Sumapi sa mga rebolusyonaryong organisasyong masa upang higit pang lumakas ang kilusan ng kababaihan para sa pakikibaka para sa pagpapalaya ng inang bayan
Nakikiisa ang Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA-Masbate) sa paggunita sa ika-112 taong pagdiriwang sa makasaysayang araw ng Kababaihan ngayong Marso 8, 2025. Ang dakilang araw na ito ay hindi lang upang magdiwang. Bagkus, pag-aalala ito sa makasaysayang paglaban ng kababaihan upang kilalanin ang kanilang mga karapatan at bigyang-diin ang natatangi nilang papel sa lipunan. Tanda rin ito ng pagdakila sa kakayahan at mga naging ambag ng mga kababaihan sa pagkamit ng mga tagumpay sa mga pakikibaka hindi lang sa Masbate, sa bansa kundi sa buong mundo.
Ang kababaihan sa Pilipinas ay patuloy na nahaharap sa pinatinding pang-aapi, pagsasamantala at di makatarungang pagturing sa lipunang malakolonyal at malapyudal. Biktima sila sa di makatarungan at di pantay na pagtingin at pagturing ng reaksyunaryong gubyerno at mga naghaharing-uring panginoong maylupa at dayuhang kapitalista bilang mahihina, walang kakayahan at pantahanan lamang. Subalit, nananatiling patuloy na pinalalakas ng kilusan ng kababaihan ang kanilang hanay upang kilalanin ang kanilang karapatan, lubusang mapalaya ang kanilang sarili at ang inang-bayan.
Sa Masbate, itinuturing silang mga alipin ng mga panginoong maylupa o rantsero na pinagtatrabaho ng libre bilang mga kasambahay. Biktima ang kanilang mga pamilya sa pang-aagaw ng lupa at kabuhayan ng mga lokal na naghaharing-uri at rantsero, mga dayuhang mapandambong at mapangwasak sa kabuhayan na mga proyektong neoliberal tulad ng mina, ekoturismo at pagtatayo ng mga planta sa enerhiya. Ito ang nagtulak sa kanila upang maging tenante sa mga inangking lupang sakahan ng mga naghaharing-uri, rantsero at pulitiko sa prubinsya. Ang iba naman ay napilitang makipagsapalaran sa mga syudad at ibang bayan upang makaraos sa gutom at matugunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
Masahol, nakikipagsabwatan ang rehimeng Bongbong Marcos Jr sa kanyang alyadong pulitiko-rantsero sa Masbate na si Gov. Antonio Kho upang higit pang ibuyangyang sa mga neoliberal na proyekto ang prubinsya. Kabilang dito ang pagbigay pahintulot sa Filminera Masbate Gold Project na pahabain ang kontrata at minahin ang mga kabundukan sa mga bayan ng Mobo, Uson at Milagros. Sa naturang mga bayan na ito nakatakdang magpapalawak ng operasyon ang kumpanya matapos ang 25-taong kontrata nito sa bayan ng Aroroy. Ganun din ang patuloy na pagdebelop sa bayan ng Dimasalang para sa ekoturismong MPark.
Walang habas din na niyuyurakan at nalalabag ang mga karapatan ng mga kababaihan bunsod ng pagpatupad ni Marcos Jr ng di deklaradong batas militar sa kanayunan. Kabilang ang kababaihan sa nabibiktima para sa mga umanoy “accomplishment” ng militar at pulis laban sa rebolusyonaryong kilusan at NPA sa Masbate. Marami din sa kanila ang patuloy na nawawalan ng lupa, kabuhayan at tahanan bunsod ng pagkakaroon ng makadayuhan, sakim, ganid at kontra-mamamayang pinuno ng bansa.
Kasabay sa pagdiriwang ngayong araw ng Kababaihan, hinihikayat ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA-Masbate) ang lahat ng kababaihang Masbatenyo na sumapi at lumahok sa mga nakatayong rebolusyonaryong organisasyon. Kumilos upang muling ipamalas ang kanilang lakas at isulong ang mga pakikibaka para sa karapatan sa lupa at kabuhayan.
Makiisa din sa panawagan, mga protesta, welga at lahatang-panig na kumilos upang itulak ang pagpapanagot kay Bise Presidente Sara Duterte at ama nitong si Rodrigo Duterte laban sa kanilang sandamakmak na krimen sa bayan.
Higit sa lahat, upang singilin at panagutin si Bongbong Marcos Jr sa pagbuyangyang sa prubinsya sa mga neoliberal na proyekto na dumadambong at sumira sa kanilang lupa at kabuhayan. At sa pagpapatupad ng di deklaradong batas militar sa kanayunan na tahasang nagbibigay-laya sa Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na yurakan ang karapatan ng mamamayan.
Hindi dapat hayaang patuloy na makapamuno sa bansa ang isang pangulo na papet, kurap at kontra-mamamayan. Kasama ang iba pang sektor at uri sa prubinsya ng Masbate dapat nilang muling bagtasin ang lansangan mula sa kanayunan tungo sa mga lunsod at syudad upang yanigin ang malakanyang hanggang tuluyang maibagsak ang Imperyalismo Burukrata-kapitalismo at Pyudalismo.