Rub-out, EJK ala Tokhang, hindi labanan! Rebolusyonaryong hustisya para sa tatlong kasamang pinaslang ng AFP-PNP sa Antipolo City!
Mariing kinokondena ng Melito Glor Command, New People’s Army, Southern Tagalog ang ginawang rub-out at pagpaslang ng pinagsanib na pwersa ng 80th IBPA at ng PNP-Region IV-A sa tatlong NPA sa Sierra Vista Subdivision, Barangay Cupang, Antipolo City, humigit-kumulang ala-una ng madaling araw ng ika-5 ng Disyembre, 2019. Kabilang sa mga biktimang namartir ay sina Ermin Bellen, mas kilala sa tawag na Ka Romano sa mga kasama at masa, kasama ang dalawa pa na kinilalang sina Kasamang Jose Villahermosa at Lucio Simburoto.
Naglulubid ng kasinungalingan ang mga hambog na tagapagsalita ng AFP-PNP na nagsasabing nanlaban ang mga kasama at nagkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng dalawang panig. Saksakan ng sinungaling itong sina Capt. Jayrald Ternio, Lt. Colonel Christopher Diaz, kumander ng 80th Infantry Battalion at ang PNP-Region IV-A sa pagtatambol ng pekeng engkwentro.
Hindi armado at walang katotohang nanlaban ang tatlong kasama. Ang katotohanan, pinasok ang bahay na kanilang tinitigilan habang mahimbing silang natutulog dahil sa ilang gabing puyat bunga ng paglutas sa mga problema ng masa na idinudulog sa rebolusyonaryong kilusan sa saklaw ng syudad ng Antipolo, Rizal. Sinurpresa sila mula sa pagkakatulog at kaagad na pinagbabaril ng mga mersenaryong pwersa ng AFP-PNP. At pagkatapos, saka tinaniman ng baril at granada upang pagmukhaing lehitimong engkwentro ang nangyari.
Pinasisinungalingan ng mismong larawan na ipinakalat sa media ng kaaway ang bersyon nila ng labanan. Wala ni anumang basyo ng bala mula sa mga ipinakitang baril diumano ng mga kasama ang nangalat. Wala din halos tama ng bala o pagkasira man lamang ang mga gamit, dingding, bintana at alinmang bahagi ng bahay kung totoo mang may labanang nangyari.
Magpapatotoo dito ang mismong pahayag ng mga residente at kapitbahay ng pinangyarihan. Wala silang narinig na maraming putok, kundi paisa-isa lamang. Malinaw na walang naganap na palitan ng putok sa magkabilang panig.
Pagtatakip sa kanilang ginawang krimen ang diumanong nagsikap pa ang mga itong isalba ang buhay ng tatlong kasama sa pamamagitan ng pagbibigay ng first aid at pagdadala sa Amang Rodriguez Hospital gayong makikita sa larawan ang nakahandusay na bangkay nina Ka Romano sa sahig ng bahay. Nagsala-salabid na ang kasinungalingan ng mga tagapagsalita ng AFP-PNP.
Suko hanggang langit ang galit ng mersenaryong tropa kay Ka Romano dahil sa ilalim ng kanyang pamumuno ay tinutulan at nilabanan ng mga katutubong Dumagat at Remontado ang mapangwasak na New Centennial Water Source-Kaliwa Dam Project na maglulubog sa kanilang lupang ninuno at wawasak sa kanilang kabuhayan. Suko hanggang langit ang galit ng reaksyunaryong rehimen kay Ka Romano dahil paulit-ulit na pinarusahan at ipinatigil ng NPA operasyon ng mga quarry sa Montalban at mga karatig na bayan na nagiging sanhi ng pagbaha at pagkawasak sa kabuhayan ng mamamayan.
Sobra ang gigil at galit ng 2nd IDPA at ng PNP-Region IV-A sa pwersa ng NPA sa Rizal dahil sa walang patlang na matatagumpay na operasyong pagtatanggol at pamamarusa na ginagawa nito laban sa kaaway ng masa at sambayanan sa kanilang saklaw. Ang pwersang NPA na pinamumunuan ni Ka Romano ang pangunahing pwersang sandigan ng masang Dumagat, Remontado, magsasaka at mamamayan sa probinsya ng Rizal, Laguna at Quezon upang tutulan at labanan ang mapangwasak- na New Centennial Water Source—Kaliwa Dam Project. Ang pwersa ding ito ang sandigan ng masang magsasaka at katutubo upang labanan ang pangangamkam ng kanilang mga lupain at kabuhayan na ginagawa ng mga pangunahing malalaking burgesya-kumprador sa bansa tulad ng pamilyang Lucio Tan, Ayala, Araneta at mga kabaro.
Maraming beses ding lumasap ng pagkatalo at pinsala ang mersenaryong AFP at PNP sa mga aksyong militar ng NPA na walang mabuting idinudulot kundi pinsalain ang kabuhayan ng masa at maghasik ng teror sa mga pamayanan tuwing naglulunsad ito ng operasyong militar. Tuloy-tuloy na binigo at binigwasan ng mga pwersang pinamumunuan ni Ka Romano ang walang tigil na Focus Military Operation ng 2nd IDPA nitong nakalipas na dalawang taon.
Subalit kung gaano siya kinamumuhian ng mersernaryo’t pasistang tropa at mga kaaway-sa-uri ay ganun na lamang siya mahalin ng masa dahil sa kanyang matapat na paglilingkod at pagtataguyod sa interes ng masang api’t pinagsasamantalan laban sa pangangamkam ng kanilang lupa ng ng mga debeloper at ispekulador sa real estate, pagsira at dislokasyon sa kabuhayan ng masa bunga ng mapangwasak na proyektong Build, Build, Build ng rehimeng Duterte at ng mapangwasak na mga quarry operations ng malalaking negosyante at burukrata-kapitalista.
Makikita sa insidenteng ito kung gaano kalalim ang talab ng pasistang oryentasyon at mersenaryong tradisyon ng AFP at PNP. Umatras sa pagiging barbaro ang mga pwersa ng AFP-PNP, laluna ang mga pangunahing opisyal at elemento nitong nag-utos at nagsagawa ng krimen. Malinaw na nilabag nila ang mga internasyunal na tuntunin at konbensyon sa mga internal na armadong tunggalian na nilalaman ng mga protocol ng 1949 Geneva Convention. Nilabag din nito maging ang mga probisyon ng konstitusyon ng reaksyunaryong Gubyerno ng Republika ng Pilipinas. Nilabag nito ang pinirmahang kasunduan kaugnay sa paggalang sa karapatang pantao at internasyunal na makataong batas sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP).
Kabaliktarang-kabaliktaran nito ang ginagawang makataong pagtrato ng NPA sa mga bihag ng digma, mga nasugatan at sumuko. Ilan lamang sina PCI Francsico, Sgt. Melad, Police Inspector Rex Contapay, PO1 Albert Umali at PO1 Arvin Agasen sa mga buhay na halimbawa. Matapos na sila ay madisarmahan at malagay sa katayuang hors de combat, iginalang at kinilala ng NPA ang kanilang karapatang mabuhay, karapatan bilang bihag ng digma at dahil sa makataong kunsiderasyon, sila ay pinalaya.
Nangangarap nang gising ang AFP-PNP at ang amo nilang sagad sa pasistang si Duterte na mapapatigil nila ang ibayo pang paglakas ng pwersa ng NPA na pinamumunuan ni Ka Romano sa simpleng pagpatay lamang sa kanya at dalawa pa niyang kasama. Sa kabaliktaran, nanatiling buhay ang diwa na sinasagisag ni Ka Romano na matapat na paglilingkod sa interes ng mga api’t pinagsasamantalahan. Nag-aalimpuyo ang mapanghimagsik na damdamin ng mga Pulang kumander at mandirigma ng Melito Glor Command, ganondin ng rebolusyonaryong mamamayan sa ginawang brutal na pagpatay sa hors de combat na si Ka Romano at dalawa pang kasama. Dagdag pa, higit na magbibigay ng ibayong inspirasyon sa lahat ang kadakilaan at kabayanihan ni Ka Romano at ng dalawa pang kasama.
Sa harap ng panibagong palipad-hangin ni Duterte sa pagbubukas ng usapang pangkapayapaan sa CPP-NPA-NDF, ang nagpapatong-patong na krimen na kanyang nagawa at ginagawa laban sa sambayanang Pilipino ang naglalagay sa kwestyon sa kanyang sinseridad at mabuting intensyon.
Walang ibang opsyon ang rebolusyonaryong kilusan at mamamayan kundi ang pag-ibayuhin ang lahat ng anyo ng paglaban. Magpapatuloy ang paglakas ng NPA sa lalawigan ng Rizal, kasabay ng paglakas ng NPA sa rehiyong Timog Katagalugan at bansa. Ang kundisyon ng walang taros na nararanasang kahirapan, kaapihan at pagkabusabos na dinaranas ng sambayanang Pilipino ang nagtutulak sa mamamayan para lumaban, mag-armas at sumapi sa NPA. Higit na mag-iibayo ang paglulunsad ng opensiba ng NPA laban sa kaaway ng mamamayan. Titiyakin ng NPA na mabibigyan ng rebolusyonaryong hustisya ang pagkamatay ni Ka Romano at ng dalawa pang kasama, sampu ng mga biktima ng Joint Campaign Plan-Kapanatagan ng pasistang rehimeng US-Duterte at ng ilampung libong inosenteng biktima ng Oplan Tokhang at Double Barrel Reloaded ni Gen. Bato dela Rosa.
Mabuhay si Ka Romano at iba pang martir at bayani ng sambayanan!
Mabuhay ang New People’s Army!
Mabuhay ang National Democratic Front of the Philippines!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Digmang Bayan, Sagot sa Kahirapan at Inhustisya! ###