Pahayag

Todo-gyera ng 802nd IBde sa Leyte, binibigo ng BHB

Sa pagretiro kamakailan ng kumander ng 802nd Infantry Brigade na si Brig. Gen. Noel Vestuir, pinabaunan siya ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ng magkasunod na taktikal na opensiba laban sa mga pasistang tropa sa Javier at Jaro, Leyte. Patunay ito na bigo ang todo-gyera ng 802nd IBde sa isla na supilin ang armadong paglaban ng mamamayan sa pasismo ng militar, na nagtataguyod sa pang-aapi at pananamantala sa masa.

Mula Enero, hindi bababa sa 99 barangay sa 15 munisipalidad (kabilang ang dalawang syudad) sa isla ang sinalanta ng operasyong militar ng 802nd IBde. Kinasangkapan para rito ang 14th IB at 93rd IB, kasama ang iba pang armadong pwersa ng estado tulad ng 8th CMO Battalion at PNP.

Sa prubinsya ng Leyte, 10 bayan ang sinaklaw ng mga operasyong militar. Kabilang dito ang Baybay City na noong Pebrero lang ay idineklarang nakapailalim sa Stable Internal Peace and Security Condition (SIPSC). Noong Setyembre, sapilitang pinauwi ng militar sa baryo ang mga residente ng Igang at Hilapnitan, Baybay City kahit na abala ang mga ito na maghanapbuhay sa bukirin. Ipinataw naman ang hamlet o “lockdown” sa Barangay Caraye, Javier.

Sa Southern Leyte, limang bayan ang naging target ng operasyong militar, kabilang ang Saint Bernard na idineklarang SIPSC noong Marso. Malinaw na arbitraryo at hungkag ang mga deklarasyong SIPSC.

Tuwing nasa baryo, tuluy-tuloy na tinatakot ng mga sundalo ang masa. Ipinatatawag sa asembleya ang mga tagabaryo. Nagsisinungaling sila at tinatakot ang masa na kahit magbigay lang ng asin o bigas sa BHB ay maaari na silang ikulong habambuhay. Sapilitan ding pinasusuko ang mga baril ng mga nangangaso na ginagamit panghanapbuhay.

Mula pa noong Agosto 15 humhambalos ang sustenidong focused military operations ng 14th IB at 93rd IB sa mga bayan ng MacArthur, Javier, Abuyog, Mahaplag, Albuera, Ormoc City at Baybay City. Sinaklaw na rin ng operasyon ang mga bayan ng Jaro, Carigara, Burauen at Sogod sa Southern Leyte. Sa kabila nito, matagumpay pa ring nailunsad ng BHB ang mga opensiba sa tulong ng masa.

Pasismo sa ngalan ng pananamantala

Ang todo-gyera ng 802nd IBde sa isla ng Leyte ay layong panatilihin ang hikahos na kalagayan ng mamamayan. Ang ipinagmamalaki nitong “kapayapaan” ay ang tuluy-tuloy na pananamantala ng malalaking burgesya na siya ring matataas na upisyal ng reaksyunaryong gubyerno.

Walang tunay na kapayapaan at kaunlaran para sa mga Leyteño. Sa datos mismo ng gubyerno, mula 2015 hanggang 2023 ay hindi na nawala ang prubinsya ng Leyte sa 10 lalawigan sa bansa na may pinakamaraming mahihirap. Matapos ang deklarasyon ng 8th Infantry Division noong 2015 na 25 na bayan nito ay “wala nang rebelde,” wala pa ring kaunlarang dumating sa mamamayan.

Habang naghihirap ang mamamayan, yumayaman ang iilang dinastiya. Pinakapoderoso sa prubinsya ang pamilya Romualdez na kamag-anak ni Ferdinand Marcos Jr. Bukod sa hawak ng angkan ang mga pusisyon sa distrito, party-list, at sa syudad ng Tacloban, hawak din ni Martin Romualdez ang karamihan sa mga kandidato sa rehiyon na manalo sa nakaraang eleksyon sa ilalim ng partidong Lakas-CMD. Hindi na nakapagtataka na naglipana sa prubinsya ang mga flood control project na napatunayang palabigasan ng korapsyon.

Pinagkakitaan naman ng pamilya Mercado ang kanilang balwarte na Southern Leyte. Sa pag-upo ni Roger Mercado bilang kalihim ng DPWH noong 2021-2022, milyun-milyong pisong kontrata ang iginawad ng ahensya sa kumpanya na pagmamay-ari ng mga tiwaling kontraktor na sina Sarah at Curlee Discaya.

Liban pa sa mga dinastiya, namamayani rin sa prubinsya ang negosyanteng si Ramon Ang. Sa nakaraang eleksyon, 43% ng nanalong kandidato sa Leyte ay tumakbo sa ilalim ng kanyang partido na Nationalist People’s Coalition.

Todo-gyera ng 802nd IBde sa Leyte, binibigo ng BHB