Pahayag

Sa ikalawang taon ng kamatayan ni Ka Joma Puspusang isulong ang kilusang pagwawasto sa tanglaw ng mga dakilang akda niya at muling palakasin ang Partido!

Muli nating pagpugayan at bigyan ng natatanging pagkilala at pag-alaala si Kasamang Jose Maria Sison, tagapangulong tagapagtatag ng Partido at dakilang gurong Komunistang Pilipino ngayong Disyembre 16, ikalawang taong anibersaryo ng kanyang pagkamatay at sa darating na ika-56 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Sa okasyong ito, ipagdiwang natin ang maringal at dakilang buhay ni Ka Joma sa muling pagbabalik-tanaw at pagbabalik-aral natin sa kasaysayan ng kanyang buhay, na mahalagang bahagi ng kasaysayan ng mahal nating Partido. Humalaw tayo ng maraming aral at inspirasyon sa mapangahas niyang pagsalunga sa rebisyunistang liderato ng mga Lava sa loob ng lumang Partido, pagguhit ng wastong linya hanggang sa pagtatayo ng bagong Partidong pinapatnubayan ng MLM; sa wastong paglalapat ng MLM sa kongkretong kalagayan at praktika ng lipunan at rebolusyong Pilipino at pagtatakda ng wastong linyang pampulitika kaya epektibong nakaugat ang Partido sa masang Pilipino, lumawak at nakapag-ipon ng lakas; sa matapang at matalino niyang pagharap sa kaaway; sa paggawa ng lahat ng pamamaraan para magiyahan pa rin ang Partido kahit nasa detensyon; sa pamumuno at pagsasalba sa Partido sa bingit ng pagkawasak bunga ng pagsagipsip ng oportunistang linya; sa tuluy-tuloy na paggabay sa pagsulong ng Partido at rebolusyong Pilipino kahit nasa ibayong dagat at sumasailalim sa iba’t ibang tipo ng panggigipit ng imperyalismo; at sa pagtatanghal at pagtatanggol sa kawastuhan ng unibersal na teorya ng MLM para labanan ang modernong rebisyunismo at lahat ng maniobra ng pandaigdigang burgesya.

Nasa gitna tayo ngayon ng simbuyo ng krisis pampulitika resulta ng tuluy-tuloy na pagkaagnas ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino. Itinutulak ito ng hindi mapigil na pagbulusok ng pandaidigang sistemang kapitalismo na nagpapahina sa kapangyarihan ng numero unong imperyalistang US na amo ng tutang rehimen ni Marcos II. Labis-labis ang kahirapang dinaranas ng mamamayan laluna ang masang anakpawis habang ang mga nasa poder ay garapalang nangungulimbat ng pondo ng bayan. Nalantad kamakailan lamang ang dambuhalang confidential and intelligence funds ng pinakamatataas na pinuno ng reaksyunaryong gubyerno na sina Marcos II (₱4.56 bilyon) at Sara Duterte (₱375 milyon). Sa kabila nito, nakakapamayagpag kapwa ang mga buhong na ito para ipagpatuloy ang kanilang katakawan sa kapinsalaan ng bayan. Dahil parehong masiba, naghuhuramentado ngayon ang mga Duterte sa ginagawang pandudupang ng mga Marcos para solohin ang yaman, kapangyarihan at pabor ng mga imperyalistang bansa.

Lalong pinalalala nito ang lugmok na kalagayan ng mamamayan resulta ng patuloy na pagsirit ng presyo ng pangunahing bilihin at serbisyo, pagbagsak ng kanilang kabuhayan at paghagupit ng mga kalamidad at bagyo.

Kapwa duguan ang mga kamay nina Duterte at Marcos sa pagpapatupad ng brutal na patakaran ng panunupil sa bayan. Mula nang maluklok sa estado-poder si Marcos II, umaabot sa 3,082 ang kaso ng paglabag sa karapatang pantao na bumiktima sa 508,239 katao sa buong bansa ayon sa tala ng Ang Bayan. Pinakamatingkad sa mga ito ang 232 kaso ng pagpaslang, 233 kaso ng pagdukot, 488 kaso ng pag-aresto at detensyon, at 179 biktima ng tortyur. Sa 975 kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa bansa ngayong taon, 12% nito o 113 ang bilang kaso sa TK. Tampok sa mga ito ang pagpaslang ng mga elemento ng 4th IBPA at PNP-Bulalacao sa kabataang si Jay-El Maligday sa Bulalacao, Oriental Mindoro nitong Abril.

Itinutulak ng obhetibong kalagayan ang mamamayan na kamuhian ang sistema, mag-alsa at maghanap ng solusyon sa labis na kahirapan at pagdaralitang nararanasan nila. Tangan ang mga turo ni Ka Joma, dapat samantalahin ng mga rebolusyonaryong pwersa ang kasalukuyang sitwasyon upang ibaling ang poot ng bayan sa pagpapalakas ng pakikibakang masa, bigkisin ang sambayanan at pakilusin ang pinakamaraming bilang sa pagsusulong ng digmang bayan. Mapagpasya nating ikambyo-pasulong ang mga gawain at pwersa at kalasin ang mga bara at bagaheng nagpapabagal sa ating mabilis na pagbawi at pagsulong. Gamitin nating tanglaw ang mga dakilang aral at turo ni Ka Joma sa ating kilusang pagwawasto, puspusin ang ating mga sarili ng diwang Komunista para iwaksi ang lahat ng maling tendensya ng pag-iisip at paggawa, pangibabawan ang mga kahirapan at balakid at muling palakasin ang Partido at dalhin sa mas mataas na antas ang rebolusyong Pilipino.

Puspusang isulong ang kilusang pagwawasto sa tanglaw ng mga dakilang akda niya at muling palakasin ang Partido!