Tunay na kalayaan, ipaglaban! Paghahari ni Duterte, wakasan!
Dapat ubos-kayang labanan at wakasan ang paghahari ng pambansang traydor na si Duterte. Kinabukasan ng buong bayan at buhay ng bawat Pilipino ang nakasalang sa patuloy na paninikluhod niya sa mga imperyalistang kapangyarihan.
Mistulang inialay na ni Duterte sa altar ng China ang karagatan at likas yaman ng bansa kapalit ng matatabang kontrata na pinagkakakitaan niya at ng kapwa niyang mga burukratang kapitalista. Sa kabilang panig, lalo pa niyang pinahigpit ang paggamit ng US sa buong Pilipinas bilang malaking base militar nito bilang sukli sa tuluy-tuloy na ayudang militar sa kanyang madugong teroristang gerang “kontra-insurhensiya” at “kontra-droga.”
Dahil sa natatamo niyang pakinabang, bingi si Duterte sa sigaw ng bayan para ipaglaban ang tunay na kalayaan at ipagtanggol ang interes ng bansa sa harap ng nagtutunggaling mga imperyalistang kapangyarihan. Kung mananatili sa poder si Duterte, tiyak na lalong bibigat ang pasan ng Pilipinas na dayuhang dominasyon, lulubha ang kinasasadlakan nitong krisis at titindi ang pasistang pagsupil sa makabayan at demokratikong kilusan.
Ang kalagayan ngayon ng Pilipinas ay mahigpit na nakaugnay sa kasalukuyang kalagayan sa buong mundo na kinatatampukan ng tumitinding tunggalian ng mga imperyalistang kapangyarihan sa ekonomya at kalakalan, diplomasya, pulitika at militar. Habang nagtatagal ang di malutas-lutas na krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista, lalong sisidhi ang mga kontradiksyong ito at lalong titindi ang hambalos nito sa Pilipinas at iba pang mga bansang malakolonya o hindi ganap na malaya.
Nasa gitna ng mga tunggaliang ito ang pangunahing mga imperyalistang kapangyarihan, una na ang imperyalismong US na nananatiling pinakamakapangyarihan sa buong daigdig dahil sa dambuhalang makinaryang militar nito na nakakalat sa buong mundo. Mahigpit na hinahamon ng iba’t ibang imperyalistang kapangyarihan ang paghahari ng US, laluna ng Russia sa larangang militar, at ng China sa larangan ng ekonomya.
Sa desperasyon ng US na mapangibabawan ang internal nitong krisis sa ekonomya, nagkukumahog itong ibalik ang solong paghahari. Nilalabanan ng US ang nabubuong bagong hatian sa mundo (sa usaping militar at pamumuhunan) sa pagitan ng mga imperyalista kung saan nababawasan ang mga larangang dating nasa ilalim ng kanyang kontrol.
Sa kasaysayan, laging mahalaga ang lugar ng Pilipinas sa estratehiyang geopulitikal ng mga imperyalistang bansa. Pinagnanasahan ito ng mga pandaigdigang kapangyarihan dahil nasa gitna ito ng mahahalagang ruta sa kalakalan, laluna sa paroo’t parito mula sa Indian Ocean patungo sa East at Southeast Asia.
Sa nagdaang mahigit isang siglo, ipinataw ng imperyalismong US ang kapangyarihan nito sa Pilipinas, una sa pamamagitan ng tuwirang kolonisasyon at, sa malaon, sa pamamagitan ng di-tuwirang kontrol. Ang mga base militar ng US sa Pilipinas ay ginamit na lunsaran ng mga pwersang militar para sa gerang agresyon mula Vietnam hanggang Middle East, gayundin, para sa pagpapalawak ng merkado para sa mga produktong Amerikano sa Asia, laluna sa China. Halos tatlong dekada na mula nang binaklas ang mga baseng ito, pero nananatiling nakaistasyon ang daan-daang sundalong Amerikano sa Pilipinas at parami nang parami ang mga eksklusibo nilang pasilidad sa loob ng mga kampo ng AFP.
Ang pagkakapailalim ng Pilipinas sa kolonyal at malakolonyal na paghahari ng US ang pinakamalaking balakid sa pag-unlad at pagsulong ng Pilipinas. Ang ekonomya ng Pilipinas ay pinaghaharian ng mga korporasyong Amerikano at dinidiktahan ng USAID, ng IMF-WB at mga bangko at institusyon sa pinansya na hawak ng US.
Lumitaw ang China bilang isang kapitalistang kapangyarihan simula kalagitnaan ng dekada 2000. Ipinang-akit nito ang daan-daang milyong manggagawang mababa ang sahod upang higupin ang produktibong kapital, laluna mula sa US. Hindi nagtagal, babahain ng murang mga kalakal mula sa China ang pandaigdigang merkado. Sa kasalukuyan, binabagabag ang China ng pagbagal ng produksyon dahil sa pagkasagad ng merkado ng sobra-sobrang mga produktong pangkonsumo at pangkapital. Ang paspasang pag-eeksport ng kapital sa anyo ng mga pautang at malawakang konstruksyong pang-imprastruktura ay tangkang pigilan ang pagdausdos ng China sa krisis.
Bahagi ng mga desperadong hakbang na ito ang pagpapalakas ng presensya ng China sa Pilipinas sa nagdaang mga taon, partikular na ang malakihang paghuthot ng mineral at iba pang likas na yaman ng bansa. Nakikipag-unahan ngayon ang China sa US at iba pang mga kapitalistang kapangyarihan sa pagsaid sa kayamanan ng Pilipinas. Kasabay nito, nagbubuhos ito ng pautang para sa mga proyektong pang-imprastruktura para ipambili ng sobra-sobrang semento at asero mula sa kanila.
Batid ng China na ang Pilipinas ay balwarteng militar ng US na ginagamit nitong daungan, paliparan at lunsaran ng mga sasakyan at kagamitang pandigma. Sa mahabang panahon, ginamit ng US ang Pilipinas upang pagharian ang South China Sea at kontrolin ang kalakalang dumadaan dito. Nakikita ng China ang halaga na palakasin ang presensya at pagimpluwensya nito sa Pilipinas sa harap ng tumitinding pakikipagtunggalian nito sa US. Kaya ganoon na lamang ang paggigiit nitong kontrolin at angkinin ang malawak na karagatan sa kanlurang bahagi ng Pilipinas, dambungin ang yamang-dagat at itayo roon ang kanyang mga pasilidad militar.
Ang Pilipinas sa ngayon ay nasa gitna ng nag-uumpugang imperyalistang kapangyarihan. Dapat pag-ibayuhin ng sambayanang Pilipino ang kanilang pakikibaka para sa tunay na pambansang kalayaan mula sa kontrol ng US at laban sa panghihimasok ng China.
Ang pakikibakang ito sa ngayon ay nakatuon pangunahin laban sa pambansang traydor na si Duterte. Dapat siyang labanan, singilin at papanagutin sa ginawa niyang paglapastangan sa kalayaan at soberanya ng Pilipinas.
Una, dapat batikusin ang pagsuko niya sa China ng mga karapatan sa South China Sea, kabilang ang soberanong karapatan sa “exclusive economic zone” ng Pilipinas. Dapat din siyang pagbayarin sa korapsyon at pagpapayaman sa pinasok niyang maanomalyang mga kasunduan at kontrata sa pautang.
Kasabay nito, dapat ding puspusang ilantad ang pangangayupapa ni Duterte sa imperyalismong US. Dapat ilantad ito bilang pangunahing imperyalistang kapangyarihan sa Pilipinas, laluna sa pagtatangka nitong gamitin ang protestang bayan laban sa China para ikubli o bigyang-matwid ang papatinding panghihimasok at paggamit sa Pilipinas para sa kanyang interes militar.
Dapat labanan, singilin at papanagutin si Duterte sa pagbibigay-daan niya sa pagpapalakas ng presensya ng pwersang militar ng US sa bansa, sa ilalim ng Operation Pacific Eagle-Philippines, at sa pamamagitan ng parami nang paraming mga ehersisyo at maniobrang militar ng US sa Pilipinas. Dapat labanan ang dikta ng US na baguhin ang Konstitusyong 1987 para ganap na ibuyangyang ang ekonomya ng bansa sa kapakinabangan ng dayuhang malalaking kapitalista, Amerikano man o Chinese. Isinusulong ito ngayon ni Duterte upang ilusot ang kanyang bogus na pederalismo o ibang pagbabago para tiyakin ang pagpapalawig sa kapangyarihan ng kanyang pamilya.
Dapat batikusin ang US at ang China sa pagbibigay ng suporta sa tiranikong paghahari ni Duterte, at singilin ang mga ito, laluna ang US, sa pag-aarmas sa kanyang mga pasistang tauhan. Ang nakukuhang suportang militar ni Duterte mula sa US ang nagbibigay sa kanya ng lakas ng loob na ipagpatuloy ang walang-habas na maramihang pagpatay, pampulitikang pag-usig at pagsupil sa lahat ng lumalaban sa kanyang paghahari.