Pahayag

Mensahe ng Parangal ng Rehiyunal na Komite ng Partido sa Cagayan Valley Pulang saludo kay Orlando "Ka Jorly" Sagsagat, matapat na komunista, martir ng sambayanan

,

“Ang lahat ng tao ay tiyak na mamamatay, ngunit ang kamatayan ay maaaring mag-iba ng kabuluhan. Ang mamatay alang-alang sa sambayanan ay higit na mabigat kaysa Bundok Sierra Madre, subalit ang maglingkod sa mga pasista at ang mamatay para sa mga mapagsamantala at mapang-api ay higit na magaan kaysa balahibo.”

Sa ngalan ng buong kasapian ng Partido sa rehiyon, at sa ngalan ng lahat ng Pulang kumander at mandirigma ng Fortunato Camus Command (BHB-Cagayan Valley), kinikilala at pinaparangalan ng Komiteng Rehiyon (KR)-Cagayan Valley si Kasamang Orlando “Ka Jorly/Ka Bimbol” Sagsagat, bayani at martir ng rebolusyong Pilipino. Saludo ang Partido at ang buong rebolusyonaryong kilusan sa kanyang kabayanihan, kagitingan at katapatan.

Si Ka Jorly ay isa sa tatlong hors de combat na pinaslang ng berdugong 95th Infantry Battalion, 502nd Brigade sa Sitio Pallay, Baliuag, Peñablanca noong umaga ng Setyembre 11. Lipos ng lungkot at pagluluksa ng buong rebolusyonaryong pwersa sa pagpanaw ng isang matapat at matatag na kasama na inilaan ang buong-buhay sa pagsusulong ng matagalang digmang bayan. Kasama ang mga magsasaka at pambansang minorya na nakapiling niya sa pakikibaka, taos-pusong nakikiramay ang KRCV sa pamilya ni Ka Jorly.

Larawan ng katatagan at katapatan sa rebolusyon at Partido ang naging buhay ni Ka Jorly. Nagmula siya sa saray ng maralitang magsasaka ng Bural sa Zinundungan Valley, Rizal. Sumampa siya sa hukbo noong dekada 1980 nang siya ay nasa kasibulan pa ng kanyang kabataan, mga taong nasa rurok din ang armadong pakikibaka sa lalawigan ng Cagayan. Isa ang kanilang lugar sa noo’y tinaguriang PRG na sentro ng Pulang kapangyarihan. Hindi basta-basta makakapasok ang kaaway sa lugar at hindi rin makakalabas ng walang latay o kaswalti dahil sa lakas ng mga pultaym na yunit gerilya, mga milisyang bayan, mga RMB sa saklaw tipak, at mulat na suportang masa.

Sa loob ng halos apat na dekadang pagkilos, naidestino siya sa iba’t ibang mga rehiyon at isla sa buong bansa—mga lugar na hindi pamilyar, iba ang lenggwahe at kultura. Gayunpaman, walang pag-iimbot na tinatanganan ni Ka Jorly ang kanyang mga tungkulin at ipinamalas ang mataas na komunistang diwa na pagpapanguna sa interes ng kabuuan. Sapagkat kung saan may pakikibaka, nandoon ang komunista.

Maaasahan at matiyagang kasama si Ka Jorly. Sa mahabang panahon ay nakapaloob siya sa yunit ng sentro ng rehiyon. Isa siya sa mga nagtataguyod ng mga aktibidad at konsentrasyon upang epektibong makapamuno at mapangasiwaan ang lahat ng larangan ng mga rebolusyonaryong gawain. Matapang din siya sa labanan. Ilang opensiba at depensibang labanan na ang kanyang hinarap at pinagtagumpayan.

Hindi nagpatinag si Ka Jorly sa lahat ng kahirapan at sakripisyo sa buong panahon ng kanyang pagkilos. Bagkus, ang mga pagsubok na ito ang nagpanday sa kanyang bakal na paninindigang paglingkuran ang sambayanan, buhay man ay ialay kung kinakailangan.

Isa si Ka Jorly sa matatapat na kasamang taimtim na tinanggap ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto (IDKP). Kasama ang iba pa sa rehiyon, puspusan silang nag-aral, nagpuna at nagpuna-sa-sarili at nagwasto sa mga kalabisang nagawa. Nandoon siya sa bawat panahon—tagumpay man o pagkabigo, pagyabong o paglagas, at sa pagwawasto at pagpapanibagong-lakas.

Noong 2018, humarap sa kundisyong pangkalusugan at kinailangan ni Ka Jorly na magpahinga at magpalakas. Kinanlong siya ng baseng gerilya ngunit sa walang-pakundangang paghahasik ng AFP ng teroristang lagim sa kanayunan, isa si Ka Jorly sa puu-puong magsasakang tinakot at dinahas ng kaaway. Hindi na lang din iilang beses na ginipit ang kanyang ina sa desperasyon ng kaaway na siya ay pasukuin. Ngunit bigo sila. Sa halip na lumuhod at magpatangay sa kaaway, nanatili siyang matatag at buo ang loob, at ginawa ang lahat ng makakaya upang makailag sa atake. Nang nagkaroon ng pagkakataon, nagpasya siyang muling bumalik sa hukbo sa kabila ng kanyang iniindang karamdaman.

Mapagkasama at palakwento si Ka Jorly. Ibinabahagi niya sa mga nakababatang kadre at mga kasama ang kanyang mga naging karanasan sa pagkilos. Matiyaga din niyang tinuturuan at ginagabayan ang mga bagong pultaym upang makaangkop sa buhay hukbo. Palaging nakatuon ang kanyang isip sa pagsusulong ng rebolusyon at pagpapalakas ng armadong pakikibaka. Sa katunayan, pinangungunahan niya mismo ang pagpapasampa sa kanyang mga pamangkin at kamag-anak, at minamaksimisa sila para sa suporta sa hukbo sa iba’t ibang pamamaraan at aspeto. Matiyaga siyang nagpupukaw, nag-oorganisa at nagpapakilos.

Hukbong pangkultura rin si Ka Jorly. Aktibo siyang lumalahok sa mga pangkulturang pagtatanghal. Mahilig siyang kumanta ng mga rebolusyonaryong awitin na kanyang kinalakihan sa kanilang komunidad. Isang pamamaraan niya ito upang mapalapit sa masa’t mga kasama.

Pamarisan ang naging buhay at pakikibaka ni Ka Jorly! Inspirasyon siya sa mga tulad niyang nagmula sa uring magsasaka na humawak ng armas at lumahok sa digmang magsasaka upang wakasan ang daan taong pagkakagapos sa tanikala ng pagkakaalipin. Inspirasyon siya sa laksa-laksang kabataang Malaueg at uring anakpawis na patuloy na nakikibaka para sa isang lipunang tunay na malaya at may hustisya.

Sa harap ng papalalang krisis panlipunan at dinaranas na masidhing paghihikahos, pagsasamantala at pang-aapi sa ilalim ng tatlong pundamental na ugat ng kahirapan, tiyak na mas marami pang iluluwal na Ka Jorly na handang tumangan ng armas at ipagpatuloy ang pakikibakang pinag-alayan niya ng buhay.

Hustisya para ka Ka Jorly at iba pang martir ng Peñablanca!
Pagpugayan ang buhay at pakikibaka ni Ka Jorly!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!

Pulang saludo kay Orlando "Ka Jorly" Sagsagat, matapat na komunista, martir ng sambayanan