Writ of kalikasan, pwersahang pinaatras
PWERSAHANG PINAATRAS NG mga abugado ng rehimeng Duterte noong Hulyo 9 ang nagpetisyong 40 mangingisda ng Masinloc, Zambales at Palawan para sa writ of kalikasan sa West Philippine Sea (WPS).
Nagsampa sa Korte Suprema noong Abril ang naturang mga mangingisda katuwang ang mga abugado ng Integrated Bar of the Philippines ng kaso laban sa paninira ng China sa mga bahura at coral sa WPS. Ang writ of kalikasan ay isang ligal na remedyo para pwersahin ang nakaupong gubyerno na bigyan-proteksyon ang karapatang konstitusyunal ng mga Pilipino para sa isang malusog na kapaligiran alinsunod sa Konstitusyong 1987.
Isinampa ng mga mangingisda ang petisyon para pigilan ang reklamasyong isinasagawa ng China para pagtayuan ng mga istrukturang militar sa karagatan ng Pilipinas. Resulta ng reklamasyon ang malawakang pagkasira ng mga bahura, partikular sa bahaging Zambales at Palawan.
Una nang naglabas ng desisyon ang Korte Suprema pabor sa mga mangingisda noong Mayo. Inutusan nito ang rehimeng Duterte na protektahan ang WPS at gumawa ng mga hakbang upang pigilan ang paglabag sa mga batas pangkalikasan laluna sa eksklusibong sonang pang-ekonomya sa karagatan ng Pilipinas. Ipinahayag ni Chel Diokno, abugado ng mga mangingisda, na pinatunayan ng unang desisyon ng korte na lehitimo ang petisyon ng mga mangingisda. Aniya, ang kanilang pag-atras ay dahil sa panggigipit ng rehimen. Dahil dito, kinansela na ng korte ang pangalawang pagdinig kung saan maghaharap ang mga mangingisda at mga kinatawan ng gubyerno.
Sa pag-atras ng mga mangingisda sa petisyon, tinanggal ng rehimen ang ligal na balakid para sa pandarambong ng China sa karagatan ng Pilipinas.
Samantala, bilang paggunita sa ikatlong taon mula nang magdesisyon ang Arbitral Tribunal pabor sa Pilipinas laban sa China hinggil sa pinag-aagawang West Philippine Sea, daan-daan ang nagmartsa noong Hulyo 12 tungong Chinese Embassy upang kundenahin ang patuloy na panghihimasok ng China sa teritoryong dagat ng bansa.
Ayon sa P1NAS, ang desisyon ng Arbitral Tribunal noong 2016 ay makatutulong sa iba pang mga bansa na labanan ang panghihimasok ng China sa kani-kanilang mga teritoryong dagat. Resulta ng panghihimasok, nakumpleto ng China ang pagtatayo nito ng base militar na sakop ng mga karagatan ng Pilipinas.