Repormang agraryo at makabuluhang pagbabagong panlipunan ang kailangan ng mamamayan, hindi ang walang halagang amnestiya

, ,


Talagang napakababa ng tingin ni Marcos Jr. at kanyang mga alipures sa sambayanang Pilipino. Akala ba niya’y basta na lamang iiwanan ng masang magsasaka at taumbayan ang kanilang rebolusyon na ilang dekada nang nagtataguyod ng kanilang interes kapalit lamang ng pangakong amnestiya? Akala ba niya’y mabubunot na niya sa ugat ang rebolusyon sa pamamagitan lamang ng pag-aalok ng mga ‘benepisyo’t tulong’ sa mga ‘magbabalik-loob’? Nagkakamali siya.

Matagal nang walang halaga sa masang magsasaka ang salita at pangako ng reaksyunaryong gubyerno. Sa haba ng panahong nakatali sila sa pang-aapi at pagsasamantala ng kasalukuyang sistema, nabura na sa kanila ang pagkilala sa reaksyunaryong pamahalaan bilang kanilang gubyerno. Sa kanilang mata, ang tanging gubyerno at partidong may kakayahang itaguyod ang kanilang interes at pamunuan sila tungo sa tunay na kaunlaran ay ang Partido Komunista ng Pilipinas. Dahil sa rebolusyonaryong kilusan, maraming mga komunidad sa kanayunan ang tumatamasa sa mga benepisyo ng rebolusyong agraryo, tumaas ang kakayahang i-organisa at ipagtanggol ang mga sarili at magsulong ng mga programang para sa kapakanan ng mamamayan. Ano naman ang napala ng masang magsasaka mula sa reaksyunaryong gubyerno? Tagos-sa-butong kagutuman, kahirapan at pasismo. At ngayon, mangangako sila ng amnestiya matapos nilang patayin sa gutom at bala ang masa? Hindi kailanman ito magiging katanggap-tanggap sa masang magsasaka sa Bikol at buong bansa.

Sa katunayan, sa ilalim ng ECLIP, libu-libong magsasakang Bikolano na ang sapilitang pinasuko at pinangakuan ng mga benepisyo. Ngunit, walang natupad sa mga pangakong ito. Sa halip, lalo pang sumasahol ang pasistang terorismo ng militar at pulis laban sa karaniwang mamamayan. Samantala, nagpapakabundat ang mga upisyal-militar at pulis at kanilang mga kasapakat na burukrata sa pondong ilinalaan para sa kampanyang pagpapasurender. Bilyun-bilyong pondong maaari sanang ilinaan para sa mga programang tunay na tumutugon sa mga hinaing at panawagan ng taumbayan. Lalo itong nagiging matingkad ngayong nasa gitna ng matinding krisis sa pagkain ang bansa. Hindi maasahan ang lokal na agrikultura dahil matagal na itong linumpo ng makadayuhan at kontra-mamamayang neoliberal na mga patakaran.

Hindi simpleng amnestiya ang kailangan ng masang magsasaka. Ang kahingian nila ay ang tunay na reporma sa lupa. Ang kalayaan mula sa pyudal at malapyudal na pagsasamantala. Ang kalayaan mula sa pasismo ng estado at pang-aapi ng naghaharing-uri. Ang makawala mula sa mala-aliping kundisyon at makapamuhay nang disente at marangal. Ang lahat ng ito ay hindi kailanman makukuha ng masa mula sa alok na amnestiya ng papet, pahirap at pasistang rehimeng US-Marcos Jr. Makakamit lamang ito sa pamamagitan ng patuloy nilang paghawak ng armas at pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan.

Repormang agraryo at makabuluhang pagbabagong panlipunan ang kailangan ng mamamayan, hindi ang walang halagang amnestiya