Pahayag

Rebolusyon hindi kapitulasyon ang daan sa tunay na kapayapaan!

,

Nitong Agosto 19, lumabas ang pahayag sa publiko ni Eduardo Año, adviser ng National Security Council na tumututol sa pagpapatuloy ng peace talks sa pagitan ng CPP-NPA-NDFP at ng kanilang gubyerno. Ang ubod ng kaniyang pahayag ay dahil sa umano’y pagtanggi ng CPP-NPA-NDFP na magbitaw sa armadong pakikibaka, na ibinibigay ng reaksyunaryong estado na kondisyon sa pagpapatuloy ng negosasyon.

Ang tugon ng NDFP ay igiit ang tunay na usapang pangkapayapaan habang isinusulong ang digmang bayan. Ang pahayag ni Año ay nagpapatunay lamang sa kawalang interes ng rehimeng Marcos Jr sa pagsusulong ng tunay na kapayapaan, kundi ang pagpapasuko lamang sa rebolusyonaryong pwersa at ng Partido nito. Nais lamang nilang durugin ang armadong pakikibaka ng mamamayan upang panatilihin ang paghahari at pagpapayaman nilang malalaking burges kumprador, panginoong maylupa at ng kanilang among imperyalistang US.

Taliwas sa pagsusulong ng tunay na kapayapaan ay ipinagpapatuloy at pinapaigting nito ang naging patakaran ng rehimeng Duterte na pasukuin at durugin ang CPP-NPA-NDFP sa pamamagitan ng pagputol sa nasimulang peace talks noong 2016 at pagdedeklara ng all-out war sa rebolusyonaryong kilusan. Mas mahigpit pa ang pagpapatupad ngayon ni Marcos Jr sa Anti-Terror Law at pagpapagana sa NTF-ELCAC na sumesentro sa marahas na krusada sa panunupil. Patunay dito ay sumahol at dumami ang kaso sa paglabag sa karapatang pantao sa loob lamang ng dalawang taon nito. Dito lamang sa Ilocos, umiigting at walang pinipili ang operasyong kombat sa kanayunan at mga komunidad, kahit ipinapangalandakang “insurgency-free” na ang rehiyon. Tuloy-tuloy at umiigting ang kampanya sa pekeng pagpapasuko, warrantless arrest, red-tagging, panggigipit at pagsasampa ng gawa-gawang mga kaso sa mga aktibista at lider-masa.

Imbes na pagtuunan ang pagtataguyod sa soberanya at kasarinlan para sa kapayapaan ng bansa, ang itinataguyod ng rehimeng Marcos ay ang pang-uudyok at paghahanda ng imperyalistang US ng gera nito sa kaniyang mga karibal. Sa pagpapaubaya ni Marcos Jr. sa paggamit ng US sa Pilipinas, kabilang ang Ilocos, bilang base militar at lunsaran ng mga ehersisyo sa digma, ipinapasubo ang mamamayang Pilipino sa matinding panganib at ligalig.

Imbes na pagtuunan ang pagtugon sa karaingan ng nakararaming masa para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, pinag-iibayo pa nito ang pagpapatupad sa neoliberal na dikta ng imperyalistang US na nagpapasahol sa pagpapalit-gamit sa lupa, paglilimas sa likas na yaman at rekurso ng bayan ng mga dayuhan at lokal na malalaking kapitalista, ibayo pang pagsandig sa importasyon at pribatisasyon. Epekto nito ay pinapatay ang lokal na produksyon sa agrikultura at sumasahol ang kawalan ng maayos na pagkakakitaan ng masang Pilipino. Dito sa Ilocos, tuloy-tuloy ang pagbulusok ng kabuhayan ng nakararaming magsasaka, mangingisda at manggagawa. Inaagawan sila ng lupa at pangisdaan ng mga negosyong enerhiya at iba pang negosyong nagpapalit-gamit sa lupang sakahan. Dumarami ang nawawalan ng maayos na hanapbuhay dahil sa pagbagsak ng kita sa pagsasaka at pangisdaan at nakasayad ang sahod ng manggagawa na halos sangkatlo lamang ng arawang halaga ng kanilang batayang pangangailangan.

Ang tindig na kontra sa negosasyong pangkapayapaan ay lansakang kontra-mamamayan. Isinasara nito ang pagkakataon upang maipagpatuloy at maipinal na ang mga sustantibong adyenda na siya sanang lulutas sa ugat ng kronikong kahirapan ng nakararaming masang magsasaka, manggagawa at iba pang maralitang Pilipino.

Noong 2017, dahil sa kagustuhang manikluhod ang CPP-NPA-NDFP at udyok ng imperyalistang US, biglaang itinigil ng rehimeng Duterte ang usapang pangkapayapaan kung saan nakasalang na ang Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (CASER) o ang kasunduan para sa sosyo-ekonomikong reporma. Ito ang pinakamahalagang adyenda sa usapang pangkapayapaan dahil pangunahing nilalaman nito ang programa para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang na tutugon sa kawalan ng lupa ng nakararaming magsasaka at kawalan ng istableng trabaho ng nakararaming manggagawang Pilipino. Maliban sa CASER ay nakatakda ring isalang at mabuo sana ang Comprehensive Agreement on Political and Constitutional Reforms (CAPCR) o mga repormang pulitikal at konstitusyonal na siya naman sanang magbibigay puwang sa tunay na representasyon ng nakararaming maralita sa paggugubyerno at pagtataguyod sa karapatang pantao, kasarinlan at soberanya ng bansa.

Taliwas sa rehimeng US-Marcos at nagdaan pang rehimen ng naghaharing uri, ang CPP-NPA-NDFP ay hindi natitinag (consistent) at masugid na nagtutulak ng usapang pangkapayapaan sa tapat na pagnanais na malutas ang ugat ng gera sibil, na naging pinakamakatarungang pamamaraan ng masang Pilipino upang ipaglaban ang kanilang karapatan laban sa pagsasamantala at pagpapahirap ng naghaharing uri at ng estado nito. Patunay dito, sa kabila ng biglaang pagsara sa peace talks ng rehimeng Duterte noong 2017 at pagbaling sa all out war sa rebolusyon ay nagbubukas pa rin ang NDFP na maituloy ito, hanggang sa kasalukuyang rehimeng Marcos Jr.

Naninindigan ang NDFP na ang usapang pangkapayapaan ay isang pamamaraan na maipaglaban ang mahahalagang sosyo-ekonomiko at pulitikal na reporma upang matamo ang tunay na kapayapaan at hustisya sa lipunan. Ang sinseridad ng CPP-NPA-NDFP sa pagtataguyod ng tunay na kapayapaan ay nasa pagsusulong nito ng armadong rebolusyon, upang bunutin ang ugat ng mga suliranin ng sambayanang Pilipino—ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Kung kayat pinapasok ang usapang pangkapayapaan para isulong ang rebolusyon, hindi ang kapitulasyon sa reaksyunaryong gubyerno at pagsasalong ng armas.

Ang umiigting na kampanya sa panunupil at paglabag ng rehimeng Marcos Jr sa CARHRIHL (Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law), na una nang natamo sa nakaraang mga usapang pangkapayapaan ang pinakamalaking hadlang sa pagtutuloy nito. Sa paninindigan ni Año at ng rehimeng Marcos Jr ng pagpapasuko sa CPP-NPA-NDFP bilang layunin ng usapang pangkapayapaan, lalong tumitingkad ang kawastuhan ng armadong pakikibaka bilang tugon sa nag-iibayong pagpapahirap, pagsasamantala at pandarahas sa masang Pilipino.

Habang iginigiit ang pagtutuloy ng usapang pangkapayapaan, sa kabila ng hindi maaasahang positibong tugon ng rehimeng Marcos Jr, kailangang ituloy-tuloy ng mamamayang Pilipino na isulong ang demokratikong kilos-masa upang ipatupad ang makabuluhang adyenda sa usapang pangkapayapaan para sa tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon, pagtataguyod ng karapatang pantao, hustisyang panlipunan, pambansang kasarinlan at soberanya. Sa Ilocos, dapat na ituloy-tuloy ang paglaban sa pang-aagaw sa lupa, likas na rekurso at pangisdaan para sa malalaking negosyo. Igiit ang mga demanda para sa sapat na subsidyo sa produksyon, danyos at ayuda sa mga salanta ng El Niño at mga kalamidad, serbisyo sa patubig ng sakahan, taas presyo ng produktong bukid, pagpapatigil sa usura at mapagsamantalang mga iskema sa bentahan at pagpapababa sa upa sa lupa.

Pangunahin ang tungkulin ng mamamayang Pilipino sa pagsusulong ng digmang bayan. Kailangang paigtingin ang mga taktikal na opensiba ng NPA upang wasakin ang mararahas na operasyong militar at kampanyang panunupil ng AFP-PNP-NTF-Elcac, patalsikin ang mga tropang Amerikano at lansagin ang kanilang base militar sa bansa at itulak ang GRP sa usapang pangkapayapaan. Kailangang paramihin at palakasin ang NPA, palawakin at palakihin ang suporta sa armadong pakikibaka, palawakin at palakasin ang mga larangang gerilya. Buuin, palawakin at itaas ang mga rebolusyonaryong samahan ng mamamayan tungo sa pagtatayo ng rebolusyonaryong gobyerno na siyang mapagpasyang magpapatupad sa pambansa-demokratikong programa na reresolba sa ugat ng kahirapan.

Sa huling pagtutuos, nasa lakas ng armadong pakikibaka nakasalalay ang ating kapangyarihan na maigiit ang pagtutuloy ng tunay na usapang pangkapayapaan upang dito ay ipaglaban ang pambansa-demokratikong interes ng mamamayan.

Rebolusyon hindi kapitulasyon ang daan sa tunay na kapayapaan!