Walang ibang laman ang kukote ng pulpol na si Duterte kundi pagpapahirap sa sambayanan

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Kasabay ng muling pagsirit ng mga kaso ng Covid-19 ang pagtindi ng galit ng mamamayan sa walang silbing rehimeng US-Duterte. Sinalubong ang masa ng pinatinding ala-batas militar na restriksyon at panunupil sa tabing ng pandemya. Ipinag-utos ni Duterte ang pag-aresto, pagpapamulta at pagpataw ng iba pang restriksyon at parusa sa mga wala pang bakuna o lumalabag sa quarantine. Ibinabaling niya ang sisi sa mga naturan gayong ang tunay na ugat ng patuloy na pagkalat ng Covid-19 ay ang kapalpakan ng gubyernong magpatupad ng komprehensibong planong pangkalusugan at sosyoekonomiko.

Pinagsasabong ni Duterte ang mga bakunado laban sa mga hindi pa bakunado upang matakasan ang pananagutan. Ang totoo, ang problema ay hindi simpleng usapin ng katigasan ng ulo at layaw ng indibidwal. Hindi ito pagbabangga sa pagitan ng karapatang tao at kapakanan ng nakararami. Ang ugat nito ay ang kawalan ng maayos na sistema sa Covid-19 testing at tracing, napakakupad na pamamahagi ng bakuna at ayuda at kawalan ng akses ng mayorya ng populasyon sa batayang impormasyon at serbisyong pangkalusugan.

Pilit ding isinusubo ni Duterte ang lohikang tanging batas militar ang katugunan sa krisis. Ngunit paano man niya bali-baligtarin, hindi kailanman magiging matinong solusyon ang malawakang pang-aaresto, panunupil at ibayo pang pagkakait sa publiko ng pagkakataong makapaghanapbuhay at iba pang demokratikong interes. Hindi militar at pulis ang kailangan ng mamamayan kundi makabuluhang suporta at ayuda sa harap ng kawalan ng trabaho at pagsirit ng presyo ng mga bilihin, sapat at libreng akses sa bakuna, gamot at serbisyong pangkalusugan.

Maliwanag na ang ultimong layunin ni Duterte ay hindi tugunan ang problema sa pandemya kundi tusong mailusot ang mga dagdag pang paraan upang makapagpalawig ng kapangyarihan at mapanatili ang tiraniya. Sinasakyan niya lamang ang kaguluhan sa pandemya para sa sariling interes. Habang ibinabangga ang usapin ng karapatan sa usaping pangkalusugan at ipinagpipilitan ang batas militar bilang katugunan, nagsisimula nang magpaamoy ang kanyang pangkatin sa senaryo ng no elections. Samantala, ang militar at pulis na ipinakalat sa mga komunidad sa tabing ng Covid-19 response ay abala sa pangangampanya para sa alyansang Marcos-Duterte. Sa pamamagitan ng tinaguriang never-ending community quarantine (NECQ), tinatangkang itali ang kamay ng publiko at pigilan ang paglulunsad ng malalaking kilos-protesta at pagkilos na magpapatalsik sa berdugong tirano.

Dapat maging malinaw sa mamamayan na hindi batas militar ang solusyon sa pandemya. Walang ibang makareresolba rito kundi ang mahusay at komprehensibong balangkas pangkalusugang hindi nakatali sa kapritso ng lokal at dayuhang naghaharing-uri. Ipinapataw ni Duterte ang patung-patong na restriksyon sa pagkilos hindi upang protektahan ang masa mula sa Covid-19 kundi upang pigilan silang ipaglaban ang kanilang mga panawagan. Dapat ding tandaan ng lahat na hindi kapwa naghihikahos ang kalaban at balakid sa tuluyang pag-igpaw mula sa pandemya. Pinagbabangga-bangga lamang ng pahirap na rehimen ang magkakaugnay na kahingian ng taumbayan upang hadlangan ang pagkakaisa at pagsambulat ng kanilang organisadong lakas.

Walang ibang laman ang kukote ng pulpol na si Duterte kundi pagpapahirap sa sambayanan