Terorismo ng 203rd IBde at 2nd IDPA sa Abra de Ilog sa Bagong Taon, salamin ng kultura ng impyunidad sa bansa
Mariing kinukundena ng ARMAS-TK kaisa ang mga manggagawang pangkultura sa TK ang walang pusong paghahasik ng 203rd IBde ng terorismo at pasismo sa isla ng Mindoro sa unang araw ng 2026. Walang patumanggang nang-istraping at nambomba mula alas-9:30 ng umaga hanggang 12:30 ng hapon ang pinagsanib na pwersa ng 76th IB, 59th IB, 1st IB at 5th SRB sa sibilyang komunidad sa Sitio Mamara, Barangay Cabacao, Abra de Ilog, Occidental Mindoro na nagdulot ng ligalig, takot at pangamba sa mga residente nito.
Malinaw na walang pakialam ang reaksyunaryo at mersenaryong Armed Forces of the Philippines kahit madamay ang mga sibilyan at mga ari-arian sa paggamit ng sobra-sobrang bilang ng tropa, bala, bomba at helicopter sa mga komunidad para tugisin diumano ang NPA. Ang totoo, ginagawang tabing ng AFP-PNP ang mga ito para direktang atakehin ang mamamayang lumalaban sa gubyerno na nagpapahayag ng kanilang lehitimong karaingan at disgusto sa pamamalakad ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas.
Sa nangyaring pambobomba at istraping sa Abra de Ilog, tahasang nilabag ng AFP at GRP sa pamumuno ng commander-in-chief na si Marcos Jr. ang mga karapatang tao na nakasaad sa International Humanitarian Law at Additional Protocols I and II to the Geneva Conventions of 12 August 1949:
Additional Protocol I
- Article 51 — Protection of the civilian population
- Article 52 — General protection of civilian objects
- Article 57 — Precautions in attack
- Article 58 — Precautions against the effects of attacks
Additional Protocol II
- Article 13 — Protection of the civilian population
- Article 14 — Protection of objects indispensable to the survival of the civilian population
Mula sa mga paglabag na ito, dapat usigin at papanagutin ang 203rd Brigade at 2nd IDPA para papanagutin sa mga paglabag sa karapatan ng sibilyan at internasyunal na makataong batas.
Sinasalamin ng mga paglabag na ito ang terorismo ng estado sa mamamayan at ang kultura ng impyunidad na pangunahing umiiral ngayon sa bansa. Ang mga batas na ito ay malaon nang nilalabag ng GRP at ng AFP-PNP. Kalokohan at buladas lamang ang ipinagmamalaki ni Gen. Brawner na “disiplinadong AFP” dahil sa isip at gawi nila, nilalapastangan at niyuyurakan nila ang karapatan ng mamamayan sa kumpas ng imperyalismong US at dikta ng mga uring malalaking kumprador-panginoong maylupa at burukratang kapitalista.
Kinagawian na sa napakahabang panahon ng mga kumand sa operasyon ng AFP-PNP ang pagmamalabis sa kanilang mga operasyon sa puntong sinasalakay maging ang buhay at kabuhayan ng mga inosenteng sibilyan. Milyong piso ang ginagastos nila sa pagpapalipad ng mga sasakyang pandigma, pag-ubos ng mga balang ipinuputok, panganganyon at pambobomba mula sa himpapawid laban sa mga lakad at de-ripleng yunit ng NPA. Sa mas maraming pagkakataon, sibilyang populasyon ang kanilang napipinsala. Ang paggamit ng ganitong tipo at antas ng pakikidigma ay labag sa batas ng proporsyunalidad sa digmaan kaya maituturing na overkill sa mga tinatarget nitong kalaban. Namimihasa ang mga pulpol at utak-pulburang mga heneral at opisyal ng gubyerno na lumabag nang lumabag sa batas sa digma kahit pa sa reaksyunaryong Konstitusyon ng 1987 dahil mismong ang reaksyunaryong Korte Suprema, kasabwat ang iba pang mga lokal na korte at ahensya ang nagtatakip at pumoprotekta sa kanilang mga karumaldumal na krimen.
Nilalabusaw ng estado ang puno’t dulo ng armadong tunggalian at ang makatuwirang demokratikong karaingan ng rebolusyonaryong mamamayang Pilipino. Pinalulutang nito na porma lamang ng “violent extremism” ang makatarungang paglaban. Hindi katanggap-tanggap na walang pag-iingat na ikabit ang “extremismo” o “terorismo” sa pambansa-demokratikong rebolusyon dahil una sa lahat, tunay na kalayaan at demokrasya ang ultimong layon nito, kaakibat ang pagkamit sa pagbabago at hustisyang panlipunan.
Sa desperasyong idemonisa ang rebolusyonaryong kilusan, ipinipinta ng rehimeng US-Marcos II ang Komunismo sa masamang paraan at ikinakabit ang demokratikong hiling ng mamamayan sa pagiging Komunista. Anong husay ba ang bitbit ng isang sistema ng lipunan na namamayani sa kasalukuyan? Anong dulot ng imperyalismo sa mga bayan tulad ng Pilipinas na malakolonyal at malapyudal? Hindi ba’t ito ang puno at dulo ng henosidyo, karahasan at walang tigil na pagyurak sa karapatan ng mamamayan?
Sa isang lipunan kung saan namamayani ang karahasan at kalupitan ng estado, lehitimong karapatan ng mamamayan na mag-aklas. At sa huling kaganapan sa Abra de Ilog, pangitang pangita ang katotohanang ito. Mismong ang reaksyunaryong estado tulad ng GRP ang lumilikha ng kondisyon para mag-armas ang kanyang mamamayan para makaalpas sa kahirapan at kagutuman.
Ito ang dahilan ng masang magsasaka, manggagawa, kabataan at panggitnang pwersa na iniaalay ang kanilang lakas at talino sa armadong paglaban at pinipili ang mahirap, masakripisyo at buwis-buhay na landas.
Nararapat dakilain ang pag-aalay ng buhay ni Jerlyn Rose Doydora sa pagpili sa panig ng nakararami—ng inaapi at pinagsasamantalahang masang anakpawis. Nasawi siya sa sakit sa kurso ng pag-atras habang binobomba at iniistraping ng AFP ang mga sibilyang komunidad at bukid sa Abra de Ilog.
Nasawi si Jerlyn na buong tapang at kapangahasang piniling tunghayan ang tunay na kalagayan ng masang magsasaka sa piling ng NPA na nakikipagkonsultahan at inaaral ang buhay at kabuhayan ng mga katutubong Mangyan-Iraya at magsasakang Mindoreño na hindi inaabot ng mga serbisyong panlipunan ng reaksyunaryong gubyerno. Kasabay ng paglalantad sa mga krimen sa digma at sa mamamayang Pilipino, dapat singilin ang rehimeng US-Marcos II at mga kumand sa operasyon at heneral ng AFP na sangkot sa paghahasik ng terorismo sa insidente noong Enero 1 sa Abra de Ilog.
Dapat itaguyod ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa pagtatagumpay nito upang itatag ang isang gubyernong tunay na maglilingkod sa interes ng taumbayan at magbubunsod ng tunay na kapayapaan, kalayaan at hustisyang panlipunan.