Repormang agraryo sa Pilipinas: puro lang salita, wala namang gawa

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Sabi ng Dept. Agrarian Reform-Bicol, napakaganda raw ng proyekto sa repormang agraryo ni Bongbong Marcos. Napakaraming Bikolano raw ang makikinabang. Lampas 17,000 magsasaka umano ang mabibiyayaan ng lupa sa rehiyon. Ipinaghambog pa nga nilang mamamahagi umano sila ng 189 ektaryang lupa sa 89 benepisyaryo sa Masbate ngayong Setyembre 15. Napakatigas din naman ng mukha nilang ipagyabang ang mga enggrandeng datos na ito. Ang tanong, nasaan naman ito sa reyalidad? Ilang teknokrata at upisyal ng DAR na ba ang nagpa-interbyu at umusal din ng ganitong mga buladas na datos? Magmula pa sa tatay niyang diktador hanggang sa kasalukuyang rehimen ni Bongbong Marcos, paulit-ulit lang namang ipinapangako ang reporma sa lupa at kapagdaka’y napapako.

Napakalayo ng ibinebentang ilusyon ng rehimen mula sa aktwal na karanasan ng magsasakang Bikolano. Nito pa nga lang nagdaang Agosto, 94 pamilyang magsasaka ang pinalayas sa binubungkal nilang 550 ektaryang lupa sa mga barangay ng Cabungahan, Calapayan at Villaluna sa Cawayan, Masbate. Nariyan pa ang lampas 6,956 residenteng pinalayas mula sa 408 ektaryang lupain ng mga baryo ng Alobo, Burgos, Kinawitan at Gapo sa bayan ng Daraga at Del Rosario, Camalig para sa pagtatayo ng Bicol International Airport. Samantala, 15 baryo naman ang apektado sa proyektong Pasacao-Balatan Nautical Tourism Highway sa Camarines Sur. Ilandaang pamilya rin ang pinalayas sa mga bayan ng Dimasalang, Palanas at Uson para sa P190.19 bilyong Masbate International Tourism Enterprise and Special Economic Zone (Mpark). Napakarami pang insidente. Kaya, sinasayang lang ng mga kinatawan ng rehimen ang kanilang laway sa pagsuka ng mga datos na alam naman ng lahat na nasa mundo lang ng mga sana at dapat.

Ang masahol pa, lampas 50 taon na ngang pinaasa sa pangakong wala naman silang napala, pangunahin pang tinarget ng karahasan ng estado ang mga magsasaka. Anim sa bawat 10 pinaslang sa rehiyon nitong huling anim na taon ay mula sa sektor ng mga magbubukid. Ito ay katumbas ng 150 magsasaka sa kabuuhang 251 pinaslang mula Enero 2016 hanggang Setyembre 2022. Liban pa ito sa mga komunidad at tanimang binomba mula sa ere ng militar, mga magsasakang tinortyur, iligal na inaresto, sapilitang winala at nakaranas ng iba’t iba pang abusong militar.

Nananawagan ang NDF-Bikol sa sektor ng magsasaka sa rehiyon na huwag nang magpalinlang sa panibago na namang mukha ng hungkag na reporma sa lupa ni BBM. Pinatunayan na ng praktika na hindi maaasahan ang mga rehimeng magbigay ng repormang agraryong magsisilbi sa mga magbubukid. Ang tunay at makabuluhang pagbabago ay iluluwal ng kilusang magbubukid kasama ng malawak na hanay ng sambayanang Pilipino. Higit sa lahat, upang tuluyan nang malagot ang tanikala ng pyudalismo at malapyudalismo, walang ibang solusyon kundi ang demokratikong rebolusyong bayan. Sa paglaya ng bayan mula sa kasalukuyang sistema, lalaya rin ang lupa at mga magsasaka.

Repormang agraryo sa Pilipinas: puro lang salita, wala namang gawa