Salamat at paalam, Ka JM!

Pinagpupugayan ng Celso Minguez Command, NPA-Sorsogon at buong rebolusyonaryong kilusan ang dedikasyon, kasipagan, pag-aalay ng lakas at talino at walang pag-iimbot na pagmamahal ni Ka Jm sa mamamamayan. Si Marvin Ebardo na kilala bilang si Ka Jm ay napaslang sa isang labanan nitong Hulyo 31 sa Brgy. San Juan Daan, Bulan, Sorsogon sa edad 26.

Makulit, masayahin, masipag, matalino, at hindi takot sumubok ng mga bagong gawain- ito ang mga katangian ni Ka Jm na tumatak sa lahat ng mga kasama at masa na kanyang nakasalamuha.

Nagmula si Ka Jm sa pamilya ng maralitang magsasaka sa bayan ng Irosin. Bata pa lamang siya ay nakita na niya ang hirap at pang-aaping nararanasan ng mga magsasaka sa probinsya. Bilang tenante, sa pag-uuling at kopra naka asa ang kaniyang pamilya. Sanay siya sa gawaing bukid. Pinagsabay niya ang kanyang pag-aaral at pagtulong sa kanyang magulang sa produksyon. Pagkagradweyt niya ng hayskul ay naging tindero siya ng mga damit hanggang sa makakuha siya ng trabaho bilang security guard noong 2015.

Dahil sa nararanasan at nakikita niya ay madaling tumagos sa kanya ang mga paliwanag ng mga kasama hinggil sa tunay na ugat ng kahirapan at ano ang dapat gawin upang mabago ang sistemang umiiral. Naging bahagi siya ng organisasyon ng mga kabataan sa kanyang baryo at naging aktibo sa pagtulong sa mga kasama -mula sa paghahatid ng suplay, komunikasyon, pag-oorganisa at iba pa.

Taong 2017 nang una siyang sumampa bilang NPA. Agad siyang kinakitaan ng potensyal dahil sa lakas ng loob niya na sumubok ng mga bagong gawain at aktitud niyang di tumatanggi sa mga atas sa kaniya. Ngunit dahil sa personal na problema ay umuwi siya nang walang paalam pagkalipas ng isang taon sa Hukbo. Namasukan uli siya bilang security guard sa SM sa NCR. Kahit nasa Maynila ay di siya nagputol ng komunikasyon sa mga kasama. Taong 2019 ay nagdesisyon siyang umuwi upang mag-ayos ng personal na problema. Nang mapalaban ang mga kasama sa bayan ng Bulan noong Disyembre 2019 ay isa siya sa naghatid ng pagkain sa mga kasama. Sa mismong paghahatid niya ay nagdesisyon din siya na muling umanib sa Hukbo.

“Payt ako pirmi!” habang nakangiti, ito ang laging sagot ni Ka Jm tuwing inaatasan siya ng mga gawain-gawaing militar man o gawaing edukasyon. Ilang beses na siyang sumama sa mga gawaing militar tulad ng haras, isnayp, at demolisyon, wala siyang inaatrasang gawain at lahat ay gusto niyang matutunan.

Bilang sinasanay na giyang pampulitika, lagi siyang inaatasan sa mga gawaing edukasyon. Malakas ang kanyang loob at kahit na nahihiya ay di siya umaatras sa pagbibigay ng mga pag-aaral sa mga kasama at masa. May isang pagkakataon, habang nagbibigay siya ng pag-aaral ay halos maligo na siya sa pawis habang nagpapaliwanag dahil sa sobrang kaba. Nagbiro na lamang siya ng “bakit ang init dito?” habang nagpupunas ng pawis. Sa pagtatasa sabi niya “Isang taon na kaya ako di nagbibigay ng pag-aaral! Pero ok lang! Para masanay uli ako!”. Bukas siya lagi sa mga komento at payo ng mga kasama hinggil sa pag-papaunlad sa kanyang mga gawain.

Taglay ni Ka Jm ang diwang mapanlaban at lakas ng loob na likas sa mga kabataan. Hanggang sa huli ay di niya binitawan ang hangarin ng mamamayang Pilipino na lumaya sa sistemang malakolonyal at malapyudal at makamit ang tunay na kalayaan at lipunan na walang pagsasamantala at pang-aapi. Inspirasyon siya sa mga kasama at masa na kanyang naorganisa at nakasalamuha. Tiyak na dadami pa ang mga katulad niyang kabataan at magsasakang tatahak sa landas na tinahak niya.

Taas kamaong pagpupugay sa iyo Ka Jm! Maraming salamat!

Salamat at paalam, Ka JM!