Matagumpay na laban sa Kentex at OceanaGold

MATAPOS ANG MAHIGIT apat na taong pakikibaka, nagkamit ng tagumpay ang mga manggagawa ng Kentex noong Hulyo 26. Ito ay matapos maglabas ang Korte Suprema ng kautusan sa Kentex Manufacturing Corp. na bayaran ng P1.44 milyon ang 57 manggagawang nakaligtas sa pagkasunog ng pagawaan nito ng tsinelas noong Mayo 13, 2015. Pitumpu’t dalawang manggagawa ang namatay sa naturang sakuna.
Binaligtad ng kautusang ito ang resolusyon ng Court of Appeals na nag-abswelto sa Kentex mula sa nasabing obligasyon nito sa mga manggagawa. Unang inutusan ng Department of Labor and Employment (DOLE)-National Capital Region noong 2015 ang kumpanya na ibayad ang nasabing halaga sa mga manggagawa matapos matuklasan na P202.50 lamang ang kanilang arawang sahod.
Tinawag naman na tagumpay ng mga grupong pangkalikasan ang desisyon ng Regional Trial Court ng Nueva Vizcaya noong Hulyo 27 na nagbasura sa petisyon ng OceanaGold para pigilan ang barikada ng mga residente na nagpatigil sa mga operasyon nito. (Basahin sa Ang Bayan, Hulyo 21, 2019.)
Ibinaba ang hatol noong bisperas ng national solidarity mission (NSM) na inorganisa ng mga aktibistang pangkalikasan sa pangunguna ng Kalikasan People’s Network for the Environment. Layon ng NSM na imbestigahan ang nagpapatuloy na operasyon ng kumpanya kahit pa napaso na ang kontrata nito noong Hunyo 20.