Pahayag

Todo-gyera, maramihang pagpapasuko, ipagpapatuloy ng bagong kumander ng 802nd IBde

Ang pangako ng bagong kumander ng 802nd Infantry Brigade na si Brig. Gen. Pompeyo Jason Almagro na ipagpapatuloy ang mga “nakamit” ng mga sinundan niyang punong pasista sa militar, ay walang ibang ibig-sabihin kundi pagpapatuloy ng pasistang terorismo laban sa mga magsasaka sa Leyte at timog ng Samar. Wala pang isang linggo nang maupo sa pwesto, agad na nitong ipinagmalaki ang armadong labanan sa pagitan ng militar ng BHB sa Jaro, Leyte, taliwas sa sinasabi niyang mapayapang paggapi sa insurhensya.

Ang ipinagmamalaki ni Almagro na “collaborative governance” ay pambabraso sa sibilyang gubyerno at sa mga ordinaryong mamamayan na lumahok sa programang kontra-insurhensya, ipagkanulo ang kapwa nilang magsasaka, at magsunud-sunuran sa militar, habang hinahayaan ang mga kapitalista at panginoong maylupa na agawin ang kanilang lupa at dambungin ang kalikasan.

Ang sinasabi niyang Project Ultimatum, kung saan gagantimpalaan umano ang mga grupo ng “rebelde” na susuko, ay walang ibang ibig sabihin kundi maramihan at sapilitang pagpapasuko sa mga inosenteng magsasaka at mas matinding saywar, pagbabanta at pananakot, dahil naghahabol siya at ang iba pang tulad niyang kumander ng sariling kota at kurakot, tulad ng matagal na nilang ginagawa sa SBDP at E-CLIP.

Kabuktutan lang mula sa pinakailaliman ng impyerno ang magtutulak sa mga tulad ni Almagro na ipagmalaki ang pagkakabuwag ng mga larangang gerilya ng BHB sa Mindanao. Alam ng lahat na nangangahulugan lang ito na isinagawa ng pinanggalingan niyang 1st Infantry Division ang pinakamatinding karahasan, pamamaslang, panggigipit at paglabag sa karapatan ng mga magsasaka.

Ang hindi kailanman mapagtatanto ng mga tulad niya ay hangga’t may pang-aapi at pagsasamantala, hindi lubos na magagapi ang armadong paglaban ng mamamayan. Marami nang pasista ang namuno sa 802nd IBde, at bawat isa sa kanila ay nagsabing matatapos nila ang armadong pakikibaka ng BHB. Lahat sila ay pawang nabigo. Patuloy na magpupunyagi ang malawak na masa na ipaglaban ang isang makatarungang bukas, nang mahigpit na katuwang ang kanilang hukbong bayan.

Todo-gyera, maramihang pagpapasuko, ipagpapatuloy ng bagong kumander ng 802nd IBde