Pahayag

Tuloy-tuloy ang mga labanan ng NPA at sundalo sa Quezon

Noong ika-2 ng Agosto, alas-7:30 ng gabi, pinagbabaril ng isang yunit ng Apolonio Mendoza Command (AMC)-NPA ang bagong tayo na kampo militar ng 85th IBPA sa Barangay Cogorin Ibaba, Lopez sa probinsya ng Quezon.

Nagkaroon naman ng labanan sa Tagkawayan noong araw rin ng Agosto 2, 10:25 ng umaga. Nasawi sa naturang labanan si Sandy “Ka Tau/Ino” Broncano.

Noong parehong araw, 5:38 ng hapon, nagsagawa ng aerial shelling at strafing ang 201st IBde sa kagubatang boundary ng Tagkawayan, Quezon at Labo, Camarines Norte.

Maaalala noong Abril, umabot sa 1 batalyon ng kumbinasyong pwersa ng AFP-PNP-CAFGU mula sa 85IBPA, 16IBPA at 81IBPA ang dumagan sa mga barangay ng Cogorin, Sta. Rosa at Sto. Niño sa bayan ng Lopez sa tangkang pagdurog sa yunit ng NPA.

Ayon sa NPA sa lalawigan, ang mga naturang pangyayari ay nagpapasubali sa ipinagmamalaki ng 201st IBde, mga lokal na pamahalaan, at provincial government na insurgency-free ang Quezon at may status na Stable Internal Peace and Security (SIPS). Lalo nitong pinabubulaanan ang deklarasyon ilang araw pa lamang ang nakalipas ni Bongbong Marcos Jr noong ikaapat na SONA, na “sa wakas ay wala nang nalalabing grupong gerilya, at wala nang mabubuong muli sa bansa.”

Sa pahayag ni Ka Cleo del Mundo, tagapagsalita ng AMC-NPA Quezon, “Ang malalim na nakaugat na rebolusyunaryong tradisyon ay hindi mabubunot ng kahit gaano kalupit na operasyong pagsupil ng AFP-PNP. Matibay na naninindigan ang NPA sa Quezon na hindi sila nawala at patuloy na tinatangkilik ng masang magsasaka at katutubo, at ito ang katotohanan maging sa buong rehiyong Timog Katagalugan.”

Dagdag pa niya, “Walang kabuluhan ang mga deklarasyong insurgency-free at SIPS ng 201st IBde at ni Gov. Helen Tan, lalo na ang deklarasyon ni BBM. Hangga’t nananatiling huwad ang repormang agraryo at ang limpak-limpak na pondo ay inilalaan sa mga operasyong pagsupil, matabang lupa ang kanayunan sa paglago ng gerang magbubukid at patuloy na pagsibol ng pag-aalsa ng maralita sa kanayunan ng buong bansa.”

Tuloy-tuloy ang mga labanan ng NPA at sundalo sa Quezon