Sibilyan, hindi BHB, ang pinatay ng 94th sa Negros
Kinukundena namin ang 94th Infantry Battalion sa sadyang pagpatay noong Lunes kay Jose Gonzales, 49 taong gulang, isang sibilyan na nakatira sa Barangay Carabalan, Himamaylan City, Negros Occidental.
Sang-ayon sa balitang lokal, dinakip at habang tinututukan, pinaghukay ng mga sundalo ng 94th IB si Gonzales ng mga inilibing na sirang bahagi ng sandatang dinispatsa na ng Bagong Hukbong bayan (BHB). Kasunod ay pinatay si Gonzales ng mga pasistang ahente ng 94th IB at pinalabas na isang mandirigma ng BHB at iniulat na napatay diumano sa isang engkwentro.
Kinukundena namin ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa paglalabas ng pekeng ulat ng diumano’y armadong engkwentro upang pagtakpan ang krimen na pagpatay kay Gonzales. Sa kanilang pahayag, naglabas ng huwad na ulat tungkol sa isang armadong engkwentro sa Sityo Maliko-liko sa nasabing barangay, noong Lunes (Enero 9). Hindi rin totoo ang sinasabing armas na nakumpiska ng AFP.
Batay sa impormasyong nakalap namin mula sa lokal na kumand ng BHB sa Negros, walang nangyaring engkwentro sa lugar.
Sinusuportahan namin ang paghingi ng hustisya ng pamilya ni Gonzales.
Layon ng pagpatay kay Gonzales na sindakin ang mamamayan at supilin ang masang magsasaka ng Negros na patuloy na lumalahok at nagbibigay ng malalim at malawak na suporta sa BHB upang ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa terorismo ng estado at labanan ang sistema ng mga panginoong maylupa at ang mapang-api at mapangwasak na operasyon ng malalaking dayuhang negosyo.