Sa ika-53 anibersaryo ng NDF, hamon sa mga kabataan na magpalakas at mag-ambag sa pambansa demokratikong rebolusyon
Militanteng pinagpupugayan at ipinagdiriwang ng Kabataang Makabayan-Timog Katagalugan (KM-TK) ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa ika-53 nitong anibersaryo. Ang deka-dekada nitong pag-iral ay patunay ng puspusang pakikibaka ng milyon-milyong mamamayan laban sa imperyalismong US at mga lokal na naghaharing uri sa kalagitnaan ng tumitinding kundisyon ng malakolonyal at malapyudal na lipunan.
Isa ang sektor ng kabataan sa pinakaapektado ng lumalalang krisis na ngayo’y pinasidhi ng gerang agresyon ng imperyalismong US sa Iran. Dinaranas ng Pilipinas ang krisis sa langis dulot ng pagsara ng Straight of Hormuz sa Middle East na pinagmumulan ng 20% ng langis sa daigdig at daanan ng mayorya ng langis na iniimport ng Pilipinas.
Sa Timog Katagalugan, naging triple ang pasanin ng mga kabataang estudyante kung saan lalong nasasakripisyo ang akses at kalidad ng edukasyon dahil sa mga pantapal na solusyon. Nariyan ang pagpapatupad ng online classes, implementasyon ng mga “austerity measures”, at marami pang iba bilang tugon sa krisis sa langis.
Hindi rin ligtas ang mga kabataan sa hanay ng mga manggagawa at magsasaka. Nananatili ring wala o kulang ang lupa ng mga magsasaka kaya ang kanilang mga anak ay nakikipagsapalaran sa mga kabayanan at lungsod upang maghanap ng trabaho. Nagdurusa ang mga kabataang manggagawa sa ipinatupad na four day work week na ipinataw ng rehimeng US-Marcos II bilang pantapal na solusyon sa kasalukuyang krisis sa langis. Kapos na kapos din ang kita ng mga mala-manggagawa lalo ang mga kabataang jeepney driver na nawalan ng pinakamababang ₱300 kita kada araw dahil sa pagsirit ng presyo ng langis. Dinaranas din ng mga maralitang lungsod ang pandarahas ng demolisyon kung saan pinangangamba ng mga kabataan na mawalan ng tirahan. Nitong Abril lamang, tampok sa rehiyon ang pagtatanggol ng mga residente, kasama ang mga kabataan, para sa lupa at panirikan sa 6B sa Bambang, Los Banos, Laguna dahil sa pagkamkam ng lupa ng negosyanteng si Eric Cuevo, sa Brgy. Imok, Calauan, Laguna at sa Brgy. Tartaria, Silang, Cavite mula sa pang-aagaw ng lupa ng pamilyang Aguinaldo.
Sa kalagitnaan ng mapagsamantalang kundisyon ng mga kabataan, sila mismo ay target ng atake at pasismo ng estado. Tinatadtad ng kabi-kabilang mga red-tagging flyers at cyberattacks ng Armed Forces of the Philippines (AFP), National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), at iba pang mersenaryong elemento ang mga lider-estudyante, progresibo, pahayagang pangkampus, sibilyan, at iba pa. Imbes na ilaan sa pondo ng edukasyon at serbisyong panlipunan, napupunta ito sa walang patid na pagbaha ng mga troll accounts sa mga comment section kung saan tinatatakan ang paglaban ng mamamayan bilang terorismo. Halimbawa nito si Charlize Garzon o si Ceeka, ang kabataang manggagawang pangkultura mula sa Cavite na inaresto sa Occidental Mindoro noong Marso 29 habang nakikipamuhay sa mga katutubong Mangyan.
Kasaysayan ang patunay na matagal nang mantsado ng dugo ang mga kamay ng militar. Kamakailan lamang, nagbulalas ng kasinungalingan ang AFP sa nangyaring masaker sa Toboso, Negros Occidental kung saan 19 ang pinaslang. Walang habas nilang ginagamit ang terror-tagging para gawing makatwiran ang masaker. Subalit hindi nila maitatago ang katotohanan habang lagpas 600 na mamamayan ang lumikas sa kanilang lugar dahil sa malawakang strafing ng militar. Samantala, kabilang sa 19 na minasaker si Alyssa Alano, isang lider-estudyante at aktibista mula sa UP Diliman na pumunta sa komunidad ng mga sakada sa Negros upang makipamuhay sa mga magsasakang inaapi at pinapalayas sa kanilang lugar. Sa kabila ng panganib, pinili ni Alyssa na lumabas sa komportableng sulok ng pamantasan at tumungo sa mga magsasakang inaagawan ng lupa, hinaharas at pinapatay.
Habang tumitindi ang imperyalistang giyera at kronikong krisis, lalong tumitingkad ang hamon para sa mga kabataan na konsolidahin ang lakas nito para hawanin ang landas tungo sa pambansang demokratikong paglaya na may sosyalistang perspektiba.
Bilang bahagi ng pinakakonsolidadong alyansa ng mga progresibo at patriyotikong pwersa, kailangang buong lakas na bitbitin at isabuhay ng Kabataang Makabayan ang programa ng NDFP. Patuloy na lumaban lalo na sa harap ng tumitinding atake. Higit sa lahat, magpukaw, mag-organisa, at magpakilos ng mga kabataan sa mga paaralan, komunidad, pabrika, sakahan, at sa lahat ng sulok ng bansa.
Inspirasyon natin ang libu-libong mga kabataan na inialay ang kanilang buhay para paglingkuran ang mga manggagawa at magsasaka upang makamit ang kanilang demokratikong kahilingan at tunay na kalayaan ng bansa. Sa gabay ng Marxismo Leninismo at Maoismo, hamon na mapagpasyang tahakin ng mga kabataan ang landas ng armadong pakikibaka.