Tunay na pagbabagong panlipunan, hindi charter change ang solusyon sa suliranin ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino

,

Kaisa ng mamamayang Palaweño at sambayanang Pilipino, ginugunita ng NDFP-Palawan ang pag-aalsang EDSA ng 1986 na nagpatalsik sa pasistang diktador na ama ng kasalukuyang ilehitimo, korap, palpak, papet at pasistang presidenteng Ferdinand Marcos Jr. Napapanahon ngayong gunitain ang isang matagumpay na kolektibong pagkilos ng sambayanang Pilipino sa panahong tila inuulit ng batang Marcos at mistulang hinihigitan pa ang mga krimeng ginawa ng kanyang ama sa labis na pangangayupapa sa imperyalismong US at ambisyong makapanatili sa poder.

Sa gitna ng bumubulusok na kabuhayan ng bansa, garapalan ang pagraratsada ng rehimen sa charter change (chacha) o panukalang pag-amyenda sa reaksyunaryong konstitusyon na buu-buong magbubuyangyang sa likas na yaman at lahat ng rekurso ng bansa sa dayuhang pandarambong. Gamit ang mga hungkag at gasgas na dahilang para ito sa “pagpapabuti ng ekonomya ng bansa at pagpapaunlad ng kabuhayan ng mamamayan,” pinakikilos ng estado ang lahat ng maka-US at mga lokal na tagapagtaguyod ng neoliberal na mga patakaran para impluwensyahan ang publiko at ipatanggap ang kanilang pakana. Mga taktika itong paulit-ulit na ginagamit ng ilang nagpalit-palitang rehimen para pagtakpan ang tunay nilang layunin sa likod ng chacha—ang palawigin ang sarili sa poder at ibayo pang isuko sa pananalasa ng neoliberalisasyon ang pambansang patrimonya at ekonomiya ng bansa.

Sinalubong ang chacha ng malawakang pagtutol, laluna ng mga pwersang makabayan at progresibo. Nagngingitngit sila sa rehimen, laluna ang masang anakpawis, na nagagawa itong atupagin at pagkaabalahan, lalupang laanan ng napakalaking rekurso at pondo ng bayan gayong lugmok sa pagdarahop ang masang Pilipino. Hati rin kahit ang reaksyunaryong mga pwersa at naghaharing-uri sa nais gawin ng rehimeng US-Marcos II. Kitang-kita ito sa lantad na bangayan sa pagitan ng kongreso at senado pero mas ang di nila pagkakasundo’y mauugat pa sa kagustuhang manipulahin ng kongreso na rubberstamp ni Marcos Jr ang paraan ng pag-amyenda sa Konstitusyon. Matapos na lamang malantad at mag-ingay ang iba’t ibang sektor at grupo magbabago ng tindig ang ilang senador at may mga pumoposturang kahanay ng malawak na kilusan laban sa chacha. Pinaka-malisyoso sa lahat ang ginagawang pagsakay ni Rodrigo Duterte sa galit ng taumbayan para humanay sa malawak na kilusan laban sa chacha. Walang kredibidilidad at napakalaking ipokrito ni Duterte sa pagtutol sa chacha dahil pinakana niya rin ito sa kanyang termino para tumagal sa kapangyarihan. Ang totoo, ginagamit ni Duterte ang isyu ng chacha para sipain si Marcos Jr at mga alipures nito sa poder para ipalit ang sarili o ang kanyang anak na si Sara. Nagpapakana din si Duterte ng paghihiwalay ng Mindanao gamit ang mainit na usapin ng chacha.

Pilit pinagtatakpan ng rehimen ang katotohanan at tunay na dahilan ng daantaong pagkalugmok ng kabuhayan ng bansa—ang pagsandig sa at pagkubabaw ng imperyalismong US. Matagal nang nakabuyangyang ang ekonomya ng bansa sa dayuhang pandarambong. Katunaya’y ang Pilipinas ang isa sa mga bansang pinakabukas sa dayuhang pamumuhunan sa mga bansa sa Southeast Asia. Sa kabila ng mga restriksyon ng kasalukuyang reaksyunaryong konstitusyong 1987, nakapagmaniobra ang mga papet    na rehimen para ilusot ang 100% dayuhang pagmamay-ari sa mga ari-arian at negosyo sa Pilipinas. Kauna-unahan ang inilusot ng rehimeng Ramos na Mining Act of 1995 na nagpahintulot sa 100% dayuhang pagmamay-ari ng mga operasyong mina sa bansa sa pamamagitan ng Financial or Technical Assistance Agreements. Pinakahuli ang ginawang pag-amyenda sa Public Services Act ng rehimeng US-Duterte nitong 2022 para pahintulutan ang 100% pagmamay-ari ng dayuhan sa mga paliparan, riles, expressway, pagbabarko at telekomunikasyon. Hindi pa kasama rito ang mga neoliberal na patakarang sinasagisag ng Herrera Law, Wage Rationalization Act, Oil Deregulation Law, Rice Liberalization Law (RLL) at marami pang iba.

Sa Palawan, kawalan ng kabuhayan, pag-agaw sa lupang ninuno at pagkalugmok sa kahirapan ang hatid ng mga batas na ito, kabilang ang RLL na unti-unti ngayong pumapatay sa kabuhayan ng mga magsasaka at pambansang minorya sa probinsya. Sa kabila ng mataas na rice self-sufficiency ng probinsya, bumubulusok ang kabuhayan ng mga magsasaka sa palayan na binabarat ng mga trader sa pagtambak ng mga imported na bigas na dulot ng salot na RLL at napakataas na gastos sa produksyon, huwag nang idagdag pa ang mga natural na kalamidad tulad ng El Niño at La Niña, mga bagyo, baha atbp. Bukod pa rito ang pinsalang hatid sa kapaligiran at kalikasan ng probinsya matapos iratsada ng Mining Act ang mga proyektong mina. Kabilang ito sa mga mayor na dahilan ng pagkakalbo ng mga kagubatan sa Palawan.

Kung ang batayan ng ipinamamarali ng rehimen at mga kakoro nito ay “itutulak ng mas malaking dayuhang pamumuhunan ang ibayong kaunlaran ng bansa”, bakit hanggang ngayon ay mahirap pa rin at lalong lugmok ang ekonomya ng Pilipinas gayong matagal nang nakaasa sa dayuhang pamumuhunan sa bansa? Dahil ang ultimong interes ng imperyalismong US sa Pilipinas ay panatilihing atrasado ang lokal na ekonomya at pigilan ang pag-usbong ng sariling industriya ng Pilipinas para manatiling asa at nakasuso sa ekonomya ng US. Ang mga sektor ng manupaktura at industriya ang isa sa malaking pinaglalaanan ng dayuhang pamumuhunan sa bansa sa nakaraang ilang dekada laluna’t ang sektor ng manupaktura ay nakabukas sa 100% dayuhang pagmamay-ari. Ngunit sa pagbaybay ng Ibon Foundation sa karanasan ng ating bansa, nakita ang padron ng de-industriyalisasyon na lalong malinaw ngayong 2023 kung saan bumagsak ang sektor sa pinakamaliit na bahagi sa ekonomya na 17.9% sa 75 taon. Pinakamaliit din sa kasaysayan ng bansa ang naitala nitong bahagi sa empleyo na 7.3% lamang.

Tunay na ang pundamental na pagbabagong panlipunan at hindi chacha ang solusyon sa daantaong suliranin ng lipunang Pilipino. Ang kawalan ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon at pagpapanatili ng malakolonyal at malapyudal na sistema ang dahilan kung bakit agraryo, atrasado, pre-industriyal at malapyudal ang ekonomya ng Pilipinas at lugmok sa karalitaan ang pinakamalaking bilang ng mamamayang Pilipino. Tanging sa pamamagitan ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon maitataguyod natin ang isang ekonomyang umaasa-sa-sarili at magsisilbi sa interes ng sambayanan. Titiyakin nitong ang sariling kayamanang likas ng bansa at lahat ng pambansang rekurso ay pinakikinabangan ng mamamayan at ipagtatanggol sa pandarambong ng mga dayuhan at mga kasabwat nilang lokal na naghaharing-uri tulad nina Marcos, Duterte, Alvarez at Socrates.

Matapos ang Pag-aalsang EDSA, dakilang aral sa sambayanang Pilipino na bagama’t naibagsak ng sama-samang pagkilos ng sambayanan ang isang pasistang diktador, hindi pundamental na nalutas ang mga saligang suliranin ng lipunang malakolonyal at malapyudal. Sa halip, pinalitan lamang ito ng mukha at nagbabalatkayong demokratikong lider pero ipinagpatuloy rin lamang nito ang mga anti-mamamayan at maka-imperyalistang patakaran sa lahat ng larangan, laluna sa ekonomya. At dahil dito, sa kasalukuyan, 38 taon na ang nakalilipas ay lalong bumagsak ang ekonomya at higit na dumami ang naghihirap na mga Pilipino. Ang tunay na pagbabagong panlipunan ay magaganap lamang sa pamamagitan ng pambansa-demokratikong rebolusyon, sa pamamagitan ng digmang bayan para ibagsak ang    imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo. Sa pagbagsak nito, itatayo ang demokratikong gubyernong bayan na magpapatupad ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon bilang salalayan sa pagtatatag ng sosyalismo na siyang gagarantiya sa tunay na kaunlaran at kasaganaan ng bayang Pilipino.

Dapat pag-ibayuhin ng bayan ang paglaban sa chacha at lahat ng pakana ng rehimeng US-Marcos II, ng pangkating Duterte at kasabwat na mga lokal na naghahari sa Palawan na wasakin at isuko sa imperyalistang interes ang bansang Pilipinas at tuluyan nang pagkaitan ang mga Pilipino. Kailangang magkaisa ang mayorya ng sambayanang Pilipinong inaapi at pinagsasamantalahan upang makahulagpos sa gapos ng karalitaan.#

Tunay na pagbabagong panlipunan, hindi charter change ang solusyon sa suliranin ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino