Rebolusyon ang magbibigay-wakas sa Korapsyon!
Kahapon, idinaos ang makasaysayang kilos-protesta kontra korapsyon na nilahukan at sinuportahan ng libo-libong mamamayang lumalaban sa malaganap na korapsyon ng rehimeng Marcos II. Itinaon ito sa pagdiriwang ng sambayanan sa ika-162 kaarawan ng dakilang lider-rebolusyonaryo ng katipunan na si Andres Bonifacio kasabay ng pagmamarka sa ika-61 anibersaryo ng pagkakatatag ng Kabataang Makabayan. Makabuluhan ang araw na ito para sa ating lahat lalo na sa masang anakpawis na nagpapamalas ng kanilang lakas at determinasyon para sa pagsusulong ng bagong tipo ng rebolusyon ni Bonifacio.
Matatandaan natin na simula pa noong Agosto, sumambulat sa publiko ang kontrobersiya ng mga maanomalyang flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) mula nang hambalusin ng sunod-sunod na kalamidad ang bansa simula Hulyo na nagresulta sa milyon-milyong halaga ng pinsala sa kabuhayan at panirahan ng mamamayan. Ilang ulit nitong hinubaran ng maskara ang mukha ng burukrata kapitalismo ng gubyerno ng Pilipinas kung saan nakatutok ang daliri ng sambayanan kay Marcos Jr. at Sara Duterte bilang mga hari at reyna ng korapsyon.
Simula’t sapol nang maupo si Marcos at Duterte sa estado poder, limpak-limpak ang ninakaw nila sa pambansang badyet sa pamamagitan ng pagpapalaki sa CIF, pork barrel, mga budget insertions at iba pang gastusin habang kinakaltasan ang pondo para sa mga batayang serbisyong panlipunan. Tumataginting na ₱4.5B ang halaga ng CIF ni Marcos labas pa ang ₱27.3B badyet sa Office of the President (OP) para sa taong 2026. Samantalang kay Duterte, hindi natin malilimutan ang ginastang ₱125M sa loob ng 11 araw, ₱612.5M sa Confidential Funds, at ang kontrobersyal na ₱1.6B at ₱12.3B na kinurakot ni Duterte sa DepEd. Hindi pa nabibilang dito ang ₱880M budget para sa Office of the Vice President (OVP) na tila dumaplis lamang sa budget hearings ng Senado.
Habang binabaha ng bilyon-bilyong pera sina Marcos at Duterte, ang mamamayang Pilipino ay mas lalong nilulubog sa kahirapan. Sa Cavite, may pangkabuoang 186 flood control projects (FCP) ang nakalagak na may ₱10.8B na halaga. Sa dinami-dami ng FCP sa probinsya, patuloy na nilulubog ng baha ang mga sentrong syudad ng Lowland District at nagdudulot ng pagguho ng lupa sa Upland Cavite tulad ng pagguho ng Silang Revetment Wall Project; at pagguho ng isang barracks ng mga manggagawa sa Tagaytay na nagresulta sa tatlong (3) nasawing manggagawa.
Nagdurusa dito ang mga mangingisda sa 9 coastal municipalities ng probinsya na pinahihirapan pa nang husto ng operasyon ng mga reclamation at dredging projects ng San Miguel Corporation ni Ramon Ang, at Frabelle Fishing Corporation ni Francisco Tiu Laurel Jr; ang mga manggagawa sa mga engklabo sa District 5 at District 6 ng Cavite na pilit pinapapasok sa trabaho kahit na mapanganib kapalit lamang ng ₱510-612 minimum wage; ang mga maralitang tigalungsod na walang-awat na binabaha ang loob ng kanilang bahay at pagsasara ng kanilang paghahanap-buhay kasabay ng mga banta ng demolisyon, pagpapalayas at panununog sa kanilang komunidad.
Ito ay ilan lamang sa mga batayan na nagpaputok sa kumukulong galit ng sambayanang Pilipino at nagtutulak sa kanilang kumilos upang labanan ang korapsyon. Sa kabilang banda, reaksyon ang tinutugon ng rehimeng US-Marcos sa pamamagitan ng pinaigting na pasistang panunupil. Inilulunsad ng PNP Cavite Provincial Office at Task Force Ugnay-2nd Civil Military Operations Battalion ang mga operasyong paniktik, harasment, intimidasyon at gawa-gawang kaso sa mga lider-magsasaka, lider-kabataan at mga aktibista sa lalawigan sa imbing layuning supilin ang paglaban ng mga karaniwang mamamayan at maghasik ng puting lagim sa buong lalawigan para sa ‘nyutralisasyon’ ng rebolusyonaryong kilusan.
Sa isang pagkilos ng mamamayan kahapon sa syudad ng Bacoor, nagkukumahog na pigilan ng mga elemento ng Bacoor Component City Police Station at SWAT ang mga nagpoprotesta laban sa korapsyon. Bastos na pinatunog ng Bacoor CCPS ang kanilang mga ‘wang-wang’ upang takpan ang ingay ng mga nagdadaos ng programa. Inintimida rin ng Bacoor CCPS at SWAT ang mga nag-poprotesta. Matapos rin ang programa, binutasan ang mga gulong ng dalawang sasakyang pantransportasyon ng mga nag-protesta at hinarangan sa mga tsekpoint ng pulis. Dagdag pa rito ang apat na beses na panghaharang ng PNP Cavite sa mga magsasaka upang hindi makatuloy sa kanilang pupuntahang programa.
Ginagawa ng mga elemento ng AFP-PNP ang lahat upang bigyang proteksyon ang mga naghaharing-uri at panatilihin ang mala-kolonyal at mala-pyudal na sistemang panlipunan sa ating bansa. Samakatuwid, upang tunay na baguhin ang lipunan at wakasan ang korapsyon, kinakailangang ugatin at gamasin sa lahat ng anyo nito—ang burukrata kapitalismo. Ang mamamayan lalo na ang masang anakpawis ay kinakailangang lumahok sa rebolusyon. Tulad ng naging simulain ni Gat. Andres Bonifacio at ng Katipunan na naglungsad ng armadong rebolusyon noong 1896 at dumurog sa kapangyarihan ng mga kolonyalistang Espanyol.
Likas na iiral ang korapsyon at pananamantala sa ilalim ng mala-kolonyal at mala-pyudal na lipunang Pilipino kung saan naghahari at dominante ang Imperyalistang US, katutubong pyudalismo at burukrata kapitalismo. Ang tanging daan na nagtitiyak na mawawakasan ang katiwalian at korapsyon sa ating lipunan ay sa pamamagitan ng demokratikong rebolusyong bayan bilang bagong tipo ng rebolusyon ni Bonifacio. Ito ang magpapabagsak sa Imperyalismo, Pyudalismo at Burukrata Kapitalismo na siyang lulupig sa kapangyarihan ng mga naghaharing-uri at magtatayo ng sosyalistang kinabukasan.
Tinatawagan namin ang lahat ng mamamayang Kabitenyo na sumampa sa kanayunan, mag-armas at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan! Isulong ang digmang bayan bilang solusyon sa korapsyon at kahirapan!