakamalalang pagpapahirap ni Marcos Jr sa mamayang Pilipino ay hindi lamang ang walang patumanggang pagtaas ng presyo ng bigas at krudo, dahil pati na ang lahat ng mga batayang pagkain ng mga Pilipino ay nagsitaas din. Napipinto pa ang pagtataas ng mga pangunahing bilihin tulad ng asin, sardinas, at mga gulay. Pati si Marcos Jr ay hilong-talilong na rin sa pag-imbulog ng inflation rate ng ating bansa.
Sa harap ng lumalalang krisis sa bigas, langis, at ang hindi masawatang pagtaas ng mga presyo ng bilihin, naglimos si Marcos Jr ng ₱40 pesos na taas-sahod sa mga manggagawa. Pang-iinsulto lamang ang alam gawin ng bulakbulerong Pangulo para sa mga manggagawa habang siya sampu ng kanyang pamilya ay nagpapasasa sa maluhong byahe sa labas ng bansa. Ito ang “tatak Marcos”—talamak na pagwawaldas ng pera ng nagugutom na mamamayan.
Ang krisis na kinahaharap ng ating bayan ay tulad din krisis noong 1970s, noong nagdeklara ng martial law ang diktador na si Marcos Sr noong ika-21 ng Setyembre 1972 para pigilan ng bugso ng galit ng mamamayang Pilipino na naputol na ang pisi ng pagtitiis sa harap ng kahirapan dulot ng mala-kolonyal at mala-pyudal na lipunang pinagsasamantalahan ng imperyalistang US. Kaya hindi malayong magdeklara rin si Marcos Jr ng martial law kapag nag-alsa na ang bayan laban sa kanyang bulok ng pamamahala. Sa ngayon kuntento pa si Marcos Jr sa pag-iral ng Anti-Terrorism Law at ang kademonyohan ng NTF-ELCAC na walang habas sa paglabag sa mga karapatan ng mga mamamayang lumalaban o kahit tumutuligsa sa pamahalaan.
Mga kasamang gurong makabayan, tandaan natin na kahit pa nagdeklara si Marcos Sr ng martial law noong 1972, hindi nito napigitan ang nag-aalimpuyong paglaban ng mga mamamayan lalo na sa sektor ng mga makabayang guro. Lalong lumawak ang hanay ng mga guro at propesyunal na lumahok sa demokratiko rebolusyong bayan. Hindi maikakaila na marami ang handang tumugon at sumama sa armadong pakikibaka upang wakasan ang paghahari ng diktaduryang Marcos, Sr.
Ngayon naman ay hinahamon tayong mga guro, na maging masikhay sa pagrekruta ng mga kapwa nating guro sa KAGUMA sa harap ng pananalanta ng padausdos na ekonomiya at Anti-Terrorism Law. Palakasin natin ang ating hanay at ugnayan ang mga kasamang guro upang sumama at makiisa sa malawak na nagkakaisang prente upang pabagsakin ang anak ng diktador! Kailangan natin na maparalisa ang NTF-ELCAC sa pamamagitan ng paglantad sa mga karahasan at terorismong gawain ng ahensya lalo na sa paglabag nito sa karapatang pantao.
Alalahanin natin na si Marcos Sr ay sumandal din naman sa kuko ng imperyalistang US hanggang sa dulo ng pagpapatalsik sa kanya noong 1986. Huwag tayong matakot na labanan ang rehimeng Marcos-Duterte na papet ng US. Sa lakas ng mamamayan, maaaring maulit ang Edsa People Power upang isadlak sa kangkungan ang bulakbulerong Pangulo na siyang nagsusulong ng neoliberal na ekonomiya at reporma sa edukasyon. Ang ating panahon ang pinakanakakatakot na panahon pero nakakapukaw rin dahil naitutulak tayo sa lundo ng paglaban para sa ating kinabukasan. Hinog ang kondisyon upang magpropaganda, mag-organisa, at magpakilos para sa digmang bayan.
Kaya ngayong araw, makiisa tayo bitbit ang Marxismo-Leninismo-Maoismo bilang sandigang ng ating pananaw at pagkilos. Imulat ang sambayanan gamit ang rebolusyunaryong pagtuturo upang ibagsak ang anak ng diktador. Huwag nating bigyan ng puwang ang ano mang rebisyunismo at pagbabaluktot sa kasaysayan upang banlawan ang umaalingasaw na mga kasalanan ng Marcoses laban sa sambayanan. Martial law noon, ngayon naman ay anti-terror law at whole-of-nation approach laban sa insurehensya. Pero may hangganan ang tiraniya. Hindi ito walang-katapusan. At ang lakas ng sambayanang lumalaban bitbit ang tamang ideolohiya ang kikitil sa papausbong ng panibagong diktadurya. Kagyat na tayong nagtagumpay noong 1986. Ngayon naman ay ipanalo na natin ang armadong pakikibaka upang tuluyang madurog ang diktaduryang Marcos kasama ang nabubulok na sistemang kanilang ginagalawan.
IBAGSAK ANG REHIMENG US-MARCOS-DUTERTE!
MARTIAL LAW NOON, ANTI-TERROR LAW NGAYON!
IPAGWAGI ANG DEMOKRATIKO REBOLUSYONG BAYAN!
KATARUNGAN SA LAHAT NG BIKTIMA NG MARTIAL LAW!