Año: notoryus na peace saboteur sa Pilipinas
Muling pinatutunayan ni National Security Adviser Eduardo Año ang pagiging nangungunang peace saboteur sa Pilipinas. Sa kanyang bibig mismo nanggaling na hindi niya nakikitang magaganap ang peace talks habang nagkakalat ng lason na “hindi nagkakaisa ang rebolusyonaryong kilusan sa pagharap sa negosasyon.” Malinaw na mga pakana ito para muling ibahura ang peace talks.
Bilang isang sagadsaring anti-komunista, hindi sadya pabor sa peace talks si retired General Año. Isa siya sa mga ahente ng imperyalismong US sa bansa na gagawin ang lahat nang makakaya para panatilihing malakolonyal at malapyudal ang lipunang Pilipino, kabilang ang paghahadlang sa peace talks na nagsusulong ng sustantibong adyenda para sa mga repormang sosyo-ekonomiko at pulitikal.
Mahaba ang rekord ni Año sa pagdidiskaril ng peace talks. Noong nagdaang rehimeng Duterte, isa siya sa mga opisyal militar na hayagang tumuligsa sa muling pagbubukas ng peace talks noong 2016. Kakoro niya sina dating National Security Adviser Hermogenes Esperon at dating Defense Secretary Delfin Lorenzana. Naging AFP chief-of-staff siya noong 2017, kung saan pinaigting niya ang mga operasyong militar at pulis sa kanayunan. Kabilang pa siya sa nagbalangkas ng Oplan Kapayapaan at ipinatupad ito para magtuluy-tuloy ang kontra-rebolusyonaryong kampanya habang may peace talks.
Nang magretiro naman sa AFP, hinawakan ni Año ang Department of Interior and Local Government noong 2018. Itinulak niya ang pagpapadeklara na “persona non grata” ang CPP-NPA-NDFP sa mga lokal na yunit ng gubyerno sa mga barangay, bayan at lungsod; at huwad na localized peace talks para pigilan ang negosasyon sa pambansang antas. Sa aktwal, wala namang naganap na localized peace talks taliwas sa ipinagmamayabang nina Año at noo’y presidente Duterte. Pinagpyestahan lamang ng militar ang pondo ng bayan para sa mga kunwang negosasyon habang ipinamarali ang lumalaki umanong bilang ng “rebel returnee” na karamiha’y mga magsasaka at katutubong biktima ng karahasan at psywar ng Enhanced Comprehensive Localized Integration Program. Walang bisa ang deklarasyong “persona non grata” dahil taos-puso pa ring tinatanggap ng taumbaryo ang rebolusyonaryong pwersa.
Dahil sa mga katulad ni Año na patuloy na namamayagpag sa loob ng reaksyunaryong gubyerno, may batayang kwestyunin ang sinseridad ng GRP sa pagharap sa peace talks. Imbes na paninira ni Año, ang dapat na asikasuhan ng GRP ay ang sumusunod: pagpapalaya sa mga NDFP peace consultant; at pagbawi sa “teroristang designasyon” sa NDFP, CPP, NPA, kay Ka Luis Jalandoni at iba pang tauhan ng NDFP. Mga praktikal na pangangailangan ito sa pag-usad ng peace talks dahil tinitiyak ng una ang paglahok ng delegasyon o panel ng NDFP rito; habang ang pangalawa ay bilang pagkilala sa katayuang belligerent ng CPP-NPA-NDFP na may karapatang humarap sa GRP sa negosasyon. Dagdag pa, mahalaga ring iatras ni Marcos Jr. ang inilabas ni Duterte na Executive Order No. 70 at Memorandum Order No. 32, pagbuwag sa NTF-ELCAC at pagbasura sa Anti-terrorism Law. Marapat ding ipatigil ang paglulunsad ng AFP-PNP ng “localized peace talks” at retooled community support program sa mga baryo na ginagamit para maghasik ng teror sa lokalidad.
Sa kabilang banda, tuluyang nalantad ang tunay na layunin ni Año: ang isagawa ang todo-gera para durugin ang rebolusyonaryong kilusan. Tinik sa lalamunan ang turing ng imperyalismong US at lokal na naghaharing uri sa CPP-NPA-NDFP na kailangang bunutin para malayang makapaghari at makapandambong ang una sa likas na yaman ng bansa. Sa balangkas ng peace talks, ang ninanais ng mga buhong na ito ay isuko ng NPA ang kanilang armas nang sa gayon, wala nang armadong pwersa na magtatanggol sa bayan at lalaban sa pandarahas at pagsasamantala ng estado.
Sa kabila ng samutsaring maniobra ng estado para hadlangan ang peace talks, naninindigan ang NDFP na bukas ito sa panunumbalik ng usapang pangkapayapaan alang-alang sa pagsusulong ng interes ng sambayanan. Nananawagan ang NDFP-ST sa mga mapagmahal sa kapayapaan, progresibo, makabayang pwersa at mamamayan sa rehiyon na palakasin ang panawagang ituloy ang peace talks. Kailangang igiit na ipatupad ang mga dati nang pinagkasunduang The Hague Joint Declaration, Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) at Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL).
Kailangang isagawa ang pag-aaral at pagpapalaganap ng nilalaman ng Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms upang maipabatid sa bayan ang mga kinakailangang reporma sa larangan ng agrikultura at pambansang industriyalisasyon, gayundin ang CARHRIHL upang magagap ng taumbayan ang kanilang karapatang tao.
Makatarungan lamang na ipagpatuloy ng sambayanang Pilipino ang kanilang pakikibaka para sa karapatan sa lupa, sahod, trabaho at kabuhayan. Dapat isagawa ang iba’t ibang anyo ng paglaban upang igiit ang pambansang kalayaan at demokrasya. Sa rehiyon, dapat patuloy na palakasin ang mga pakikibaka sa pagtatanggol sa lupa, taas sahod at makatarungang kalagayan sa paggawa ng manggagawa at pagpapatigil sa mga mapaminsalang proyektong renewable, eko-turismo at mina.
Dapat papanagutin ang mga paglabag ng AFP-PNP at reaksyunaryong estado sa karapatang tao. Tampok sa mga kaso ng GRP ang pambobomba, kabi-kabilang pagpatay, iligal na pang-aaresto at pagdedetine, panggagahasa, red-tagging, sapilitang pagpapalikas at ekonomikong blokeyo. Singilin at papanagutin ang rehimeng US-Marcos II at mga nagdaang rehimen laluna ang rehimeng US-Duterte sa pagpaslang at iligal na pagdakip sa mga konsultant ng NDFP at iba pang protektado ng JASIG. Itigil ang red-tagging sa mga sibilyan lalo ang mga kritiko, oposisyon, progresibo at makabayang pwersa.
May peace talks o wala, buo ang loob ng rebolusyonaryong kilusan sa Timog Katagalugan na isulong ang pambansa demokratikong rebolusyon hanggang tagumpay!