Suportahan ang panawagan ng mga Dumagat, Remontado at lahat ng mamamayang apektado ng Kaliwa Dam
Nakikiisa ang Partido Komunista ng Pilipinas-Timog Katagalugan sa pakikibaka ng mga Dumagat, Re-montado at lahat ng mamamayang apektado ng mapaminsalang proyektong Kaliwa Dam. Naninindigan ang Partido at buong kilusang rebolusyonaryo sa TK na walang ibang mabuting idudulot ang proyekto kundi delubyo para sa mamamayan ng Rizal at North Quezon.
Pinatutunayan ng nagaganap na martsang protesta ng mga katutubong mamamayan ng North Quezon at Rizal sa pangunguna ng mga Dumagat at Remontado na malaking kalokohan ang ipinapahayag ng maka-imperyalistang mga ahensya ng gubyerno na pumayag na ang lahat ng pamilyang apektado ng proyekto. Halatang nag-iimbento lamang ng datos ang Metropolitan Water Sewerage System (MWSS), Department of Environment and Natural Resources (DENR) at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) sa mali-maling ulat ng apektadong mamamayan para iratsada ang proyekto. Kakutsaba ng mga ito ang nagdaang rehimeng US-Duterte at kasalukuyang rehimeng US-Marcos II sa pagraratsada ng naturang proyekto sa ilalim ng palsong katwiran ng pirming kakapusan ng tubig sa kamaynilaan. Ninanais ng mga ito na makahuthot ng malaking kikbak sa proyekto na nagsisilbing pambayad-utang ng nagdaang tiranikong rehimeng US-Duterte sa China. Kung kaya’t hindi na naka-kapagtaka ang pagtetengang kawali ng nagdaan at kasalukuyang rehimen sa pagtutol ng mamamayan, mga grupong makakalikasan at maging ilang mga lingkod bayan.
Palulubugin ng dam ang ilang komunidad kasama ang kanilang kabuhayan at saklaw ng lupang ninuno ng mga Dumagat at Remontado sa hangganan ng Tanay, Rizal at General Nakar at Infanta, Quezon. Malayo sa sinasabing bilang ng gubyerno na 15 pamilya lamang ang apektado sa katotohanang mahigit 400 pamilyang nakatira sa palulubuging mga komunidad. Tinataya pang aabot sa 100,000 ang mamamayang maaapektuhan ng proyekto laluna sa panahon ng mga kalamidad. Kabisado na ng ma-mamayan ng General Nakar ang pinsalang dulot ng pagkakaroon ng dam. Hindi nila malilimot ang trahedyang naganap noong 2004 ng magkakasunod na bagyong halos nagpalubog sa bayan ng Infanta at ilang bahagi ng mga bayan ng General Nakar at Real.
Istorikal ang pakikibaka ng mamamayang Dumagat at Remontado laban sa mga proyektong dam ng mga papet na rehimen. Binigo ng konsistente nilang pakikibaka ang nasabing proyekto kahit ilang ulit na tinangka ng mga nagpalit-palitang rehimen mula sa diktadurang Marcos. Higit itong pinatibay ng dugong inialay ng lider-Dumagat na si Nicanor “Ka Kano” delos Santos matapos siyang paslangin ng mga elemento ng AFP-PNP noong Disyembre 8, 2000. Noong 2009, naglunsad din ng martsa ang mga Dumagat at Remontado, kasama ang mga magsasaka, taong simbahan at grupong makakalikasan, patungong Malacañang para tutulan ang Laiban Dam Project sa Sierra Madre. Napigilan ang noo’y gubyernong US-Arroyo na ituloy ang konstruksyon ng dam.
Desperado ang reaksyunaryong estado na ipagpatuloy ang mga mapaminsalang proyekto sa ngalan ng makasariling interes ng dayuhang kapitalista at mga kasabwat na malalaking burgesya-kumprador-panginoong maylupa. Para pigilan ang pakikibaka ng mamamayan, nakapakat sa hangganang Quezon at Rizal ang mga yunit ng 80th at 1st IBPA na patuloy na naghahasik ng teror sa paglulunsad ng walang-puknat na focused military operations at retooled community support program operations.
Nararapat na suportahan ng mamamayan ang pakikibaka ng minoryang Dumagat at Remontado, sampu ng mamamayan ng Rizal at Quezon na pangunahing maaapektuhan ng Kaliwa Dam. Dapat manin-digan ang mga lokal na gubyerno ng Tanay sa Rizal, Infanta at General Nakar sa Quezon laban sa naturang proyekto na maglalagay sa panganib sa kanilang mamamayan. Dapat silang humanay kaisa ng mamamayan para singilin ang rehimeng US-Marcos II at mga ahensya nitong maka-imperyalista sa pagwawalang-bahala sa kapakanan ng mamamayan. Kasabay nito, dapat nilang igiit ang pagpapalayas sa mga tropang miitar sa mga komunidad ng minorya at magsasaka sa paligid ng proyekto.###s