Tagumpay ng sambayanan laban sa rehimen ni Marcos Sr, binababoy ni Marcos Jr

,

Sa ika-38 taon ng paggunita sa pag-aalsang Edsa, nais labusawin ng ilehitimo, palpak, pasista at gumon sa pangingibang bansa na pangulo na si Marcos Jr ang reaksyunaryong konstitusyon 1987. Nais din ni Marcos Jr na burahin sa kasaysayan ang Pag-aalsang Edsa sa pamamagitan ng hindi pagbibigay ng pagpapahalaga sa naturang pyesta opisyal, pagsalamangka ng kasaysayan at pagpapalaganap ng pekeng balita, at disimpormasyon.

Higit sa lahat, gustong siraan ni Marcos Jr ang Pag-aalsang Edsa na nag-anak ng Konstitusyong 1987 para isulong ang charter change (chacha) na may diin at tutok sa walang humpay at walang kahihiyang pagbuyangyang sa bansa at pagsusulong ng patakarang neoliberal. Kabulaanan at sagad sa butong niloloko ni Marcos Jr na ang pagbabago/amendment ng mga pang-ekonomiyang probisyon ng burges na Saligang Batas ay maghahawan ng pag-unlad ng bansa. Sa kanilang mga maniobra, pinatutunayan ng naghaharing paksyong Marcos-Rumualdez na isang rubberstamp ang kongreso kasabwat ang mga kampon niyang teknokrata. Sa kanilang makitid at makauring interes, ginawa nilang hostage ang ‘kaunlaran’ ng bansa para itulak ang pagbabago ng burges na saligang batas.

Ngunit malaon nang naghihirap ang mamamayan sa reaksyunaryong batas na ipinatutupad ng mga naghaharing-uri. Ang Konstitusyong 1987 ay nagbibigay lamang ng ilang palamuting burges demokratiko ngunit pangunahing nagsisilbi pa rin sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo habang binibigyan ng ligal na bihis ang panunupil sa mamamayan. Sa pamamagitan nito, walang nakamit na saligang pag-unlad ang sambayanang Pilipino. Sa halip na maasahan ng bayan para makaahon sa karalitaan at maprotektahan ang soberanya, ay nagbunga ito ng labis na pagsandig sa dayuhang kapital, kawalan ng tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon. Sa saligan, hinayaan nitong manatili ang malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino.

Sa pamamagitan ng Structural Adjustment Program o SAP, Letter of Intent o LOI mula sa mga bangkong tulad ng International Monetary Fund-World Bank, IMF-WB at Asian Development Bank, na nagpapautang sa mga atrasadong bansa para ipatupad ang deregulasyon, pribatisasyon at denasyunalisasyon, Mining Act of 1995, inamyendahang Public Service Act, Regional Cooperation Economic Partenership o RCEP, Rice Liberalisation Law o RLL, lahat ng batas, patakaran at kasunduang ito ay pabor para sa mga dayuhang negosyo, at lokal na kasosyong malalaking burges-komprador.

Patuloy na nakaayon ang reaksyunaryong batas sa imperyalistang pandarambong. Sa panahon ng imperyalistang globalisasyon, ang mga pandaigdigang kasunduan sa pamumuhunan o IIA (International Iinvestment Agreement), ang pinakabantog na daan para ibuyangyang ang ekonomiya. Labing-limang taon matapos ang krisis sa pinansya noong 2008, gayundin ang pagbulusok at napatunayang palso at lalong pahirap na globalisasyon, may 60 mga bansa ang kinansel o tinapos ang may 400 na IAA, kasama na ang may 178 kasunduan na unilateral na pinawalang bisa. Ang Pilipinas na malakolonya ng US ay kabilang sa mga sampalataya sa IAAs at pumirma pa ng may tatlo pang kasunduan mula 2008 kabilang ang may 41 IAAs na ipinapatupad.

Kumpara ng taong 2021, sa unang 10 buwan, may US$12 bilyong dolyar na ang halaga ng direktang pamumuhunan ng mga dayuhan o FDI ang bumulusok sa bansa, pareho noong 2023 kung saan 18 porsyento o US$ 6.5B ang pumasok. Lumiit din ang bahagdan sa pangkabuuang kita ng bansa sa manupaktura sa nakaraang 75 taon mula 1949 na nasa 16.3% habang sa taong 2023 ay 17.6%, kasabay ng malawakang kawalan ng trabaho. Noong Nobyembre 2023, halos 1.4 milyon ang itinaas ng trabaho sa agrikultura. Patunay ito na kahit napakababa ng sahod sa mga trabaho sa kanayunan, ang siyang karaniwang inuuwian na kapit sa patalim ng mamamayang Pilipino.

Nananatiling wala o kulang sa lupa ang mga magsasaka dahil pinapahintulutan ng mga butas sa reaksyunaryong batas ang konsentrasyon at rekonsentrasyon ng mga lupa sa kamay ng panginoong maylupa. Tuluyang naipagkakait pa ng malalaking burgesya komprador ang mga lupain sa iskemang pagpapalit-gamit ng lupa tungong komersyal at huwad na programang pangkaunlaran kagaya ng enerhiya, “industriyalisasyon” at iba pa.

Kung tutuusin, ang Pilipinas na ang may pinakamaluwag na restriksyon sa Timog Silangang-Asya sa usapin ng pagpapapasok ng dayuhang puhunan at negosyo subalit ito ang pangalawa sa nangungulelat na ekonomya kumpara sa mga karatig nito. Hindi na kinakailangan ang chacha para sa pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa, para sa ayuda sa mga magsasaka at mangingisda para maging produktibo. Hindi rin kasagutan ang chacha, para magpatayo ng mga eskwelahan, hospitals, dagdag ng pampublikong guro. Hindi rin Chacha para sa subsidyo, bigyan ng ayudang puhunan, at maprotektahan ang mga negosyanteng Pilipino at sa pagpapaunlad ng pampublikong transportasyon, at iba pang yutilidad. Lalong hindi kasagutan ang chacha para makamit ang nakakabuhay at disenteng sahod at mga proteksyong sosyal.
Poprotektahan pa lalo ng chacha ang mga tiwali at masisiba sa tubo, lalo ang mga ganid na pulitiko, at kasabwat na teknokrata at kanilang patron na si Marcos Jr. Magsisilbi ang chacha para patagalin pa sa kapangyarihan ang pamilya Marcos, kagaya ng ginawa ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos Sr sa pagbabago ng konstitusyon at pagdedeklara ng Martial Law.

Dapat patuloy na makibaka ang mamamayang Pilipino para labanan ang pakanang chacha at kamtin ang tunay na kalayaan at demokrasya. Sa kasaysayan ng daigdig, tanging sa pamamagitan ng isang pambansa demokratikong rebolusyon mahahawan ang landas tungo sa kaunlaran ng bayan laluna ng masang magsasaka. Sa pagpapalaya sa pinakamalaking uri ng lipunan, at pamumuno ng proletaryado sa pamamagitan ng rebolusyonaryong partido nito, makakamit ang isang tunay na malaya, masagana at makatarungang lipunan.###

Tagumpay ng sambayanan laban sa rehimen ni Marcos Sr, binababoy ni Marcos Jr