Pahayag

Digmang Bayan ang magluluwal ng tunay na malaya, demokratiko, masagana at payapang kinabukasan para sa mga kabataan!

, ,

Kailanma’y hindi naghangad ng tunay na kapayapaan ang rehimeng US-Marcos II. Muli nila itong pinatunayan sa pahayag ng Kalihim ng National Security Council na si Eduardo Año hinggil sa usapang pangkapayapaan. Liban sa pagsasara sa usapang pangkapayapaan, ipinagmayabang din ni Año na diumano’y umuusad at nagtatagumpay ang digmang kontra-insurhensya ng reaksyunaryong gubyerno upang ipilit na wala nang saysay ang rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanan. Humarap man o hindi sa usapang pangkapayapaan ang rehimeng US-Marcos II, hindi nito mapipigilan ang pag-aarmas ng mamamayang nagnanais lumaya mula sa kagutuman at kahirapan kung saan sila sinadlak ng naghaharing sistema.

Sa umiiral na malakolonyal at malapyudal na sistema, hinuhubog ang mga kabataan bilang kalakal at murang lakas paggawa na ibinebenta sa mga imperyalistang bansa. Walang nag-aantay na kinabukasan sa mga kabataan kung di ang kaparehong kahirapan at pagsasamantala na dinaranas ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang aping uri at sektor.

Ang pagsasara ng rehimeng US-Marcos II sa usapang pangkapayapaan ay tanda ng kawalan nito ng pakialam sa interes ng sambayanan. Ito ay pagtanggi ng reaksyunaryong gubyerno na talakayin at lutasin ang mga ugat ng kahirapan: ang pyudal, malapyudal, atrasado at maliitang pagsasaka na kalbaryo para sa mga magsasakang wala o kulang ang sariling lupa at kagamitan, ang kawalan ng pambansang industriya na nagtatali sa Pilipinas sa dikta ng imperyalistang US at ang pasismo ng estadong yumuyurak sa karapatan ng mamamayan.

Salungat sa paglutas sa ugat ng armadong tunggalian, pinasisidhi ng rehimeng US-Marcos II ang malupit at madugong kampanyang panunupil laban sa sambayanan at rebolusyonaryong pwersa nito sa maling pag-aakala na mapipigilan at magagapi ng pasistang teror ang rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanan. Biktima ang mga kabataan sa terorismong hinahasik ng estado laban sa mamamayan. Ang pinakahuling kaso ng extra-hudisyal na pagpatay sa Mindoro ay ang pagpaslang sa kabataang-estudyanteng Mangyan-Hanunuo na si Jay-el Maligday ng mga sundalo ng 4th Infantry Batallion (4IB), 203rd Brigade. Sa buong bansa, isinasagawa ng mga pwersa ng estado ang pananakot, paniniktik, panre-redtag, pagsasampa ng gawa-gawang kaso, pagkulong, pagpatay at iba pang porma ng paglabag sa karapatang tao ng mga kabataan sa layuning pigilan ang aming pagkamulat at pagsanib sa pakikibaka ng masang api. Lubos lamang inililinaw sa amin ng brutalidad ng estado na iisa lang ang landas na dapat tahakin ng mga kabataan at ng buong mamamayan: ang landas ng demokratikong rebolusyong bayan, ng digmang bayan.

Hindi manhid o bulag ang mga kabataan sa lumalalang krisis sa malakolonyal, malapyudal na lipunang Pilipino. Mulat kami na ang ibayong pagdurusa ng sambayanan ay bunga ng pagiging gahaman ng mga naghaharing uri at ng mga imperyalistang mandarambong. Alam namin na ang kawalang kabusugan ng mga ito ay nagbubunsod ng tunggalian sa kanilang hanay–sa pagitan ng imperyalistang US at Tsina, sa pagitan ng mga Marcos at Duterte–na lalong magpapahirap sa masa.

Kung kaya wala sa nabubulok na sistemang pinaghaharian ng mga panginoong maylupa, malaking burgesya kumprador at imperyalistang US ang maaliwalas na kinabukasan naming mga kabataan. Ang maaliwalas na kinabukasan ng mga kabataan ay nasa paglaban ng masang api para sa makabuluhan at tunay na pagbabago sa lipunang Pilipino. Ito ay nasa aming mga kamay mismo kung aming iaalay ang angking talas ng isip at lakas ng pangangatawan sa pagsisilbi sa pinakamarami at pinakamahirap at sa pagpapabagsak sa malakolonyal at malapyudal na sistema.

Kabataang Mindoreño, tahakin ang landas ng demokratikong rebolusyong bayan!

Mag-armas para sa kinabukasang malaya mula sa kahirapan, pang-aapi at pagsasamantala! Ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo, burukrata kapitalismo!

Isulong ang digmang bayan! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Digmang Bayan ang magluluwal ng tunay na malaya, demokratiko, masagana at payapang kinabukasan para sa mga kabataan!