Pahayag

Wakasan ang akomodasyon sa pulitika, itulak si Marcos na panagutin ang mga Duterte sa korapsyon at mga krimen

,

Ang kaliwa’t kanang mga birada kahapon ni Sara Duterte laban kay Marcos ay isang desperadong pagtatangkang ilihis ang pansin sa kanyang dumaraming pananagutang kriminal na nagmula sa garapalang pag-abuso sa daan-daang milyong piso ng pondo ng gobyerno. Pinalalabas niya na “pulitika ang nasa likod” ng isinasagawang mga imbestigasyon sa kanyang katiwalian at pagnanakaw upang bigyang matwid ang tahasan niyang pagtangging sumailalim sa pagdinig at harapin ang malinaw na mga ebidensya.

Ang mga pagbulalas niya ay bahagi ng koordinadong pakana ng mga Duterte. Ilang araw bago nito, ipinahayag ng kaalyado ni Duterte sa Senado, si Bato dela Rosa, ang planong magsagawa ng kanyang sariling imbestigasyon sa mga ekstra-hudisyal na pagpatay, samantalang sila mismo ng kapwa-senador na si Bong Go ay inaakusahang pangunahing kasabwat ni Rodrigo Duterte dito. Malaki sana itong katatawanang palabas, kung hindi lamang tumutol ang ilang mga senador na maging bahagi ng ganoong kalokohan.

Layunin ng pag-iingay ng mga Duterte ang ilihis ang atensyon ng mga Pilipinong humihingi na papanagutin sila sa kanilang mga krimen. Ang mga anomalya na nalalantad sa isang pagdinig sa Kongreso ay sapat na upang simulan ang proseso ng impeachment kay Sara Duterte at para maghain ng mga kaso ng pandarambong at katiwalian laban sa kanya.

Ang mga kriminal na sikreto sa likod ng huwad na gera sa droga ni Duterte na ibinubunyag ng opereytor at dating upisyal ng pulis ni Duterte na si Royina Garma ay dagdag na nagpapalakas sa sigaw ng mga Pilipino na panagutin si Rodrigo Duterte at ang kanyang mga kasabwat sa mga krimen laban sa sangkatauhan, sa pagiging utak sa likod ng malawakan at sistematikong kampanya ng mga ekstra-hudisyal na pagpatay.

Tinutuligsa ng mga Pilipino ang rehimeng Marcos sa walang hiyang akomodasyon sa mga Duterte at sa sadyang pagsagka sa mga pagsisikap na iharap si Duterte sa International Criminal Court. Tahasang binabalewala ni Marcos ang sigaw ng taumbayan para sa katarungan. Tila ayaw ni Marcos na panagutin si Duterte, sa takot na muling sapitin niya at ng kanyang pamilya ang ganoon ding kapalaran.

Wakasan ang akomodasyon sa pulitika, itulak si Marcos na panagutin ang mga Duterte sa korapsyon at mga krimen