Talumpati ng RCTU para sa iglap-protesta sa Maynila para sa ika-57 anibersaryo ng PKP
Isang rebolusyonaryong pagbati ang ipinapaabot ng Revolutionary Council of Trade Union kasama ang iba’t ibang kasaping organisasyon ng National Democratic Front of the Philippines! Ngayong araw, nasasaksihan ninyo ang iglap-protesta bilang pagbibigay-pugay sa ika-57 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas! Binibigay natin ang pinakamataas na pagkilala sa halos anim na dekadang pamumuno ng CPP sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng armadong pakikibaka upang lagutin ang tanikala ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrata-kapitalismo at para itayo ang isang sosyalistang lipunan.
Iginagawad din natin ang pinakamataas na pagpupugay at pulang saludo kay Ka Jose Maria Sison, ang tagapangulong tagapagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas. Si Ka Joma ay isang dakilang lider, guro at tanglaw ng rebolusyonaryong kilusan ng buong sambayanang Pilipino. Pinararangalan din natin ang lahat ng mga bayani at martir ng mamamayang Pilipino na nagbuwis ng buhay para sa pambansa-demokratikong adhikain ng masang inaapi.
Sa nakalipas na mga buwan, higit na nabunyag ang masahol na kalakaran ng korupsiyon sa loob ng reaksyunaryong gobyerno. Sa pangunguna mismo ni Bongbong Marcos, bilyon-bilyong piso ang ipinasok sa pambansang badyet para legal na makapagnakaw ng pera mula sa taumbayan. Ginamit ng mga gahamang burukrata kapitalista ang pagdurusa ng mamamayang Pilipino at ang ating bulnerabilidad sa mga sakuna para lumikha ng mga substandard o guni-guning proyektong pang-imprastruktura na ipinasok sa pambansang badyet na magiging huthutan lang pala ng nakaw na yaman.
Simula’t sapul, si Marcos ang mastermind ng korupsiyon. Ang kanyang huwad na krusadang anti-korupsiyon ay paraan lang niya para tiyaking makukuha ang pinakamalaking porsyento ng nakaw na yaman. Sa kakapasa lang na Php 6.79 trilyong badyet, pinanatili at tinaasan pa nga ang pork barrel! Inaaliw tayo ni Marcos Jr. sa circus ng kanyang mga scripted na pagdinig sa senado man o sa itinayo niyang komisyon. Sa dulo, walang nananagot, walang nagbabago!
Ang totoong inilantad ni Marcos Jr. ay ang kabulukan ng sistemang pinapatakbo ng makasarili at makauring interes ng mga kagaya niyang burukrata kapitalista. Hindi na lang sila mga simpleng politikong kurakot o mga dinastiyang naghahari. Ang mga Marcos at Duterte ay mga halimbawa ng parasitikong uri na nabuhay mula sa pagnanakaw sa kaban ng bayan. Ginamit nila ang kapangyarihan ng burukrasya hindi lang para tahasang magnakaw, pero para kunin din ang tuloy-tuloy na suporta ng imperyalistang amo at mga malalaking panginoong maylupa na nagtitiyak din sa kanila ng kapangyarihan at kayamanan.
Nasusulasok ang sambayanang Pilipino sa larawan ng napakarangyang pamumuhay ng mga politiko, habang ang marami sa atin ay nalulubog lang lalo sa kahirapan. Walang makabuluhang pagtataas ng sahod para sa mga manggagawa. Hinahagupit tayo ng halos arawang pagsirit ng presyo ng mga pangunahing bilihin, kabilang na ang bigas at langis. Nakaasa tayo sa imported na mga produktong bigas, karne, at iba pa, pinababa nang pinababa ang taripa habang ang mga lokal na magsasaka’y walang subsidiyo o suportang pang-agrikultura at patuloy na inaagawan ng lupang sakahan. Kinakalbo ang mga kabundukan at sinisira ang mga lupang ninuno ng mga katutubo para sa mga pampribado at makasariling interes ng mga burukrata kapitalista at mga padron nila.
Walang maayos na serbisyong sosyal para sa mamamayan mula edukasyon, pangkalahatang transportasyon, kalusugan, kahit maayos na suplay ng tubig at kuryente. Isinapribado ang marami sa mga serbisyong ito para ibigay sa mga pinapaborang malalaking negosyo sa kapinsalaan ng mga ordinaryong Pilipino. Pinapasan na nga natin ang mabibigat at arawang pagbubuwis, binabayaran pa natin ang mga serbisyong dapat ay nakukuha natin nang libre.
Sa nakalipas na taon, ipinakita nating mga mamamayang Pilipino ang kahandaan nating tumindig at lumaban. Sa kabila ng panggigipit at paggamit ng dahas ng reaksiyonaryong gobyerno, hindi nagpatinag ang mamamayang Pilipino upang isulong ang ating demokratikong karapatan at kahilingan.
Pinagpupugayan natin ang masang Pilipino na militante at matapang na nanindigan laban sa korupsiyon. Ang mga manggagawang nagsagawa ng mga strike at protesta upang paralisahin ang kanilang mga pabrika at ipanawagan ang kanilang karapatan sa mas mataas na sahod, benepisyo, at igiit ang karapatan sa pag-uunyon. Ang mga maralita na nagprotesta rin sa mga komunidad para sa kabuhayan at serbisyong panlipunan. Ang mga OFW na kahit nasa ibang bansa ay kumilos para sa kanilang nakabubuhay na sahod at proteksyon mula sa abuso at pagsasamantala. Ang mga kabataang nag-walkout sa kanilang mga klase, iniwan ang mga klasrum para matuto mula sa malawak na klasrum ng lansangan. Higit sa lahat, pinagpupugayan natin ang mga pulang mandirigma ng New People’s Army na patuloy na nagsusulong ng armadong pakikibaka sa kanayunan para ipunla ang mga binhi ng tunay na demokratikong gobyerno ng mamamayan. Gayundin ang mga kadre at aktibista ng Partido na piniling tuluyang iwan ang kanilang komportableng pamumuhay para ialay ng buong-buo ang kanilang oras at buhay para sa rebolusyonaryong adhikain.
Sa patuloy na pagtindi ng krisis at pagkakalantad ng bulok na sistemang ito, hinihimok namin ang lahat ng nakakasaksi ng aming protesta na sumapi sa mga rebolusyonaryong unyon at organisasyon, at itaguyod ang demokratikong rebolusyong bayan para sa ganap na pagpapalaya sa lipunang Pilipino! Hindi sasapat ang simpleng pagpapalit lang ng mukha ng nakaupo sa kasalukuyang gobyerno at pagpapakulong sa mga sangkot. Hanggang naghahari ang mga burukrata kapitalista, ang mga panginoong maylupa, at ang interes ng imperyalistang US sa bansa, walang magandang kinabukasan na naghihintay para sa mamamayang Pilipino!
Ang kailangan nating gawin ay baguhin ang buong sistemang pang-ekonomiya at pampulitika ng bansa. Panahon na para ang pinakaaping sektor, ang alyansa ng manggagawa at magsasaka, ang manguna sa ganap na pag-alpas mula sa kabulukan ng isang mala-kolonyal at mala-pyudal na lipunan. Ang tanging solusyon sa korupsiyon at kahirapan ay ang magrebolusyon!
Kaya naman nananawagan kami sa lahat ng mga manggagawa na bumangon, lumaban at tumayo sa unahan ng pagsusulong ng rebolusyon at pagbabagong panlipunan.Nananawagan din kami sa bawat Pilipino na wakasan na ang korap at bulok na sistema! Isulong natin ang rebolusyonaryong adhikain ng mamamayan sa gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo! Mga manggagawa at mamamayan, tumungo sa kanayunan, sumapi sa New People’s Army at ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan!
Mabuhay ang ika-57 taong anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang New People’s Army!
Mabuhay ang National Democratic Front of the Philippines!
Mabuhay ang sambayanang lumalaban!