Pahayag

Sa Gitna ng Pandaigdigang Krisis ng Kapitalismo, Itinatanghal ng Kabataan ng Timog Katagalugan ang Landas ng Rebolusyonaryong Pagbabago

Ang Pilipinas ay nakaharap sa isang malalim, matagal, at sistemikong krisis na nakaugat sa estadong malakolonyal, malapyudal, at burukrata kapitalista. Hindi ito simpleng bunga ng maling pamamahala kundi produkto ng isang kaayusang panlipunan na hinuhubog at pinananatili ng imperyalismo at ng lokal na naghaharing uri. Sa ilalim ng rehimeng US Marcos II, lalong pinaiigting ang pagsasamantala at pang aapi sa sambayanan habang pinoprotektahan ang interes ng dayuhang kapital at ng iilang naghahari.

Ang krisis na dinaranas ng sambayanang Pilipino ay mahigpit na nakaugnay sa krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Sa antas pandaigdig, lumalala ang istagnasyon ng ekonomya, lumalawak ang agwat ng yaman, at sumisidhi ang tunggalian ng malalaking kapangyarihan para sa pamilihan, impluwensya, at kontrol sa likas na yaman. Ang labis na produksyon, pagbagsak ng tubo, at kawalan ng kakayahan ng kapitalismo na lumikha ng matatag na kabuhayan ay nagreresulta sa malawakang tanggalan sa trabaho, pagsasara ng mga industriya, at patuloy na pagbubuwis ng pasanin sa uring manggagawa at inaaping mamamayan.

Bilang bansang nakapailalim sa dayuhang kontrol at neoliberal na mga patakaran, mas matindi ang epekto ng krisis sa Pilipinas. Ang bigat nito ay ipinapasa sa masa sa anyo ng mataas na presyo ng bilihin, kakulangan ng disenteng trabaho, at pagkasira ng mga serbisyong panlipunan. Ang krisis sa ekonomya ay kaakibat ng krisis sa edukasyon, kalusugan, at iba pang batayang karapatan. Ang mga suliraning ito ay hindi hiwa hiwalay kundi magkakaugnay na ekspresyon ng isang sistemang hindi kayang maglingkod sa interes ng nakararami.

Sa ganitong kalagayan, malinaw ang kalagayan at papel ng kabataan. Ang kabataan ay kabilang sa sektor na pinakamalupit na tinatamaan ng krisis at kasabay nito ay isa sa pinakamalakas na pwersa ng paglaban. Patuloy na tumataas ang matrikula, nananatiling kulang ang scholarship at suporta sa edukasyon, mababa ang sahod ng mga guro, at ipinapasan sa kabataan ang mga patakarang pumipigil sa kanilang kinabukasan. Ang edukasyon ay lalong inilulubog sa komersyalisasyon at ginagawang instrumento ng pagsunod sa umiiral na kaayusan.

Sa kabila nito, patuloy na lumalawak at tumitibay ang kilusang kabataan sa Timog Katagalugan. Mula Agosto kung kailan libu libo ang lumahok sa mga walkout at kolektibong pagkilos hanggang Oktubre 17, 2025, mahigit limang daang kabataan mula sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon ang sabayang kumilos sa iba’t ibang pamantasan at paaralan. Ang mga pagkilos na ito ay hindi panandaliang pagsabog ng galit kundi bunga ng lumalalim na kamulatan at organisadong pagtindig ng kabataan laban sa katiwalian, burukratang kapitalismo, at panlipunang kawalan ng hustisya.

Kasabay ng paglawak ng kilusang masa ay ang ibayong paglantad ng pasistang katangian ng estado. Habang winawaldas ang bilyun bilyong piso sa confidential funds at mga pondong hindi direktang nagsisilbi sa mamamayan, patuloy na hinaharap ng masa ang kahirapan, sakuna, at kawalan ng proteksyon. Noong Setyembre 21, 2025, mahigit dalawang daang kabataan kabilang ang siyamnapu’t isang menor de edad ang marahas na inaresto. Ipinapakita nito na handang gumamit ng dahas ang estado upang patahimikin ang lehitimong paglaban at ipagtanggol ang interes ng naghaharing uri.

Mahalagang dakilain ang mga martir at lider na nag alay ng kanilang buhay sa pakikibaka ng sambayanan. Ang kanilang sakripisyo ay nagpapaalala na ang kasaysayan ay hinuhubog ng kolektibong pagkilos ng inaapi at hindi ng kusang loob ng naghaharing uri. Ang kanilang halimbawa ay patuloy na nagbibigay inspirasyon sa kabataan ng Timog Katagalugan upang ipagpatuloy ang pakikibaka para sa tunay na kalayaan at katarungan.

Sa pandaigdigang antas, malinaw ang mapanganib na direksyon ng rehimeng US Marcos II. Sa pagpapalalim ng alyansang militar sa Estados Unidos at sa pagbubukas ng bansa sa presensya ng dayuhang tropa at pasilidad militar, isinusuko ang pambansang soberanya at inilalagay sa panganib ang sambayanang Pilipino sa gitna ng tunggalian ng malalaking kapangyarihan. Ang ganitong kalakaran ay nagsisilbi sa interes ng imperyalismo at hindi sa kapakanan ng mamamayan.

Dapat patuloy na ilantad at labanan ang buong naghaharing uri kasama ang mga nagbabalatkayong progresibo na nagsisilbing panakip butas ng reaksyunaryong estado. Iisa ang kanilang pinaglilingkuran ang interes ng imperyalismo at lokal na naghaharing uri. Taliwas dito, malinaw ang papel ng Partido Komunista ng Pilipinas bilang tunay na kinatawan ng uring manggagawa at iba pang inaaping sektor. Ang Partido ay kumikilos batay sa Marxismo Leninismo Maoismo at umaasa sa lakas at talino ng masa bilang tunay na tagapaglikha ng kasaysayan.

Itinatanghal ng kabataan ng Timog Katagalugan ang walang hanggang kapangyarihan ng masa. Ang lumalawak na hanay ng walkout, protesta, at kolektibong pagkilos ay kongkretong proseso ng pagkatuto, pag-oorganisa, at paghahanda para sa mas mataas na antas ng pakikibaka. Sa bawat hakbang, hinahamon ang bulok na kaayusan at inilalatag ang pundasyon ng isang lipunang tunay na makatarungan.

Dinadakila ng kabataan ng Timog Katagalugan ang ambag ni Jose Maria Sison bilang gabay at ilaw sa landas ng rebolusyon. Ang patuloy na radikalisasyon ng kabataan ay bunga ng araw araw na karanasan ng pang aapi, pagkakait ng karapatan, at kawalan ng kinabukasan sa ilalim ng umiiral na sistema. Ang kabataan ay nananatiling barometro ng kamalayan ng masa at mahalagang pwersa sa pagsusulong ng sistematikong pagbabago.

Sa huli, sa harap ng malalim na krisis, talamak na katiwalian, at panunupil ng imperyalismo at estado, nananatiling liwanag sa dilim ang Partido. Sa pamumuno nito, tinatawagan ang kabataan at sambayanang Pilipino na aktibong lumahok sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa ganap na tagumpay. Sa ika limampu’t pitong anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas, muling pinagtitibay na ang Partido ay di matitinag ng pananakot, karahasan, o pasismo.

Panghawakan at isabuhay ang Marxismo Leninismo Maoismo!
Wakasan ang imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo!
Mabuhay ang New People’s Army!
Mabuhay ang kabataang Makabayan!
Mabuhay ang National Democratic Front of the Philippines!
Mabuhay ang proletaryo at sambayanang Pilipino!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Sa Gitna ng Pandaigdigang Krisis ng Kapitalismo, Itinatanghal ng Kabataan ng Timog Katagalugan ang Landas ng Rebolusyonaryong Pagbabago