Pahayag

Rehimeng US-Marcos, kontra kapayapaan at tunay na terorista

, ,

Mismong ang rehimeng US-Marcos ang naghahadlang sa daan tungo sa tunay na kapayapaan para sa sambayanang Pilipino. Ito ang pinatunayan ng sarili nitong mga pahayag at patakaran na kumukontra sa usapang pangkapayapaan sa kabila ng Oslo Joint Statement noong Nobyembre 23, 2023 sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines at Government of the Republic of the Philippines.

Ang Oslo Joint Statement ay deklarasyon ng paghahangad na muling buksan ang usapan at buuin ang balangkas kung papaano ito isasagawa. Isa itong pangkalahatang deklarasyon kung saan pinagsanib ang mga hangarin ng magkabilang panig: ang paglutas sa “malalalim na nakaugat na sosyo-ekonomiko at pulitikal na mga usapin” at “paglutas sa mga ugat ng armadong tunggalian,” sa panig ng NDFP; at sa ka bilang panig, ang “pagtatapos ng armadong pakikibaka” at “transpormasyon ng CPP-NPA-NDFP,” na nilalayon ng GRP.

Sa pahayag ni Eduardo Año, National Security Adviser ng National Security Council, noong Agosto 19, iginiit nito na hindi pwedeng matuloy ang usapang pangkapayapaan dahil sa pagtanggi diumano ng rebolusyonaryong kilusan na isuko nito ang kanilang armas. Ang pahayag na ito ay malisyosong interpretasyon sa layunin ng usapang pangkapayapaan. Sa kabila ng positibong hakbang noong nakaraang taon upang muling buksan ang usapang pangkapayapaan ng dalawang panig, nagpapatuloy ang pa rin ang mga patakarang anti-mamamayan at sumasahol ang mga pasistang hakbangin ng estado laban sa mga sibilyan upang gupuin ang kanilang paglaban at pagsulong ng kanilang mga demokratikong karapatan.

Taliwas sa pinalalandakang kasinungalingan ni Año na di tumutugon ang rebolusyonaryong kilusan sa tigil putukan, ang reaksyunaryong estado mismo ang salarin sa di na mabilang na mga paglabag sa karapatang pantao, paglabag sa internasyunal na makataong batas at batas ng digma-may tigil putukan man o wala.

Nito lamang taon ay tatlong magsasaka na ang pinaslang ng mga elemento ng 31st IB sa bayan ng Pilar at Casiguran. Dalawang kabataan ang nakaligtas sa walang patumanggang pamamaril ng mga ito sa bayan ng Donsol. Nakakampo ang tropa nito sa baryo sa ngalan ng Peace Caravan nang maganap ang mga pamamaslang. Nagpapatuloy rin ang mga “pasurender” sa mga sibilyan sa ilalim ng maanomalyang E-CLIP sa mga bayan ng Pilar at Donsol, habang mistulan nang nakakampo ang mga tropa ng 22nd IBPA sa mga barangay hall, health center at day care center sa mga bayan ng Bulan, Barcelona, Bulusan at Juban.

Napatunayan na ng kasaysayan na hindi kayang gapiin ng terorismo ng estado, pasismo o walang habas na pamamaslang at pagdukot ang malalim na mithiin ng mamamayan para sa tunay na kalayaan, kapayapaan at katarungang nakabatay sa hustisyang panlipunan. Hindi rin nahehele ang mamamayan sa mga pekeng serbisyo sa ngalan ng RCSP o Peace Caravan, o ng “localized peace talks” at “peace dialogue” na pantabing para sa kanilang pag sona, pananakot at pamamaslang sa mga baryo na kanilang inookupa.

Naninindigan ang buong rebolusyonaryong kilusan sa probinsya ng Sorsogon na tanging sa paglutas sa ugat ng tunggalian at digmaan sibil sa bansa tulad ng kagutuman, kawalan ng serbisyo, korapsyon, kawalan ng lupa at iba pa, tunay na makakamit ang tunay, makatwiran at pangmatagalang kapayapaan sa Pilipinas.

Sa mahigit limang dekadang paglulusad ng demokratikong rebolusyong bayan, kasama ang malawak na sambayanang Pilipino, napatunayan ang kawastuan ng paglulunsad ng iba’t ibang porma ng paglaban, pangunahin sa paglulunsad ng armadong pakikibaka upang makamit ang tunay na hangarin ng malawak na mamamayan para sa lupa, hustisya at karapatan.

Sa kabila ng mga unos, nananatiling determinado ang rebolusyonaryong kilusan sa probinsya na sumulong upang durugin ang teroristang rehimeng US-Marcos at kanyang mga alipures mula sa AFP at PNP. Nanagangako rin ang BHB-Sorsoogon na tuluy-tuloy na maglulunsad ng mga taktikal na opensiba upang makapagbigay ng hustisya para sa mga biktima ng estado at upang isulong ang interes ng sambayang Pilipino.

Rehimeng US-Marcos, kontra kapayapaan at tunay na terorista