Pahayag

Tutulan ang $500 milyon ayudang militar ng US

, ,

Ang pangako ng gubyernong US na bibigyan ang gubyernong Marcos ng $500 milyong ayudang militar ay magreresulta sa wala pang kapantay na pagtatambak sa Pilipinas ng pinaglumaang sistema ng armas ng US, na lalong magpapahigpit sa kontrol nito sa rehimeng Marcos at sa Armed Forces of the Philippines.

Malinaw ang layunin nito: pahigpitin lalo ang pagkakatali ng Pilipinas sa estratehiyang heyopulitikal ng US, at gamitin ang bansa bilang kasangkapan sa paghahanda at pang-uupat nito ng gera. Ito ay naaayon sa estratehiya nitong pigilin ang paglago sa ekonomya at militar ng imperyalistang karibal nitong China.

Ang “makasaysayang” pangako, na 12 beses na mas malaki kaysa sa nakaraang taunang pagpopondo ng militar sa Pilipinas, ay ginawa ni US State Sec. Antony Blinken at US Defense Sec. Lloyd Austin sa kanilang pagbisita ngayong araw. Sisiguruhin nito ang pagkakadena ng Pilipinas sa mga interes ng US, anuman ang maging resulta ng halalan sa pagkapangulo sa US sa Nobyembre. Nagbigay din kamakailan ang US ng $500 milyong ayudang militar sa Taiwan, isang direktang pang-uupat sa China.

Sa ilalim ng “foreign military financing” ng US, garapalan nitong idinidikta kung anong mga sistema ng armas ang maaaring “bilhin” ng bansang tatanggap ng pondo. Ito ay isang paraan para mabawasan ang labis na imbentaryo nito ng mga luma o inayos na armas, na direktang pinakikinabangan ng mga kapitalista sa industriya ng armas sa US. Nasa US rin ang karapatang tukuyin kung aling yunit ng militar mapupunta ang mga armas, na halos tuwirang pagdikta at pagkontrol sa sandatahang lakas ng bansang “tatanggap”.

Ang pangakong ayudang militar ng US ay lalong magpapalakas sa terorismo ng estado sa Pilipinas, na magpapalala pa sa laganap na mga pang-aabuso sa karapatang-tao at mga paglabag sa internasyunal na makataong batas na ginagawa ng mga pwersa ng militar at pulis ng Pilipinas sa ilalim ng rehimeng Marcos. Dagdag ito sa planong 6% na dagdag sa badyet sa militar ni Marcos sa 2025 na aabot sa ₱256.5 bilyon ($4.4 bilyon), na sampung beses na mas malaki kaysa sa mapupunta sa National Disaster Risk Reduction Management Fund. Layunin ni Marcos na bumili ng mas maraming bomba, kaysa harapin ang pangangailangang maghanda para sa mga kalamidad.

Nananawagan ang Partido sa sambayanang Pilipino at sa lahat ng kanilang makabayang pwersa na tanggihan ang plano $500 milyong ayudang militar ng US sa Pilipinas. Dapat silang magkaisa upang igiit ang pagpapawalambisa sa Mutual Defense Treaty at iba pang mga kasunduan na nagtatali sa bansa sa mga interes ng US. Dapat nilang palakasin ang kanilang panawagan para sa paglansag sa lahat ng base militar ng US at pag-alis ng mga sandata ng US mula sa bansa.

Tutulan ang $500 milyon ayudang militar ng US