Pahayag

Puspusin ang kilusang pagwawasto! Palakasin ang BHB at muling pagsiglahin ang armadong pakikibaka sa Mindoro bilang ambag sa pambansang pagsulong at pagbigo sa kontra rebolusyonaryong digma ng Rehimeng US-Marcos II!

Maalab na pagbati at pagpupugay ang ibinibigay ng Lucio de Guzman Command-NPA Mindoro sa lahat ng magigiting na pulang kumander at mandirigma ng Lucio de Guzman Command, mga kasapi ng milisyang bayan, at mga kasapi ng yunit pananggol sa baryo sa ika 56 anibersayo ng pagkakatatag ng Bagong Hukbong Bayan. Malaking sampal ngayon sa AFP-PNP ang mayabang nitong deklarasyon na malilipol na ang CPP-NPA-NDFP bago ang 2025 sapagkat matatag na nakatayo at buo ang NPA, at hindi nauubos ang determinasyong gampanan ang tungkulin bilang natatanging hukbo ng mamamayan.

Sa makasaysayang araw na ito, taglay ang palaban at di magagaping diwa nina Kasamang Rey Andal, Kasamang Lucio de Guzman, Kasamang Bienvenido Valleber, Kasamang Jaime “Ka Diego” Padilla at iba pang mga kasamang katulad nila, sumusumpa ang hukbong bayan na buong pusong paglilingkuran ang sambayanan, mahigpit na hahawakan ang armas upang durugin ang kaaway gaano man kahirap at kalupit ang kakaharapin upang maitayo ang isang malaya, demokratiko, masagana at mapayapang lipunan.

Sa araw ding ito, taas kamaong pagpupugay ang iginagawad natin sa lahat ng mga martir na mga pulang kumander, mandirigma, kasapi ng mga organisasyong masa, mga kaibigan ng rebolusyon, at iba pang mamamayang nagbuwis at nag ambag ng buhay alang alang sa pagsusulong ng armadong pakikibaka at paglahok sa digmang bayan. Noong 2024, pinakabagong martir ng Mindoro sina Kasamang Jonas “Ka Igo, Ka Flakes” Barrientos at si Kasamang Rosemarie “Ka Agnes, Ka Soya” Gayadan na parehong napaslang sa gitna ng magiting na pakikipaglaban sa kaaway. Sila at ang daan daang pang mga martir ang mga tunay na bayani ng rebolusyon na walang pag iimbot na nag alay ng kanilang kaisa isang buhay at nagpapula ng landas ng rebolusyonaryong pakikibaka. Ang kwento ng kanilang kabayanihan ay hindi mabubura kailanman sa rebolusyonaryong kasaysayan bagkus ay patuloy na dadakilain at magbibigay inspirasyon sa kasalukuyan at kasunod pang salin na mga rebolusyonaryo.

Pinagpupugayan din natin ang mga pulang mandirigma, mga opisyal ng hukbong bayan, at mga masa na dinakip, nakulong, nakaranas ng kalupitan ng kaaway, napalayo sa mga mahal sa buhay, at nakaranas ng kakaibang kahirapan at sakripisyo subalit nananatiling matatag at matapat sa adhikain ng rebolusyon at ni hindi nakaisip na magtaksil upang isalba ang sarili. Pinagpupugayan din natin ang walang hanggang suporta ng masang anakpawis sa pagtataguyod ng armadong pakikibaka sa isla ng Mindoro.

Umiigting na digma at krisis sa Mindoro

Patuloy na umiigting ang digma sa Mindoro. Sentro ngayon ang Mindoro ng kontra rebolusyonaryong gyera sa buong Timog Katagalugan. Batay kay Gen. Antonio Parlade, huling prontera sa rehiyon ang isla ng Mindoro kaya naman nakapakat ang umaabot na sa sampu at kalahating batalyon ng AFP-PNP-CAFGU sa layuning durugin ang buong rebolusyonaryong kilusan. Sa partikular, 4 ang Philippine Army Batallion (4th IBPA, 76th IBPA, 68th IBPA, at 1st IBPA). 1 Batalyon ng Special Action Force, ang 10th Special Action Battalion, 1 Batalyon ng Regional Mobile Force Batallion(RMFB), tig isang batalyon ng Provincial Mobile Force Company(PMFC) ang Occidental at Oriental Mindoro, 1 kumpanya ng 23rd Division Reconnaisance Company(DRC), 1 kumpanya ng 15th Scout Ranger Company(SRC), at 2 batalyon ng CAFGU. Pinalakas ng 203rd Bde at PNP MIMAROPA maging ang mga kagamitang panghimpapawid nito kabilang ang 2 blackhawk helicopter, 1 cobra helicopter, at 1 Sikorsky helicopter ng PNP. Pinarami din ang mga Hermes drones at iba pang kagamitan para sa aerial surveillance. Kaya naman pangkaraniwan na ang halos araw araw na pagpapalipad ng mga helicopter at drones, pambobomba at pamamaril sa ere kapag may labanan at mabilis na reinforcement at resupply gamit ang mga helicopters ng 203rd Bde.

Saan mang dako naroon ang kaaway, ay may paglabag sa karapatang pantao at internasyunal na makataong batas na nililikha ng mga sundalo at pulis laban sa mga sibilyan. Libo libong Mindoreño ang biktima ng mahabang rekord ng pagpatay, pambobomba, walang habas na pagpapaputok sa ere o sa lupa, food blockade at paglilimita ng bibilhing bigas hanggang 3 kilo, sapilitang pagpapasuko, pagpapataw ng curfew, pambubugbog, iligal na panghuhuli at pagkulong, panggagahasa, pagnanakaw ng hayop at iba pang ari arian ng masa, sapilitang pagpapagiya, at marami pang anyo ng pagmamalupit sa mga walang kalaban laban.

Walang pag alwan sa buhay ng mga Mindoreño, bagkus patuloy pa ang pagbulusok dahil sa krisis. Libu libong magsasaka, mangingisda, at katutubong Mangyan ang biktima ng pang aagaw ng lupang sakahan, pangisdaan, at lupang ninuno dahil sa pagpasok ng mga dambuhalang negosyo at proyekto sa isla ng Mindoro. Batay sa development plan 2023-2028 ng Rehimeng US Marcos 2, isa ang Mindoro sa MIMAROPA sa itinakdang prayoridad na pagkunan ng pinakamalaking output ng mina at quarry. Kaya asahan ang pagpasok ng mas marami pang aplikasyon at operasyon ng mina, kwari, renewable energy projects (REP’s), at maging ng programang eko turismo. Walang aksyon ang reaksyunaryong gubyerno sa kahilingang itaas ang presyo ng produktong bukid laluna ng palay, mais, saging, sibuyas, kopras na mga mayor na produkto sa isla. Labis ang pagkalugi ng mga magsasaka dahil sa taas ng gastos sa produksyon subalit pawang nalulugi dahil sa bagsak presyo. Walang aksyon ang mga burukrata kapitalista upang tulungang makabawi ang mga nasalanta ng mga kalamidad. Patuloy ang malawakang kawalan ng trabaho sa Mindoro at mababang pasahod. Nagtitiis ang marami na lumuwas upang maging construction worker, tindero’t tindera, kasambahay, at iba pa na lubha ding mababa ang pasahod.

Pagpupunyagi ng mga rebolusyonaryong pwersa na isulong at lubusin ang kilusang pagwawasto

Nagsikap ang lahat ng komite at yunit ng Partido sa Mindoro na makaalpas sa mga kahinaang tumigas na’t nakakulapol sa mga pwersa ng rebolusyon na tinukoy ng Partido sa ika 55 anibersaryo nito. Pangunahin na ang suhetibismo sa anyo ng empirisismo na mauugat sa mababaw na pagsapol sa teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, kahinaan sa aplikasyon ng teorya at kongkretong paglalapat nito sa araw araw na praktika. Ang ideolohikal na kahinaang empirisista na nagresulta ng kanang mga pagkakamali at kahinaan sa pulitika sa anyo ng konserbatismo, pasibidad, labis na pagmamalaki sa kaaway sa isang banda at pagmamaliit naman sa lakas ng masa at rebolusyonaryong pwersa na sa iba’y tumungo sa kawalan na ng pag asang maipagtatagumpay ang rebolusyon. Habang ultra demokrasya, burukratismo, at liberalismo ang lutang na manipestasyon ng kahinaaan sa organisasyon. Sa nagdaang taon, kasabay ng pagsagipsip ng malalalang kahinaan sa ideolohiya, pulitika, at organisasyon, dumanas din ang Mindoro ng matinding atake ng kaaway na mas malupit kesa sa nakaraang mga taon. Nagbunga ito ng seryosong pinsala at pag atras sa Partido, hukbong bayan, at baseng masa. Sa pangunguna ng komite ng Partido sa isla, pinagsumikapan ng lahat na makahulagpos sa mga natukoy na kahinaan sa pamamagitan ng seryosong kampanyang edukasyon, paglulunsad ng mga regular at espesyal na pagpuna at pagpuna sa sarili (PPS), pagsasagawa ng mga paglalagom at panlipunang pagsisiyasat at pagsusuri sa uri. Sa gitna ng matinding atake ng kaaway, pinasigla at seryoso nating pinagana ang Paaralang Jose Maria Sison(PJMS) at inilunsad ang mga pag aaral sa mga aralin at kursong pampartido upang patalasin sa teorya ng MLM ang mga sandata ng rebolusyon at wastong paglalapat nito sa praktika.

Mahigpit tayong tumungo at umugat sa masa, pangita ito sa paglawak at pagbuka ng eryang sinaklaw ng mga yunit ng BHB upang ireaktiba at irekober ang mga eryang matagal na naiwanan ng hukbong bayan. Habang tuloy tuloy sa gitgitang pagkokonsolida ng baseng masang pilit na winawasak ng kaaway.

Patuloy na nakapagpreserba ng lakas ang hukbong bayan sa isla at nagawa ang tungkulin nito bilang hukbong pampropaganda, pang organisa, pamproduksyon, at panlaban. Sa nagdaang taon, ilampung beses na binigo at nailagan ng mga yunit ng BHB sa isla ang mga operasyong paghanap at paglipol ng kaaway sa kabila ng pananatili nito bilang “eye of the storm” ng kontra rebolusyonaryong gyera ng AFP-PNP. Habang ang iba pa nga dito’y aktibong nadepensahan ng BHB at nagbigay sa kaaway ng maraming kaswalting patay at sugatan.

Gayunman, hindi pa natin nalulubos ang pagwawasto at pag igpaw sa mga kahinaan. Kulang na kulang pa ang ating pagsisikap at malaki pa ang kailangang isikad at pabilisin nang sa gayo’y mabilis tayong makabawi mula sa mga pag atras.

Sa ika 56 na anibersaryo ng BHB, puspusang itayo ang baseng masa, isulong ang rebolusyong agraryo at armadong pakikibaka. Tumungo sa mas mataas na antas ng digma!

Itinutulak ng higit na lumalalang krisis pang ekonomiya at pampulitika sa buong bansa at maging sa Mindoro ang higit na pangangailangang ibandilyo at iwagayway ang pag abante ng digmang bayan sa mas mataas na antas. Walang ibang tagapagligtas ang mamamayang api kundi ang pagsusulong at pagdadala sa tagumpay ng pambansa demokratikong rebolusyon na sa pangunahi’y armado ang katangian. Mahigpit na kailangang isulong ang tatlong di mapaghihiwalay at magkakaugnay na sangkap ng digmang bayan- ang pagtatayo ng baseng masa, pagsusulong ng rebolusyong agraryo, at armadong pakikibaka. Sa sabayan at puspusang pagsusulong ng tatlong ito, tiyak ang pag abante sa mas mataas na antas ng digmang bayan .

Dapat na itayo, palaparin, at palawakin ang baseng masa, ang baseng lumalaban. Upang magawa ito, kinakailangang ang lahat ng sandata ng rebolusyon ay mulat at walang sasayangin ni katiting na pagkakataon para sa tungkuling magpukaw, magmulat, mag organisa at magpakilos ng masa para sa digmang bayan. Epektibo lamang na maoorganisa at kikilos ang masa kung sapol nito ang katumpakan, dahilan, at layunin ng paglahok sa rebolusyon. Kaya’t kailangang pasiglahin ang gawaing edukasyon-propaganda-kultura sa hanay ng masa.

Sinisira ng kaaway ang pagkakaisa ng masa sa pagpapalaganap ng mga dudahan, pang iintriga, at pananakot sa kanilang hanay na nagtutulak sa kanilang tumigil sa paglaban. Kailangan natin itong kumpunihin at isaayos at hindi dapat magpatumpik tumpik na buuin ang kanilang pagkakaisa.

Pinatunayan na ng mahabang rebolusyonaryong kasaysayan na ang balon at pandayan ng mga rebolusyonaryong pwersa, mga kadre, at matatag na baseng masa ay iniluluwal ng mga buhay na laban para sa lupa, sahod, at iba pang kagalingan ng masa. Dapat pakatandaan na demokratikong rebolusyon ang ating isinusulong dahil pangunahin nitong tinutugunan ang interes ng masang magsasaka- ang makibaka para sa lupa.

Saan mang panig ay may pakikibaka. Hindi mawawalan ng dahilan ang mamamayan na kumilos upang baguhin ang kanyang aping kalagayan. Laganap ang problema sa kawalan ng lupang mabubungkal at pang aagaw ng lupain ng mga magsasaka at katutubong Mangyan ng mga panginoong maylupa at ng reaksyunaryong gubyerno dahil sa pagpapapasok nito ng mga proyekto at programang inihain ni Marcos Jr. sa mga dayuhan at malalaking burgesya kumprador. Lubhang mababa ang sahod ng mga mangggagawang bukid. Barat na barat na presyo ng mga produkto ng magsasaka. Mataas na presyo ng mga farm inputs kagaya ng mga pestisidyo at binhi, mataas na presyo ng bilihin na dagdag sa mabibigat na pasanin ng masa.

Palakasin ang armadong pakikibaka

Mahalagang magbalik tanaw ang kasalukuyang pwersa ng rebolusyon sa kasaysayan ng pagkakatatag ng BHB, pagpupundar ng mga larangang gerilya at pagsulong ng armadong pakikibaka sa iba’t ibang panig ng bansa. Mula rito’y halawan natin ng aral at inspirasyon. Sa kabila ng kapos at kulang na kaalaman sa gerilyang pagkilos at buhay sa kanayunan na mahalaga sa pagsusulong ng armadong pakikibaka, manahin natin ang kanilang ibayong kapangahasan at determinasyon na tanging baon ng mga batang kadre ng tunguhin ang kanayunan sa kasagsagan ng Batas Militar ng Rehimeng US Marcos 1. Hamon sa ating maging mapangahas at determinado sa anumang panig ng gawain, hindi konserbatibo at pasibo. Igpawan ang mga kahirapan at balakid sa pagkilos at lampasan ang mga limitasyon.

Mahigpit ang pangangailangang palakihin ang bilang ng BHB upang epektibo nitong magampanan ang papabigat at papalaking tungkulin. Umiigting ang digma, araw araw na pinaplano ng reaksyunaryong estado ang paglipol sa buong rebolusyonaryong kilusan. Patuloy ang pagbubuhos nito ng malaking rekurso at lakas tauhan para sa maitim na layunin nito. Kailangang sistematikong planuhin ng mga sangay ng Partido, yunit ng hukbong bayan, mga milisya, mga indibidwal, at organisasyong masa ang pagpapasampa ng pinakamabubuting anak sa hukbong bayan. Iplano din ang tour of duty, pagpapasanib, integrasyon, exposure at pagbisita sa mga yunit ng hukbo upang mula dito’y magkaroon ng perspektiba ang mga ito na tuluyang magpultaym sa hukbong bayan. Ilunsad ang cherish the army campaign upang maging bukal na pasampa at suporta sa hukbong bayan.

Epektibo lamang na makakapagpalakas ang hukbong bayan kung nagagawa nito ang mayor na tungkuling labanan at durugin ang kaaway sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga taktikal na opensiba. Kinakailangang pasiglahin ang anihilatibo, atritibo, espesyal na mga TO, at pamamarusa sa mga taksil sa rebolusyon at pahirap sa mamamayan. Kailangang basagin ng hukbong bayan sa isla ang matagal na panahong pananahimik ng mga baril dahil sa kawalan ng nailulunsad na mga batayang TO. Kung nakaya nating patamaan ang kaaway sa mga aktibong depensa na may maiiksing paghahanda, higit lalong kaya nating bigwasan sa mga plinanong labanan. Batay sa kasalukuyang hawak na pwersa, dapat na planuhing birahin, paputukan, tambangan, at lusubin ang kaaway upang mabigyang hustisya ang mamamayang biktima ng mga pagmamalupit at paglabag sa karapatang pantao ng AFP-PNP, kailangang pagbayarin ang mga taksil sa rebolusyon at mga may utang na dugo, at bigyang hustisya ang mga mamamayang inagawan ng lupa at binubusabos ng mapang aping sistema.

Ang paglakas ng hukbong bayan ay susi sa pagtatayo ng demokratikong gubyernong bayan. Sa paglaki ng BHB tungong platun at mga kumpanya, pagdalas ng mga taktikal na opensiba na magnunyutralisa sa kaaway at kukumpiska ng armas, at ang matatag na baseng lumalaban ang magpapabilis sa pagbagsak ng kasalukuyang reaksyunaryong gubyerno upang ipalit ang demokratikong gubyerno ng mamamayan.

Mabuhay ang ika 56 na taong anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Mabuhay ang Pambansang Nagkakaisang Prente!

Mabuhay ang mga martir at bayani ng rebolusyon!

Mabuhay ang sambayanang lumalaban!

Puspusin ang kilusang pagwawasto! Palakasin ang BHB at muling pagsiglahin ang armadong pakikibaka sa Mindoro bilang ambag sa pambansang pagsulong at pagbigo sa kontra rebolusyonaryong digma ng Rehimeng US-Marcos II!