Imelda Marcos, hinatulan pero nananatiling malaya
Hinatulan ng Sandiganbayan si Imelda Marcos, asawa ng dating diktador na si Ferdinand Marcos, na nagkasala sa pitong kaso ng anomalya at korapsyon noong Nobyembre 9. Sa kabila nito, hindi siya inaresto at sa halip ay pinayagang magpyansa sa halagang P150,000.
Ang desisyon ng Sandiganbayan ay hatol sa sampung isinampang kaso noon pang Disyembre 1991 laban sa mga Marcos. Ang mga kasong ito ay augnay ng pagtatago ng yaman ng mag-asawang Marcos sa kanilang mga pribadong account sa mga bangko sa Switzerland at paggamit ni Imelda ng kanyang pwesto sa gubyerno para sa kanyang sariling kapakinabangan.
Alinsunod sa desisyon, makukulong si Marcos nang anim at isang buwan hanggang labing-isang taon para sa bawat kaso o 42 taon at pitong buwan hanggang 77 taon sa kabuuan. Pinagbawalan din siyang tumakbo bilang pampublikong upisyal.
Ikinalugod ng Partido ang hatol laban kay Marcos pero sinabing “huling-huli” na ito. Tinutugunan nito ang matagal nang hiyaw ng mamamayang Pilipino para parusahan ang mga Marcos sa kanilang mga kasalanan sa bayan. Gayunpaman, 30 taong pinatulog ang kaso sa hukuman, panahong nakaiwas si Imelda Marcos sa kaparusahan. Sa edad na 89, ilang taon na lamang ang natitira para pagsilbihan niya ang sentensya, sakaling ikukulong nga siya.
Sa nagdaang mga taon, bigo ang sunud-sunod na reaksyunaryong rehimen na tugunan ang hinihinging mabilis na katarungan ng sambayanang Pilipino. Pinahintulutan nilang lahat ang antas-antas na pagbabalik ng mga Marcos.
Agad ding kinundena ng mga progresibong organisasyon at organisasyon ng mga biktima ng diktadura ang kawalang-interes ng rehimeng Duterte na ikulong si Marcos. Bitbit ang panawagang “Imelda, Iselda” magkakasunod na protesta ang kanilang inilunsad. Nagrali ang Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law noong Nobyembre 12 sa harap ng Sandiganbayan.
Nagprotesta naman ang mga biktima ng batas militar mula sa Hilagang Luzon noong Nobyembre 14. Naglunsad ng katulad na mga pagkilos sa UP Dilman, University of Sto. Tomas, Far Eastern University at De La Salle University sa araw na iyon.
Bago nito, isang bonfire ang ginawa ng komunidad ng UP Diliman noong Nobyembre 9 para ipagdiwang ang hatol.