Pahayag

Walang Phaseout na Makakapigil sa Rebolusyon! Mabuhay ang Ika-57 Anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas!

Ang Pambansang Samahan ng Makabayang Tsuper (PSMT) ay nagpapaabot ng pinakamataas na pagpupugay at militanteng pagbati sa ika-57 anibersaryo ng muling pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas. Sa araw na ito, kinikilala natin ang dakilang ambag ng taliba ng uring manggagawa sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan sa bansa.

Sa kasalukuyan, ang sektor ng transportasyon ay nasa bingit ng tuluyang korporatisasyon sa ilalim ng huwad na modernization program at iba pang neoliberal na patakaran ng reaksyonaryong gobyerno. Lumipas na ang dedlayn sa konsolidasyon ng mga prangkisa ng jeepney, subalit libo-libo pa rin ang kumakaharap sa kawalan ng katiyakan sa kabuhayan at araw-araw na banta ng panggigipit ng estado. 

Ang pakikibaka ng mga manggagawa sa transportasyon ay isa lamang larangan sa mas malawak na digmaan ng mga Pilipino laban sa imperyalismo, pyudalismo, at burukratang kapitalismo. Ang lahat ng sektor ng lipunan ay kumakaharap sa napakababang sahod at kita na hindi makahabol sa sumisirit na implasyon sa bansa. Ang presyo ng langis, bigas, kuryente, at mga pangunahing bilihin ay patuloy na tumataas habang nananatiling barya ang kinikita ng mamaayang Pilipino.

Sa panahong ito ng lumalalim na krisis, mas lumilinaw ang pangangailangan para sa rebolusyonaryong pakikibaka. Kinikilala ng PSMT na tanging sa pamamagitan ng demokratikong rebolusyong bayan, sa pamumuno ng uring manggagawa at ng Partido nito, ang Partido Komunista ng Pilipinas, makakamit ang tunay na paglaya. Napatunayan nang walang patutunguhan ang tanging pagkiling sa parlyamentong landas na nagsisilibing isang bitag na kumokontrol sa mga kilusan at naglilihis sa galit ng taumbayan patungo sa repormismong walang pangil.

Sa gabay ng Partido Komunista ng Pilipinas, patuloy nating maipagpupunyagi ang ating mga naging tagumpay at kasabay nito, mapangingibabawan ang mga naging hamon sa ating kilusan. Sa pamamagitan ng Marxismo-Leninismo-Maoismo bilang ideolohikal na pundasyon, mapapatalas natin ang ating mga pagususri, mawawasto ang mga kahinaan, mapapalakas ang ating paninindigan sa linyang masa, at matitiyak na ang ating rebolusyonaryong praktika ay mahigpit na nakaugat sa kongkretong kalagayan ng mga manggagawa sa transportasyon at ng mamamayang Pilipino.

Sa kabila ng malaking hamon ng korporatisasyon ng pampublikong transportasyon, kailangang lalong manindigan ang mga tsuper at operator. Puspusang mag-organisa sa mga terminal at ruta, maglunsad ng mga masigasig na pakikibakang masa, at pagtibayin ang pagkapit-bisig sa lahat ng sektor ng uring manggagawa, mga magsasaka, at lahat ng inaaping sektor. Ang ating pakikibaka ay bahagi ng mas malaking pakikibaka ng sambayanan para sa pambansang kalayaan at katarungang panlipunan.

Napapanahong agresibong palawakin ang ating hanay. Aktibong palawakin ang militante at rebolusyonaryong hanay ng mga makabayang tsuper lalo na sa hanay ng mga pumaloob sa modernization program. Ipaunawa sa kanila ang bitag ng sistema ng korporatisadong pampublikong transportasyon, ipakita sa kanila ang ating alternatibo, at bumuo ng mga gulugod ng aktibistang masa at rebolusyonaryong tsuper at operator sa loob ng mga kooperatiba at korporasyon. Hikayatin silang lumaban mula sa loob, ihiwalay ang mga tiwaling operator at dilawang lider, at itransporma ang buong kooperatiba bilang isang tunay at militanteng kooperatibang nagsisilbi sa interes ng masang tsuper at operator at nagsusulong ng pambansa-demokratikong pakikibaka at direktang sumusuporta sa armadong pakikibaka.

Anupaman, ang mga tsuper at maliliit na operator sa buong bansa ay nasa mainam na pusisyon ngayon upang mag-ambag sa pagsusulong ng digmang bayan bilang mga pulang mandirigma upang pawiin ang lahat ng ugat ng pagsasamantala sa bansa. Patuloy nating itaas ang kamulatan at diwang rebolusyonaryo ng ating hanay at magpasampa ng mga tsuper at maliliit na operator sa kanayunan para sa patuloy na palakasin at palakihin ang ating Bagong Hukbong Bayan. 

Sa ika-57 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas, muling pinagtitibay ng PSMT ang aming paninindigan sa demokratikong rebolusyong bayan. Humuhugot kami ng inspirasyon sa deka-dekadang pakikibaka ng mga rebolusyonaryong mandirigrma, martir, at mga masang nag-alay ng buhay para sa tunay na demokrasya at kalayaan ng ating bayan.

Sa paglalim ng krisis ng naghaharing sistema, tumatalas ang mga kontradiksyon, lumalaki ang galit ng mamamayan. Ang obhetibong kondisyon para sa rebolusyon ay patuloy na nahihinog. Higit na nangangailangan ang sambayanan ng suhetibong pwersa—ang organisado, mulat, at militanteng masa sa pamumuno ng isang malakas na rebolusyonaryong Partido na ginagabayan ng wastong ideolohiya at estratehiya.

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Walang Phaseout na Makakapigil sa Rebolusyon! Mabuhay ang Ika-57 Anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas!