Pulang Pagpupugay sa Kadakilaan ni Ka Sandy!
Mensahe ng
Partido Komunista ng Pilipinas – Marxismo-Leninismo-Maoismo
Apolonio Mendoza Command-New People’s Army
South Quezon – Bondoc Peninsula – Quezon-Bicol Zone
Ang mga rebolusyunaryong mamamayan sa buong South Quezon-Bondoc Peninsula- Quezon-Bicol Zone ay nakataas ang kamao at ang bawat Pulang kumander at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan ay nakasaludo sa pagkilala sa pagkamartir at kadakilaan ni Kasamang Josephine Mendoza.
Higit siyang kilala sa pangalang Ka Sandy. Sa kanyang pagpanaw noong Nobyembre 10, 2023, tiyak na mangungulila ang rebolusyunaryong kilusan sa mga erya ng digma ng SQBP at QBZ sa isang Ka Sandy. Siya ay kagawad ng Komite Sentral ng Partido at ikalawang pangalawang kalihim ng Komiteng Rehiyon ng Partido sa Timog Katagalugan (KRTK).
Si Ka Sandy ay isang huwaran at natatanging proletaryadong komunista na kailanman ay hindi magmamaliw ang alaala sa bawat mamamayan, kasapi ng Partido at Hukbong Bayan sa mga larangan ng Timog Quezon, Bondoc Peninsula hanggang sa mga hangganan ng lalawigan ng Quezon at rehiyong Bicol.
Saksi kami sa napakahalagang ambag ni Ka Sandy sa pamumuno at pagbibigay direksyon sa lahatang-panig na pagsulong ng rebolusyunaryong adhikain ng mamamayan ng Quezon. Kahit sa pinakamadidilim na yugto ng pakikibaka sa probinsya ay kabahagi namin si Ka Sandy na nagsisilbing liwanag sa aming pagkilos.
Taong 2012 nang ipanawagan ng KRTK ang islogang “Lahat para sa Larangan ng SQBP.”
Ito ang panahon na tinambakan ng walong batalyong pinagsanib na sundalo, pulis at paramilitar ang dalawampu’t isang bayan sa SQBP. Wala itong kaparis sa nakaraan sa laki ng konsentrasyon ng armadong puwersa ng papet na rehimen noon ni BS Aquino II sa maituturing na napakaliit at napakakitid na lawak ng erya ng digma ng Bagong Hukbong Bayan.
Sa panawagang ito, bilang nangangasiwa sa pampulitikang laban ng mamamayan sa rehiyon, binigyan ng malinaw na direksyon ni Ka Sandy ang mahigpit na tungkulin ng pambansa-demokratikong kilusan sa rehiyong Timog Katagalugan. Nagmartsa at kumilos mula sa iba’t-ibang pook at kalsada ang bawat progresibong samahan at mga kapanalig nito maging sa Kamaynilaan, iba pang panig hanggang labas ng bansa.
Ang panawagang Iligtas ang Bondoc Peninsula ay naging isang kilusang masa, hanggang matipon ang higanteng lakas sa iisang direksyon patungong lalawigan ng Quezon para ipagtanggol at iligtas ang pakikibaka ng mamamayan dito sa maaring pagkalusaw dahil sa matinding atrosidad at pasismo ng rehimeng US-BS Aquino II noon. Sa mga kasunod na taon, idedeklara ng Apolonio Mendoza Command at buong rebolusyunaryong kilusan sa lalawigan, na, bigo ang Oplan Bayanihan!
Isa lamang iyan sa mga dahilan kung bakit habambuhay nang nakaukit sa alaala ng mamamayan ng lalawigan ang pinakamamahal na Ka Sandy. Naipon at napuno na ng kanyang mahahalagang aral ang kaban ng kaalaman ng pambansa demokratikong kilusan sa pagsusulong ng rebolusyunaryong adhikain ng mamamayan. Ito ang hindi mapaparam na diklap sa ating puso at isipan.#