Pahayag

Tulad ni Ka Joma, pag-aralan at mapangahas nating isulong ang digmang bayan!

Ipinapaabot ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan sa Eastern Visayas ang taas-kamaong pagpupugay at pasasalamat kay Kasamang Jose Maria Sison, tagapangulong tagapagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas, dakilang komunistang guro at tagapagtatag ng BHB, sa ikatlong taong anibersaryo ng kanyang pagpanaw.

Sa nakaraang mahigit limang dekada, ang mga sulatin ni Ka Joma ay nagsisilbing gabay sa di-mabilang na kadre ng Partido, mga Pulang kumander at mandirigma, at kahit ng ordinaryong masa sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan sa balangkas ng matagalang digmang bayan. Patuloy itong gumagampan ng mahalagang papel para higit na mapanday ang Partido at Hukbo sa ideolohiya, pulitika at organisasyon, na lubhang kailangan para sa tuluy-tuloy na pagsusulong ng rebolusyonaryong pakikibaka laban sa lahat ng reaksyon.

Bunga ng makauring pagsusuri ni Ka Joma sa lipunang Pilipino, natukoy niya ang mga pwersa na makakapagsulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Ipinakita niya ang susing pamumuno ng proletaryado sa pamamagitan ng Partido sa rebolusyon, ang susing papel ng uring magsasaka na siyang bumubuo sa pinakamalaking bahagdan ng populasyon at siyang bubuo sa bulto ng hukbong bayan, at ang pagkabig sa maliit at panggitnang burgesya laban sa pinakareaksyunaryong paksyon ng naghaharing-uri sa bansa kasama ang imperyalismong US. Ito ang materyal na batayan ng estratehiya at taktika ng demokratikong rebolusyong bayan.

Sa akda niyang “Mga Partikular na Katangian ng Ating Digmang Bayan,” ipinamalas ni Ka Joma ang paggamit sa MLM para mahusay na lagumin ang mga panimulang karanasan ng kasisibol pa lamang na BHB, na noo’y nagsimula sa halos wala. Ipinakita niya kung paano maaaring magkaroon ang mamamayan ng isang rebolusyonaryong armadong pwersa na epektibong makikipaglaban sa AFP, isang mas malaki ngunit mersenaryong pwersa ng estado, at kung paanong ang rebolusyon ay maaaring mag-ipon ng lakas, paunti-unting mabago ang timbangan nito, at kalaunan ganap na magapi ang kaaway. Ipinakita niya kung paanong ang mga partikular na katangian ng inilulunsad nating digmaan—tulad ng pagiging pulu-pulo at bukirin ng bansa at pamalagiang krisis ng sistemang malakolonyal at malapyudal—ay mga bentahe para maisulong ang digmang bayan.

Ang mga ginintuang aral na ito ay lalong napagtibay sa panahong naabot ng BHB ang pambansang saklaw, napabagsak ng mamamayan ang pasistang diktadurang Marcos, at sa pagbigo nito sa mga kontra-rebolusyonaryong oplan ng mga sususnod na pseudo-demokratikong rehimen. Ang patuloy na pamamayani ng Partido, BHB at rebolusyon ay buhay na patunay ng kawastuhan ng mga turo ni Ka Joma.

Ang mga turo ni Ka Joma ay nagbibigay pag-asa sa milyun-milyong rebolusyonaryo sa Pilipinas at sa buong mundo. Ang nakamit na mga tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan ng sambayanang Pilipino ay nagsisilbing ambag at maningning na halimbawa para tularan ng ibang malakolonyal at malapyudal na bansa na uhaw na uhaw sa rebolusyonaryong pagbabago.

Sa paggunita natin kay Ka Joma, pagtibayin natin ang ating paninindigan sa kawastuhan ng rebolusyonaryong pakikibaka para sa pagpapalaya sa sambayanan. Kaalinsabay, ipinapakita ng ating karanasan na ang pagsulong ng digmang bayan ay nangangailangan ng tuluy-tuloy at masigasig na pag-aaral sa MLM, at ang pagsanib nito sa ating kongkretong kalagayan.

Sa pagsusulong natin sa kasalukuyang kilusang pagwawasto, magsikap tayong lahat na maging mahusay na mag-aaral ng MLM, tulad ni Ka Joma!

Tulad ni Ka Joma, pag-aralan at mapangahas nating isulong ang digmang bayan!