Eduardo Año: berdugo, kontra-kapayapaan at perwisyo sa masang Palaweño! Peace talks, ituloy!
Tinutuligsa ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP)-Palawan at buong rebolusyonaryong kilusan sa Palawan ang pahayag ng berdugong si Eduardo Año hinggil sa peace talks. Ang kanyang arogante at puno ng kasinungalingang pamamahayag ay malinaw na pagpapakita ng kanyang pagiging sagad-saring kontra-kapayapaan, kontra-mamamayan, makadayuhan at pahirap sa mamamayang Pilipino.
Ang totoo, si Año, sampu ng mga kasapakat nya sa estado at reaksyunaryong AFP ang kontrapelo sa peace talks. Palibhasa’y utak-pulbura, walang ibang nais si Año kundi mandigma, maghasik ng teror at mamasista sa kanayunan at kalunsuran. Mas gusto ni Año na paslangin ang mga kasapi at lider ng Communist Party of the Philippines (CPP), New People’s Army (NPA), mga personahe ng NDFP, pati mga inosenteng sibilyan kaysa umupo sa mesa ng peace talks at lutasin ang ugat ng higit kalahating-siglong armadong paglaban sa pamumuno ng CPP.
Ang kapayapaang nais ng mga tulad ni Año ay kapayapaan sa libingan— bulag na pagsunod ng mamamayan sa lahat ng naisin ng imperyalismong US at mga lokal na naghaharing-uri at pagpapailalim ng masa sa pagsasamantala. Prayoridad ni Año na ipagpatuloy ang pang-aapi’t pagsasamantala kaya naman mabigat ang kanyang kamay sa lahat ng lalaban o kukwestyon sa pamamalakad ng kanilang reaksyunaryong gubyerno. Kabaligtaran ito ng klase ng kapayapaang malaon nang hinahangad ng taumbayan—kapayapaang nakabatay sa katarungan at kalayaan mula sa lahat ng tipo ng pang-aapi’t pagsasamantala, kapayapaang kaakibat ng paglutas sa mga batayang suliranin ng mamamayan sa lupa at kabuhayan.
Para sa mamamayan, ang peace talks ay lugar para isulong ang kanilang interes na nasa programa ng NDFP. Kabilang dito ang panawagan para sa tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon, taas-sahod at seguridad sa trabaho ng mga manggagawa at iba pang kawani, abot-kaya hanggang libreng serbisyo publiko, at karapatan sa pagpapasya-sa-sarili, pagkilala sa karapatang pumili ng paniniwala, kasarian atbp. Kakambal ng pagsusulong ng peace talks ang pagpapahinto sa walang-patumanggang panganganyon, pambobomba at istraping sa kanilang mga komunidad at sakahan; at pagwawaksi sa mga ipinapataw na patakaran ng mga imperyalistang kapangyarihan sa Pilipinas. Isa na rito ang pagbabawal sa pangingisda ng mga Palaweño sa mga karagatang saklaw ng Pilipinas sa tuwing may mga ehersisyong militar ang AFP at tropang US.
Malaki ang nawala sa masang Palaweño sa mahabang panahong pagkabahura ng peace talks mula sa mga naging pagsulong nito sa nagdaang mga dekada na binalahura at itinapon lamang ng nakalipas na rehimeng Duterte, sa sulsol nina Año, Delfin Lorenzana at Hermogenes Esperon. Kung hindi natigil ang negosasyong pangkapayapaan, mapag-uusapan ang pagpapahinto sa lahat ng malalaking operasyong mina sa Palawan dahil saklaw ito ng burador ng NDFP sa CASER na maaaring napagtibay ng dalawang gubyerno. Tiyak na kung natuloy ang CASER, maaaring mabigyang prayoridad ang pamamahagi ng lupain ng Yulo King Ranch sa mga magsasaka ng Coron at Busuanga. Hindi na sana tuluyang nasira (at patuloy pang sinisira) ng mga plantasyong oil palm ang lupaing para sa sakahan ng mga magsasaka at pambansang minorya sa Timog. Maaari sanang ngayo’y inaasikaso na ang mga tunay na proyektong flood control sa norte hanggang Puerto Princesa City para hindi nalilimas ang mga palayan tuwing may bagyo. Tiyak din sanang mas malaya nang nakakapangisda ang mga mamalakaya sa West Philippine Sea nang di natatakot na harasin ng mga sundalo ng China.
Pero hindi nangyari ang lahat ng iyon sapagkat pinili ni Duterte, at ngayon ni Marcos II na ‘di ituloy ang peace talks. Masahol pa, ginawang warground ng AFP, US at rehimeng US-Marcos II ang probinsya at mga kalapit na lugar dahil sa walang-patlang na mga ehersisyo at operasyong militar. Walang ginhawa kundi kahirapa’t ligalig ang dinaranas ng mamamayang Palaweño at Pilipino habang patuloy na kumikitid ang kanilang espasyo para magpahayag ng kanilang mga hinaing. Sa Palawan, laluna sa iba pang panig ng bansa, ang mga lehitimong pagkilos ng bayan ay sinusuklian ng mga armadong pwersa ng estadong nasa kontrol ni Año ng ibayong karahasan. Muli, dahil ito ang klase ng kapayapaang nais ni Año, Marcos at mga kasapakat nila sa estado na grabe ang pangangayupapa sa amo nilang imperyalistang US.
Dapat singilin si Año at ang buong rehimeng US-Marcos II sa patuloy na pananabotahe sa peace talks at palakasin ang panawagan para sa pagpapatuloy nito. Kasabay nito, ang ipinamamalas na garapalang kawalang-interes ng rehimeng US-Marcos II sa paglutas sa ugat ng armadong tunggalian sa bansa ay lalong nagpapatunay sa kawastuhan ng pagsusulong ng rebolusyon. Kailangang pag-ibayuhin ng masa ang kanilang pakikibaka para sa kabuhayan, karapatan, kalayaan at hustisyang panlipunan sa anyong ligal, iligal, malaligal, hayag at lihim. Palakasin ang demokratikong rebolusyong bayan na tiyak na solusyon sa pangunahing mga ugat ng suliranin ng bayan—imperyalismong US, pyudalismo at burukrata-kapitalismo—at siyang magwawakas sa armadong sigalot sa bansa para ihanda ang pagtatatag ng isang sosyalistang lipunan.