Pahayag

Sa diwa ng kilusang pagwawasto, palakasin ang Partido at pamunuan ang masa!

Taas-kamaong pagbati ang ipinapaabot ng NDF-Batangas sa ika- 57 Anibersaryo ng pinakamamahal nating Partido Komunista ng Pilipinas-MLM.

Sa araw na ito, nagpupugay tayo sa buong rebolusyonaryong kilusan, sa lahat ng kadre at kasapi ng Partido, mga pulang kumander at madirigma ng Bagong Hukbong Bayan at sa lahat ng martir ng lalawigan ng Batangas.

Sa loob ng 57 taon ng Partido Komunista ng Pilipinas nakaugat na ito sa lalawigan simula pa noong dekada 70. Maraming Batangueño ang lumahok sa rebolusyonaryong kilusan, naging kasapi ng Partido, naging matatapang na kumander at mahuhusay na kadre kagaya ni Ka Roger Rosal, Ka Eduardo Dagli at iba pa na naikalat sa buong Timog Katagalugan at sa buong bansa.

Ang makasaysayang tradisyon ng mamamayang Batangueño na lumaban simula pa noong panahon ng Kastila ay nanatiling nasa puso at isip ng mamamayang Batangueño.

Maraming mga tagumpay ang nakamit ng mamamayang Batangueño sa lalawigan dulot ng kanilang pakikibaka at pagsandig sa rebolusyonaryong kilusan. Mula sa pamamahagi ng lupang sakahan ng mga magsasaka, lupang panirikan, pakikibaka ng mga manggagawa sa pagtatayo ng unyon at pakikibakang dagdag-sahod, pakikibaka ng mga kabataan at kabataang estudyante at pagpapaunlad ng kabuhayan. Ito ay nakatala na sa kasaysayan ng Batangas at hindi na maaaring kalimutan ng mamamayang Batangeño, lumipas man ang maraming taon.

Sa nagdaang taon inani ng ating mahal na Partido ang mga naipundar sa mga nakaraang dekada. Makikita ito sa malalim na suporta sa Partido at Bagong Hukbong Bayan ng mga mamamayang Batangueño. Patuloy na nakakapagpunyagi ang buong rebolusyonaryong kilusan sa harap ng mahirap na sitwasyon at todong atake ng kaaway. Sila ang nagbigay ng inspirasyon para tuloy-tuloy na makapagpakilos, makapag-organisa at makapagmobilisa sa lalawigan.

Nanatiling palaban ang diwa ng rebolusyonaryong mamamayan kahit pa sinusupil sila ng estado sa pamamagitan ng reaksunaryong hukbo nitong AFP/PNP/CAFGU sa pangunguna ng 59th IBPA na walang habas na nagpapatupad ng FMO sa kanayunan na nagdudulot ng mga krimen sa mamamayang Batangueño. Sa utos ng Rehimeng US- Marcos II, malawakan ang panunupil, panghaharahas, pangrered-tag, pagsasampa ng gawa-gawang kaso, pekeng pagpapasuko at EJK sa mga magsasaka, manggagawa at iba pang sektor na lumalaban. Tinatakot at sinasampahan ng gawa-gawang kaso at sukdulan ay paslangin ang mga kawawang biktima kagaya ng naganap sa batang si Kyllene Casao ng Taysan at magsasakang Maximino Digno ng Calaca, Batangas. Patuloy na naghahasik ng pasismo at terorismo ng estado ang AFP-PNP-CAFGU sa pamamagitan ng di- deklaradong Batas Militar sa lalawigan upang supilin ang mamamayang lumalaban.

Patuloy ang suporta ng sambayanang Batangueño sa NPA at patuloy ang pagsapi sa Partido dahil mulat silang mahigpit nilang katuwang sa pakikibaka ang mga NPA. Batid ng mga Batangueño ang kabalbalang ginagawa ng mga naghaharing-uri at burukata sa lalawigan, ang kanilang ginagawang pangangamkam ng lupa sa mga magsasaka para sa pagpapalit-gamit sa lupa pabor sa dayuhang kapitalistang monopolyo (DKM) at lokal na komprador-burgesya, gamit ang protektor nilang 59th IBPA upang takutin at harasin ang mga tao.

Nakahanay ang mga malalaking proyektong bilyon-bilyong pagkakakitaan ng mga PML, DKM at burukrata sa lalawigan sa balangkas ng matagal nang planong Project Calabarzon. Mga halimbawa nito ang sumusunod: sa Kanlurang Batangas, pagsasara ng CADPI na katumbas nito ay kawalan ng trabaho ng mga manggagawa at kabuhayan ng mga magtutubó sa lalawigan; pangangamkam sa 7,000 ektarya sa Hacienda Roxas upang pagtayuan ng Cavite-Batangas Expressway at solar farm; ang 8,650 ekt sa Hacienda Looc para sa eko-turismo, ang 2,400 ekt. ng Hacienda Puyat na ginawang high class subdivision. Habang sa Silangang Batangas, miminahin naman ng kumpanyang Bluebird ang Mt. Naguilling sa Lobo para kuhanin ang likas na yaman doon kahit kapalit nito ay pagkasira ng kalikasan: ang Mt Banoy na matagal nang planong gawing isang eko-turismong forest city habang ang bahagi ng San Juan at Rosario ay pagtatayuan ng windmill farm at geothermal plant para sa renewable energy na kinakailangan ng mga negosyong itatayo sa probinsya.

Ang mga kabahayan at kabuhayan sa baybaying dagat ay nanganganib na mademolis dahil sa proyektong pagtatayo ng mga planta, pier at mga high-class resort tulad ng pagdedemolis sa humigit kumulang 10,000 pamilyang nakatira sa Santa Clara, Batangas City kung saan itinayo na ang International Port. Gayundin sa Barangay Laiya, San Juan na tinayuan ng high class beach resort at ang Barangay San Rafael, Calaca City na nanganganib na mawala sa mapa dahil sinaklaw ito ng itinayong coal fired thermal plant. Libo-libong ektarya ang sasaklawin ng mga proyektong ito na magpapalayas din ng libo-libo magsasaka at maralitang-lungsod sa kanilang lupang sakahan at panirikan.

Malawakan din ang pagtatayo ng mga engklabo sa probinsya tulad ng ginagawang pagpapalawak ng LIMA. Itinayo din ang malaking pagawaan sa lalawigan para sa negosyo ng malaking dayuhang kapitalista. Sa mga engklabo, ipinatutupad dito ang NUNS (No union, no strike policy) na bahagi ng panunupil sa kilusang paggawa. Nanatiling mababa ang sahod-alipin na hindi makabubuhay sa pamilya ng mga manggagawa sa lalawigan. Nanatiling busabos at kontraktwal ang karamihan sa mga manggagawa na pagkatapos ng 5 buwan ay mawawalan ng trabaho. Kakailanganin na namang maghanap ng ibang mapapasukan.

Sinusupil ng kapitalista at estado ang pag-uunyon para mapanatili nilang mababa ang benipisyo at sahod ng mga manggagawa. Kahit pa kabilang ito sa batayang karapatan nila bilang manggagawa, laganap ang mga “recruitment agency” na kasabwat ng mga kapitalistang dayuhan at lokal para palaganapin ang sistemang kontraktwalisasyon upang maiwasan na maregular ang mga manggagawa at hindi makapagtayo ng kanilang unyon.

Lahat ng mga nabanggit na isyu at mga anti-mamamayang proyekto na nakakaapekto sa karapatan ng mga Batangueño ay mga malilinaw na batayan kung bakit patuloy na lalakas ang ating Partido at Bagong Hukbong Bayan. Walang ibang pagpipilian ang mamamayang Batangueño kung hindi ang lumaban kasama ang kanilang hukbo sa pamumuno ng Partido.

Makakaasa ang mamamayang Batangueño sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, katuwang ang Bagong Hukbong Bayan sa ilalim ng Eduardo Dagli Command at NDF-Batangas na gagawin nito ang kanyang pangunahing tungkuling ibagsak ang tatlong salot na Imperyalismo, Burukrata Kapitalismo at Pyudalismo sa pamamagitan ng armadong pakikibaka upang makamit ang tunay na malaya at maunlad na lipunan.

Palakasin ang Partido sa pamamagitan ng pag ugat sa malawak na masa!

Palakasin ang Hukbong Bayan, pasampahin ang mahuhusay na anak ng bayan!

Ipagtagumpay ang DRB at itayo ang sosyalistang lipunan!

Mabuhay ang ika-57 Anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas!

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang Pambansa-Demokratikong Prente ng Pilipinas!

Mabuhay ang mamamayang Batangueño!

Sa diwa ng kilusang pagwawasto, palakasin ang Partido at pamunuan ang masa!