Pahayag

Tumututol ang mamamayan ng Cagayan Valley na magamit bilang pambala sa kanyon para sa digmang agresyon ng imperyalistang US

,

Nakikiisa ang National Democratic Front of the Philippines sa Cagayan Valley sa lahat ng anti-imperyalistang pwersa at mamamayan sa lahat ng panig ng mundo sa pagkundena sa pagpapaigting ng digmang agresyon ng US-Israel sa Iran. Iginigiit namin ang soberanya ng lahat ng bansa at ang pagkilala sa karapatang pantao at internasyunal na batas. Sa Cagayan Valley, iginigiit namin ang aming pagtutol sa pagtatayo ng mga EDCA site at paggamit sa aming teritoryo bilang lunsaran ng digma at ang aming mamamayan na pambala sa kanyon ng mga imperyalistang digma ng imperyalistang US.

Ang pagpapaigting ng atakeng militar ng US-Israel laban sa Iran na muling bumugso noong Pebrero 28 ay nagtulak sa pagganti ng Iran upang depensahan ang mamamayan at soberanya nito. Pinupuntirya ngayon ng Iran ang mga base militar ng US sa Bahrain, Kuwait, Qatar at sa United Arab Emirates.

Itong pambobomba at pananalakay ng US at Israel sa Iran ay malinaw na labag sa international law at tahasang pagyurak sa soberanya ng Iran. Ikinakatwiran ng US at Israel ang kanilang atake sa paglubid ng alegasyon na ang Iran ay nagpapaunlad ng mga armas nukleyar kahit walang natagpuang ebidensya ang United Nations dito. Sa kabila ng nagaganap na diplomatikong usapan hinggil dito, pinili pa rin ng US na paigtingin ang tensyon sa pamamagitan ng patraydor na atakeng militar. Ang pag-udyok ni US President Trump ng “regime change” ay naglalantad ng tunay na layunin nito na agawin ang rekursong langis at palakasin ang imperyalistang dominasyon nito sa Middle East.

Malinaw na walang pakialam ang imperyalistang US at ang papet nitong Zionistang estado ng Israel sa mga nawawasak na buhay at kabuhayan ng mamamayan sa Middle East. Sa kasalukuyan, umakyat na sa libo-libo ang mga kaswalting sibilyan na nasawi at nasugatan hindi lang sa Iran, kundi maging sa iba pang estado ng Gulpo kung saan may mga base militar ng US. Sa gitna ng ganitong pang-uudyok sa gera ng US, ang akomodasyon ng mga base militar nito ay maliwanag na naghahatid ng panganib at pagdurusa ng mga mamamayan sa mga bansang ito.

Itong huling pag-uulit ng gyera ng US sa Iran ay nagpapatampok sa kagyat na panganib ng Pilipinas sa pagtanggap ng mga base militar, tropa, misayl at iba pang kagamitang pandigma ng US sa gitna ng tumitinding tensyon sa pagitan nila ng China. Habang nadadagdagan ang presensyang militar ng US sa Pilipinas, kagaya ng ginagawa nito sa Middle East at iba pang bansa, mas natatali ang mamamayang Pilipino sa mga kapritso at pakanang gyera ng US at kaniyang mga papet na naghaharing rehimen.

Para sa US, ang Pilipinas ay isa lamang barkong pandigmang hindi mailulubog. Sa tulong at pagpapakatuta ng rehimeng Marcos Jr. at mga nagdaang papet na rehimen, ginagamit ng US ang Pilipinas bilang bahagi ng “first island chain” ng mga alyadong estado at mga tuta nito upang pigilan ang lumalaking kapangyarihan ng China na imperyalistang karibal nito. Mula 2022, marami nang napirmahang kasunduang militar si Marcos Jr sa US at kanilang mga alyado upang lalo pang pagtibayin ang legalidad ng kanilang presensyang militar at walang limitasyon at libreng paggamit sa mga teritoryong pandagat, lupa, himpapawid at maging mga rekurso ng Pilipinas. Kabilang sa mga kasunduang ito ay ang pagpapalawak ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na pinirmahan noong Pebrero 2023, na nagdadagdag sa siyam na estratehikong lokasyong militar ng US sa Pilipinas, na kinabibilangan ng mga prubinsya ng Cagayan, Isabela at Palawan.

Sa bisa ng mga kasunduang ito, kinumpirma at inanunsyo kamakailan ng US ang pagpapalawak ng kanilang rotational forces o nagsasalitang pwersa sa Pilipinas, gayundin ang pagdeploy ng iba pang kagamitang pandigma, kabilang ang mga missile systems na may kakayanang maglunsad ng atake sa China mula sa Pilipinas. Ang 500 na joint military activities na inanunsyo para sa 2026 ay dagdag na namang agresibong aksyon ng US upang udyukin ang China at ilatag ang entablado para sa paglulunsad ng imperyalistang gera sa Asia-Pacific upang muling igiit ang hegemonya nito sa rehiyon.

Ang nangyayaring digmaan sa pagitan ng US-Israel at Iran ay nagpapatampok sa panganib ng pagkakaroon ng tatlong EDCA site at iba pang pasilidad militar ng US sa Cagayan Valley. Ang mga ito ay sa Naval Base Camilo Osias sa Sta. Ana, Cagayan; Cagayan North International Airport sa Lal-lo, Cagayan at sa Camp Melchor de la Cruz sa Gamu, Isabela. Malinaw na itong mga EDCA site sa rehiyon ay nailatag sa palusot ng “panganib ng China.” At mula noong 2018, ang mga tropa ng US ay nagtatatag na ng pasilidad militar sa Mavulis Island sa Batanes. Sa isla na ito, na nasa pinakadulong hilaga ng Pilipinas ay itinayo ang istasyong nabal, pantalan at helipad ng US. Gayundin sa mga isla ng Calayan at Fuga sa prubinsya ng Cagayan, ginagamit ng US ang mga pasilidad ng AFP dito.

Mahalaga ang papel ng Cagayan Valley ng Pilipinas sa pagpapalakas ng kapabilidad militar ng US sa Asia-Pacific dahil sa heyograpikong kalapitan nito sa mainland China at Taiwan. Ang Luzon Strait, na bahagi ng teritoryong dagat ng Cagayan na nag-uugnay sa Pilipinas at Taiwan ay isang mahalagang ruta sa kalakal at militar.

Ito ang dahilan ng pagtatatag ng tatlong EDCA site sa rehiyon, ang tuloy-tuloy na pag-iistasyon ng pwersang militar ng US na nagsasagawa ng walang ampat na ehersisyong militar at pagpoposisyon ng malalakas na kagamitang pangdigma at pasilidad militar sa pinakadulong bahagi ng Luzon, na nagsisilbing lunsaran ng napipintong gyera nito sa China.

Noong 2024, ang Typhon missile launcher na unang ipinuwesto sa Laoag Airport sa Ilocos Norte ay pinakamalamang na inilipat sa Bashi Channel, isang lagusan na bahagi ng Luzon Strait na nagkokonekta sa Mavulis Island at sa Orchid Island ng Taiwan. Ang Bashi Channel ay nagsisilbing mahalagang ruta ng mga barko ng US na dumadaan mula sa Pacific Ocean patungo sa South China Sea. Nakalagay din sa Bashi Channel ang mga komunikasyong pangmilitar na nagkokonekta sa South Asia sa iba pang bansa. Ang NMESIS (Navy Marine Expeditionary Ship Interdiction System) anti-ship missile launchers ay inistasyon din sa Cagayan North International Airport, sa Batan Island at iba pang isla ng Batanes.
Sa utos ng US, inatasan ng AFP ang Northern Luzon Command na paigtingin at palawakin ang mga operasyon nito lagpas sa pinakadulong hilagang isla ng Pilipinas para umano maghanda sa “posibleng pananalakay ng Taiwan.” Ang mga operasyong militar na ito ay nasa kumand ng US 3rd Marine Expeditionary Forces at ang Joint US-Philippines Military Advisory Group.

Kaakibat ng mga EDCA site na ito, naglulunsad ang US ng Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR) missions upang takpan ang panganib na idinudulot ng mga base militar na ito sa mamamayan. Sa Batanes, nagtayo ang US at AFP ng HADR warehouse sa bayan ng Itbayat.

Subalit ang mga seryosong banta ng mga base militar at ehersisyong militar ng US ay hindi mapagtatakpan nitong mga mapanlinlang na “humanitarian missions.” Ang mga joint military exercises na naisagawa sa iba’t ibang bahagi ng Cagayan Valley region mula 2021 ay nagdulot ng matindi at laganap na takot at ligalig sa mamamayan. Ang pagdagsa ng libo-libong dayuhang sundalo, daan-daang eroplano at barkong pandigma at mga missile launcher na nagsagawa ng mga live fire exercises at maniobrang pandigma ay nagdulot ng teror at troma sa mga komunidad. Nag-panic buying pa ang mga residente ng Batanes noong 2023 noong nabalitaan nila na papadating ang mga Amerikanong sundalo. Nag-iyakan sa takot at nagsitakbuhan pauwi ang mga batang nag-aaral sa mga jet fighter na lumilipad na napakababa. Ang malalakas na ugong ng mga eroplano at mga putukan ay lumigalig ng todo sa mga tao, maging sa mga hayup. Tunay na pinaniwalaan ng mga residente na ang mga ehersisyong iyon ay papunta sa totoong digma.

Ang kabuhayan ng mamamayan ay labis na naapektuhan lalo na sa mga komunidad ng Claveria, Aparri, Gattaran, Sto. Niño, Baggao, Lasam, Sta. Ana, Calayan Island at Batanes kung saan naisagawa ang mga Balikatan exercises. Pinagbawalan silang mangisda kung saan naipatupad ang mga patakaran sa No Sail Zones at hindi rin nila naasikaso ang kanilang mga bukid at pastulan dahil ginamit din ang mga ito sa mga ehersisyong pandigma.

Bukod pa sa pambubulabog at pamiminsala sa kabuhayan ng mga mamamayan sa Lambak Cagayan, nilalagay nito ang rehiyon bilang pangunahing target ng atake, at nilalagay sa panganib ang mga mamamayan bilang mga “kolateral” sa agresyong militar at pangigyera ng US. Katunayan, aktibong nagrerekrut ang US at AFP kahit sa mga nakatatanda at nakapagpasapi sila ng mahigit isang daan sa tribung Ivatan ng Batanes bilang army reservists na pumailalim sa pagsasanay, upang umano’y harapin ang mga bomba at missile ng China sa oras na pumutok ang gyera na inuupat ng US.

Ang tuloy-tuloy at umiigting na agresyon ng US sa soberanya ng mga bansa sa iba’t ibang bahagi ng mundo at mabigat na epekto ng mga ito ay malinaw na nagpapatunay na ang presensya ng mga base militar ng US sa Pilipinas ay di mapapasubaliang panganib sa buhay ng mamamayang Pilipino. Gaya ng ipinamamalas ng US na kawalang pagpapahalaga sa mga buhay na nawala sa mga malakolonya at kliyenteng estado nito, tungkulin ng mga mamamayan na isigurado na ang kanilang mga bansa ay hindi nakakaladkad sa mga gera ng US.

Naipahayag na ng mamamayan ng Cagayan Valley ang kanilang mariing pagtutol sa pagtatatag ng mga EDCA site at pagsasagawa ng mga ehersisyong pandigma sa rehiyon. Muli nating paalingawngawin ang pagtutol na ito at panagutin ang rehimeng Marcos Jr sa lansakang pagpapakatuta sa US at pagkaladkad sa mamamayang Pilipino sa mga imperyalistang gera nito.

Nananawagan ang NDF-Cagayan Valley na palawakin at palakasin ang ating pagkakaisa at makipagkapitbisig sa mamamayang Pilipino sa pagpapaigting sa mga todong kampanya upang tutulan ang presenyang militar ng US sa Pilipinas, pagpapatigil ng Balikatan at iba pang ehersisyong militar at pagpapawalambisa sa EDCA. Hinihimok at sinusuportahan namin ang lahat ng pagsisikap sa pagtatayo, pagpapalawak at pagpapalakas ng anti-imperyalistang kilusan na tumutuligsa sa mga brutal na gerang agresyon ng US sa iba’t ibang panig ng mundo at upang isigurado na ang rehiyon ng Cagayan Valley at ang buong teritoryo ng Pilipinas ay hindi magagamit sa anumang pang-uudyok ng US sa gera.

Dapat tayong manindigan para sa soberanya ng Pilipinas laban sa imperyalistang giyera ng US sa buong mundo. Higit sa lahat, buong lakas nating isulong ang pambansa demokratikong rebolusyon hanggang sa tagumpay, na siyang ganap na magpapalaya sa mamamayan mula sa kuko ng imperyalismo.
Patalsikin ang imperyalistang US sa Pilipinas!
Tutulan ang imperyalistang gyera ng US! Itigil ang gera sa Iran!
Imperyalistang US, numero unong terorista!
Isulong ang rebolusyonaryong digma para sa pambansang pagpapalaya!

Tumututol ang mamamayan ng Cagayan Valley na magamit bilang pambala sa kanyon para sa digmang agresyon ng imperyalistang US