Pahayag

Problema sa lupa ng magsasaka sa Hacienda Roxas, hindi kailanman nilutas ng reaksyunaryong estado

,

Taliwas sa pahayag ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa lumabas na artikulong ‘Batangas Farmers Land Dispute Resolved’ sa pahayagang The Manila Times noong ika-19 ng Pebrero, walang kalutasan at sa halip ay lalo pang pinasahol ang pangangamkam ng lupa sa bayan ng Nasugbu, partikular sa mga magsasaka ng Hacienda Roxas ng ganid na sabwatang Roxas-DAR at reaksyunaryong korte.

Labis-labis nang pagkabusabos ang dinaranas ng masang magsasaka sa kamay ng isa sa pinakamalaking panginoong maylupa at burgesya kumprador sa bansa, ang pamilya at angkan ni Don Pedro Roxas. Sa kasaysayan ng Kanlurang Batangas, ang halos kabuuan ng mga lupain mula Nasugbu, Calatagan, Balayan at Lian ay nakopo ng pamilya Roxas mula sa panahon ng kolonyalismong Espanyol at paghaharing Amerikano na nagpatupad ng matinding pangangamkam ng lupa at pambubusabos sa hanay ng masang magsasaka at manggagawang bukid. Sa loob ng daan-daang taon, ang monopolyo sa lupa at industriya ng asukal sa lalawigan ang higit na nagpayaman at nagpalakas ng kapangyarihan ng pamilyang Roxas habang isinadlak sa walang kaparis na kahirapan at pagkabusabos ang masang magsasaka at manggagawang bukid sa lalawigan.

Sa nakaraang tatlong dekada, pinaasa, nilinlang at ginisa sa sariling mantika ng sabwatang Roxas at reaksyunaryong gubyerno ang masang magsasaka sa humigit kumulang 7,000 ektaryang saklaw ng Hacienda Roxas sa Nasugbu.

Bilang pagtatangkang apulain ang apoy ng digmang magsasakang inilulunsad sa kanayunan, ipinatupad ng reaksyunaryong rehimeng Cory Aquino noong 1987 ang huwad na repormang agraryo, ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa halip na libreng pamamahagi ng lupa na siyang tunay na kahilingan ng masang magsasaka. Sa ilalim ng CARP, pinaasa ang mga magsasaka ng Hacienda Roxas na ganap nang mapapasakanila ang lupa sa pamamagitan ng CLOA (Certificate of Land Ownership Award). Pero hindi pa halos nananamnam ng magsasaka ang ilusyong ito, walang pag-aaksaya ng panahong kaagad na gumawa ng samu’t saring maniobra ang pamilya Roxas upang muling mabawi sa magsasaka ang lupa.

Taong 1993, kaparehong taon na nai-isyu ang CLOA sa mga magsasaka, kaagad na nag-apela ang Roxas Company Incorporated (RCI) ng exemption sa pagsaklaw ng CARP sa kanyang kinamkam na mga lupain, at hiningi sa reaksyunaryong gubyerno na kanselahin ang mga CLOA na ipinamahagi nito sa mga magsasaka. Ginamit ng RCI ang lahat ng butas sa mga probisyon mismo ng bogus na CARP ng gubyerno upang mapagsilbi sa kanyang ganid na interes na muling marekonsentra sa kanya ang lupa.

Sa 3 asyendang bumubuo ng Hacienda Roxas—ang Hacienda Carmen, Hacienda Banilad at Hacienda Palico, humigit kumulang 3000 ektarya ang sinaklaw ng CARP at ipinangako ng gubyerno na mapapasakamay ng masang magsasaka.

Mula 1993 hanggang 2022, nahulog ang magsasaka sa bitag ng pakikibakang ligal sa reaksyunaryong korte na pinasahol pa ng mga dilawang lider magsasaka sa pangunguna ng mag-asawang Roy at Nitz Mahinay. Bilang dilawang lider magsasaka, inilulong ni Roy Mahinay sa ekonomismo at repormismo ang pakikibaka ng magsasaka ng Hacienda Roxas habang si Atty. Nitz Mahinay naman ang pumosturang kinatawan ng pakikibaka sa korte ng mga magsasaka ngunit kalaunan ay naglantad din ng sarili bilang instrumento ng reaksyunaryong estado at panginoong maylupa sa sabwatang DAR-Roxas.

Lingid sa kaalaman ng masang magsasaka, habang pinapaasa sila ng mag-asawang Mahinay na nagtatagumpay sila sa labanang ligal, tuluyan na pala nitong ibinenta at isinuko ang laban nang pumasok ito sa compromise agreement sa DAR at Roxas noong 2023 na ganap na nagbalewala sa mga naunang itinakbo ng laban sa korte at nagbigay kapangyarihan sa DAR upang diumano ay ganap na tuldukan ang tunggalian sa lupa sa pagitan ng Roxas at mga magsasaka.

Sa pinal na kautusang inilabas ng DAR noong Enero 27, 2024, isinasaad nito ang diumano’y pantay o 50-50 na hatian sa 2,941 ektaryang lupa sa pagitan ng Roxas at mga magsasaka, pero bago hatiin ay aalisin muna ang 297 ektaryang nauna nang pinagpasyahan ng Korte Suprema pabor sa Roxas, kung kaya’t 1322 ektarya na lamang ang matitira para sa humigit kumulang 30,000 magsasaka ng Hacienda Roxas.

Ang problema, ang buong 2,941 ektarya na dinesisyunan ng Korte Suprema at DAR ay kasalukuyan nang pinupusisyunan at binubungkal ng libu-libong magsasaka ng Hacienda Roxas sa bisa ng kanilang pinanghahawakang mga CLOA. Ibubunsod ng ganitong kautusan ng DAR ang pagpapalayas sa mga magsasaka mula sa kanilang lupang sakahan at panirahan habang halos katiting na parsela na lamang ang matitira sa kanila na sa mas masahol pa ay nasa pabundok at hindi produktibong bahagi ng lupain. Iluluwal nito ang pagkawala ng pangunahing kabuhayang inaasahan ng masang magsasaka sa Hacienda Roxas. Sa tusong hakbangin na ito ng DAR, matapos nitong kanselahin ang mga umiiral pang CLOA ng mga magsasaka, lilikhain nito ang pagkahahati-hati sa hanay ng mga magsasaka mismo sa kanyang pakana na muling pagre-reisyu ng mga bagong CLOA sa matutukoy na benepisyaryo kung saan tiyak na mas marami ang mawawala sa listahan at mapapalayas sa kasalukuyan nilang pinupusisyunan.

Ang kasalukuyang sitwasyon na kinakaharap ng mga magsasaka ng Hacienda Roxas ang ganap na kabalintunaan sa ipinamamaraling mga programa ng ilehitimong rehimeng US-Marcos II kaugnay sa reporma sa lupa. Kamakailan lang, ipinagmamalaki ni Marcos ang kanyang ipinasang batas na diumano ay magbubura sa utang ng mga magsasaka sa kanilang amortisasyon sa CLOA, iyon pala naman ay sadyang wala nang babayarang utang sa CLOA ang mga magsasaka dahil binabawi na ng gubyerno ang kanilang mga CLOA upang muling irekonsentra ang lupa sa mga naghaharing uri! Sadyang kahabag-habag na kalagayan ang dinadanas ng masang magsasaka sa ilalim ng patuloy na nabubulok na sistemang mala-kolonyal at mala-pyudal ng lipunang Pilipino.

Ang pakikibaka at kalagayan ng magsasaka at mamamayan ng Hacienda Roxas ang ganap na larawan ng pagpapahirap ng tatlong salot ng lipunan—ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Sa panahon ng kolonyalismong Espanyol, malawakang inagaw ang lupang binubungkal ng masang magsasaka sa Kanlurang Batangas hanggang sa mapasakamay ito ng mga Roxas na isa sa pinakamatapat na enkargado ng gubyernong Espanyol nang panahong iyon. Matapos mapalayas ang mga Espanyol, pinanatili ng imperyalistang Amerikano ang monopolyo sa lupa ng mga Roxas upang malawakan nitong matustusan ang pangangailangan ng Amerika at pandaigdigang merkado sa suplay ng asukal na nililikha ng Central Azucarera de Don Pedro, Inc. (CADPI) mula sa malalawak na tubuhan na binungkal at ipinatrabaho sa masang anakpawis. Kasabwat ang mga nakaluklok sa estado poder, napanatili ng mga Roxas ang kanilang monopolyo sa lupa at ibayong napalago ang kanilang kayamanan mula sa todong pagpiga sa lakas-paggawa ng masang magsasaka, manggagawang bukid sa tubuhan at ng mga manggagawa sa loob mismo ng asukarera. Ang daantaong kahirapang dinaranas ng mga magsasaka at manggagawang bukid sa Nasugbu ang nagbunsod sa maraming anak ng mga bayang ito na tumahak sa landas ng armadong rebolusyon bilang tanging solusyon sa monopolyo ng mga panginoong maylupa tulad ng mga Roxas sa malalawak na lupain sa lalawigan.

Sa gitna ng ganitong kalagayan, hindi dapat magpakasapat ang masang magsasaka ng Hacienda Roxas sa panibago na namang sirkus ng labanan sa reaksyunaryong korte at mga ahensya ng estado upang igiit at ipagtanggol ang kanilang karapatan sa lupa. Panahon nang matuto ang masang magsasaka ng Hacienda Roxas mula sa kanilang mapait na karanasan kung paano sila pinaikot-ikot at pinaglaruan lamang ng sabwatang estado at Roxas at ng mga dilawang lider at abugadong pinagkatiwalaan at tinangkilik nila. Panahon na upang buong-buong tahakin ng masang magsasaka ng Hacienda Roxas ang landas ng demokratikong rebolusyong bayan bilang tanging solusyon sa daan-taong kaapihan at kawalan ng lupa sa kamay ng ganid at mapagsamantalang reaksyunaryong estado at iilang naghaharing uri sa lipunan. Ngayon higit kailanman ang tamang panahon upang isanib ng libu-libong magsasaka ng Hacienda Roxas ang kanilang lakas sa pagkamit sa rebolusyonaryong adhikain ng rebolusyonaryong mamamayan ng Batangas, itaguyod at isulong ang matagalang digmang bayan hanggang tagumpay. Sa ganito lamang ganap na makakamit ng masang magsasaka ang katuparan ng pinakaaasam na tunay at ganap na reporma sa lupa, kaalinsabay ng pambansang industriyalisasyon sa ilalim ng sosyalistang lipunan na ating itatayo sa pagtatagumpay ng digmang bayan.

Magsasaka ng Hacienda Roxas, isulong ang demokratikong rebolusyong bayan, kamtin ang tunay na reporma sa lupa!

Singilin at pagbayarin ang inutil, anti-magsasaka at ilehitimong rehimeng US-Marcos II!

Lumahok sa digmang bayan, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!###

Problema sa lupa ng magsasaka sa Hacienda Roxas, hindi kailanman nilutas ng reaksyunaryong estado