Bitak ng alyansang Duterte, lumalalim
Lumalalim ang bitak sa alyansang Duterte-Arroyo-Marcos. Litaw ito sa nagpapatuloy na bangayan ng mga tauhan nito para sa pinakamataas na pusisyon sa Kongreso. Tuwiran nang nakialam si Duterte sa bangayan at inendorso noong Hulyo 8 sina Alan Peter Cayetano at Lord Allan Velasco para magsalitan bilang Speaker. Pero ilang araw pagkatapos nito, taliwas sa inaasahan ni Duterte, hindi pa rin lubos na nagkakaisa ang mga kongresista.
Hanggang sa bisperas ng pagbubukas nito, wala pa sa magkakaribal na kongresista ang nakatitiyak na makukuha nila ang mayoryang boto.
Nang inendorso ni Duterte sina Cayetano at Velasco para magsalitang Speaker, inendorso rin niya bilang pinuno ng mayorya ng kapulungan si Martin Romualdez, ang manok ng bloke ni Arroyo. Nanalo si Cayetano sa pagkuha ng basbas ni Duterte dahil sa kanyang pangakong isusulong ang charter change o cha-cha sa Kongreso. Gayunpaman, marami pa rin ang tutol sa planong iupo siyang Speaker. Una nang tinanggihan ng PDP-Laban ang alok na paghahati ng termino. Hindi rin sang-ayon sa pakanang ito ang tatlo pang bloke sa Kongreso, kabilang ang blokeng binubuo ng magkapatid na Sara at Paolo Duterte.
Bagong pakete, lumang pakana
Nasa likod ng pagpili ni Duterte kay Cayetano ang kanyang todo-todong pangako na isulong ang cha-cha. Sa kabila ng kanyang supermayorya sa nakaraang Kongreso, nabigo si Duterte na iratsada ang pakanang ito dahil sa banggaan ng Senado at Kongreso sa susing mga probisyon na pumapatungkol sa transisyon tungo sa pederal na sistema ng paggugubyerno.
Upang ibwelo ang cha-cha, ibinalot ito ng Inter-Agency Task Force on Federalism and Constitutional Reform sa bagong pekete na nagdidiin sa mga probisyong pang-ekonomya para lalong “ibukas ang ekonomya, nang lahat ay may pag-asa.” Sa ilalim ng islogang ito, tiyak na lalong pang itutulak ang mga patakarang neoliberal na matagal nang hinihingi ng American Chamber of Commerce na ilagay sa konstitusyon ng bansa.
Itinutulak pa rin ng Task Force ang “pederalismo,” pero dahil batid ni Duterte na walang malakas na pagsuporta dito, idineklara niya na “ayaw man ninyo ng pederalismo, baguhin pa rin ninyo ang konstitusyon.” Ayon sa pinuno nitong si Eduardo Año, kalihim ng Department of Interior and Local Government, maaari pang magbago ang direksyon ng cha-cha sa susunod na tatlong taon.
Wala pang detalye ang itinutulak ng Task Force na pagbabago sa konstitusyon. Subalit kung pagbabatayan ang Resolution of Both Houses No. 15 na ipinasa noong Disyembre 2018 sa Kongreso, tiyak na ibayong sasahol ang konstitusyon ng Pilipinas. Nakapaloob dito ang pagtatanggal ng mga probisyong nagbibigay-proteksyon sa interes ng lokal na mga negosyante at mamamayang Pilipino at pagbubukas sa lokal na ekonomya sa mga transnasyunal na korporasyon. Gayundin, binibigyan si Duterte ng kapangyarihang lehislatibo at pagbibigay sa kanya ng solong kapangyarihan ng buong gubyerno. Sa “bagong” konstitusyon ni Duterte, lilimitahan na ang mga karapatan ng mamamayan, at hindi na sila maaaring magpatalsik ng isang nakaupong presidente.
Pambabraso sa pampulitikang oposisyon
Sa gitna ng bangayan ng kanyang mga alyado, tiniyak ni Duterte na hindi makatitindig o makahahamig ng suporta sa Kongreso at iba pang sangay ng estado ang kanyang mga kaaway sa pulitika. Noong Hulyo 18, sinampahan ni Duterte ang oposisyong pulitikal, kabilang ang bise-presidente ng Pilipinas na si Leni Robredo at 35 iba pa, ng kasong sedisyon. Kabilang dito ang mga senador ng LP, mga kandidato ng Otso Diretso (liban kay Mar Roxas), ilang pari at obispo, mga abugado at kanilang mga tagasuporta.
Tinawag ito ng Partido Komunista ng Pilipinas na “panggigipit at pananakot” laban sa pampulitikang oposisyon para magsilbing babala sa mga tututol sa adyenda niyang “cha-cha.” “Basura,” “di kapani-paniwala,” “sukdulang panggigipit at pambabraso”—ito naman ang naging reaksyon ng mga senador at obispong inakusahan ng rehimen ng sedisyon. Ibinatay ang kaso sa lumabas na nakabidyong pahayag ni Peter Advincula (alyas Bikoy) na nagsangkot sa buong pamilya ni Duterte sa iligal na bentahan ng shabu. Malinaw na panggigipit ang layunin ng pagkakaso upang lalupang ipitin at paatrasin ang oposisyon sa paglaban sa kanyang mga pakana. Babala din ang pagkakaso sa mga alyado ni Duterte na nagtatangkang makiisa sa oposisyon. Bago nito, nagpahayag ang LP na “bukas” itong sumali sa supermayoryang bubuuin ni Cayetano sa Kongreso.