Aktibistang magsasaka, binaril
Binaril ng mga pwersang panseguridad ng rehimeng Duterte ang mag-asawang kasapi ng organisasyon ng mga magsasaka sa loob ng kanilang tindahan sa Sityo Kasilaan, Barangay Halapitan, San Fernando, Bukidnon noong Agosto 2. Agad na namatay si Guillermo Casas habang nasugatan ang kanyang asawa na si Jocelyn.
Ika-sampung biktima na ng ekstrahudisyal na pamamaslang si Guillermo sa Bukidnon ngayong taon.
Sa parehong araw, binaril at pinatay din si Ernesto Estrella sa Antipas, North Cotabato. Si Estrella ay dating pastor ng United Church of Christ in the Philippines.
Noon namang Hulyo 25, napatay si Misba Masla, 60, nang bombahin ng mga eroplanong pandigma ng AFP ang Sityo Butilin, Kabalasan, Pikit sa North Cotabato. Pinalabas ng 6th IB, sa pamamagitan ng kumander ng AFP-Joint Task Force Central na si Maj. Gen. Diosdado Carreon, na may sumabog na bomba sa loob ng bahay ng mga Masla kung kaya namatay ang biktima. Mismong ang AFP, sa pamamagitan ng kumander ng 603rd IBde na si Brig. Gen. Alfredo Rosario, ang umaming tinamaan ang bahay ng mga Masla nang mambomba ang AFP sa lugar bandang alas-3 ng madaling araw. Dahilan ng AFP, tinutugis umano nila ang isang grupo ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na ayon sa ulat ng kanilang operasyong paniktik ay nasa lugar.
Inaakusahan ng AFP ang asawa ni Misba na si Ali Masla, 62, na myembro ng BIFF. Sugatan si Ali at ang kanyang apong si Edwin Masla sa pambobomba. Pinasinungalingan ng BIFF na may presensya sila sa lugar sa panahong iyon. Kinundena ni Abu Misri Mama, tagapagsalita ng grupo, ang pamamaslang. Aniya, malaking kasinungalingan ang sinasabi ng AFP na pinuprotektahan nila ang mga sibilyan gayong sila mismo ang nambomba sa bahay ng matatanda.
Noong Agosto 6, binaril naman si Brandon Lee, myembro ng Ifugao Peasant Movement (IPM), sa Lagawe, Ifugao. Nagsusulat din siya para sa Northern Dispatch. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa siya nagkakamalay. Aktibong nilalabanan ng IPM ang pagtatayo ng dambuhalang dam sa Chico River na sasagasa sa kanilang lupang ninuno.
Panggigipit sa mga aktibista at magsasaka
Tuluy-tuloy pa rin ang malawakang intimidasyon ng rehimen sa mga aktibista at magsasaka. Sa Quezon, binulabog ng isang yunit ng 2nd IB ang Barangay 1, Lucena City noong Hulyo 30. Naglunsad ng operasyong paniktik ang mga sundalo sa tabing ng pagsasarbey para sa programang 4Ps at paghahanap ng mauupahang bahay.
Dalawang beses naman na nagpatawag ng pulong ang tropa ng 95th IB sa Barangay Sta. Isabel Sur, Isabela noong Agosto 3 kung saan inakusahan nilang tagasuporta ng BHB ang mga myembro ng Dagami, lokal na organisasyong magsasaka. Kusang nagsialisan ang mga residente sa unang pagpupulong at iginiit ang kanilang demokratikong karapatan. Kinontra rin nila ang pagpapasurender sa kanila bilang mga Pulang mandirigma kapalit ng pera.
Sa Cebu, tinangkang takutin ng pulis ang mga kasapi ng lokal na balangay ng Kabataan Partylist noong Hulyo 27. Sa Bukidnon, tinangka ring takutin at “ipasurender” ng 1st Special Forces Battalion si Kristin Lim, dating namamahala sa Radyo Lumad, sa Dumilag, Manolo Fortich noong Agosto 3.
Samantala, dalawang kasapi ng KASAMA-TK ang inaresto ng 76th IB noong Hulyo 27 sa Sablayan-Sta. Cruz, Occidental Mindoro. Kinilala ang mga biktima na sina Nadeline Fabon at Reynaldo Malaborbor na noo’y tumutulong sa mga magsasaka sa lugar na labis na naapektuhan ng tagtuyot.