Mga panukalang batas para sa mga magsasaka
Walang awat na itinutulak ng rehimeng Duterte ang pagbubukas ng sektor ng agrikultura, kabilang ang mga lupang agrikultural, sa dayuhang pagmamay-ari at pandarambong. Sa kabila nito, patuloy na isinusulong ng mga progresibong kinatawan sa kongreso ang mga repormang pakikinabangan ng mga magsasaka.
Ang mga repormang ito ay karugtong ng mga pakikibaka na matagal nang isinusulong ng mga organisasyong magsasaka. Laman din ang mga ito ng Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms o CASER na nabuo noong 2016 sa negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng Gubyerno ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines.
Lalong nagiging mahalaga ang mga repormang agraryo sa harap ng lahatang-panig na mga atake sa kanilang sektor—mula sa todo-todong liberalisasyon ng bigas hanggang sa walang awat na pamamaslang sa mga magsasakang nakikibaka para sa kanilang karapatan sa lupa.
Muling isinumite ng ng mga progresibong partido sa ilalim ng Makabayan ang Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) sa Mababang Kapulungan. Ang GARB ay isang panukalang naglalatag ng komprehensibong balangkas para sa tunay na reporma sa lupa. Layunin nito na buwagin ang monopolyo sa lupa at magpatupad ng libre, patas, at makatarungang pamamahagi ng lupa sa loob ng limang taon. Sasaklawin nito ang lahat ng pribadong lupang agrikultural, lahat ng lupang pinatatakbo ng mga plantasyong agribisnes, mga lupang binubungkal ng mga magsasaka na kinuha ng gubyerno, mga panginoong maylupa o mga dayuhang institusyon at iba pang mga lupang agrikultural na publiko.
Itinutulak din nito ang pagbibigay ng komprehensibong suporta sa mga magsasaka at pagbibigay ng sapat na subsidyo. Hihikayatin ang mga magsasaka na bumuo o pumaloob sa mga kooperatiba para paunlarin ang produksyon. Gayundin, bubuo ito ng mekanismo para hindi muling mawala ang lupa ng mga benipisyarong magsasaka.
Sa ngayon, labis na pinahihirapan ang mga magsasakang naggigiit sa kanilang karapatan sa lupa, kabilang yaong nabigyan na ng mga Certificate of Land Ownership. Marami sa kanila ang hindi nakapagbayad ng mahal na amortisasyon kaya madaling nababawi ang kanilang mga lupa. Kaugnay nito,ipinapanukala rin na iabswelto ang mga magsasaka mula sa kanilang obligasyon na magbayad ng utang na amortisasyon nang sa gayon ay maigawad na sa kanila ang lupang kanilang binubungkal.
Inihapag din ng Makabayan ang panukalang Rice Industry Development. Nakasaad dito na ipagbabawal ang paniningil ng upa sa lupa kung lalampas ang halaga sa 10% abereyds na netong ani ng magsasaka sa kada ektaryang sinasaka sa nakalipas na tatlong taon.
Samantala, nagsumite rin ang ibang kinatawan ng mga panukalang magbibigay ng seguro sa mga benepisyaryo ng huwad na Comprehensive Agrarian Reform Program at magpapatayo ng mga proyekto tulad ng mga komunal na irigasyon na pababayaran ang kalahati ng halaga sa mga magsasakang benipisyaryo sa isang takdang panahon.
Itinulak din dito ang pagtatayo ng mga bodega at mga gilingan ng palay sa bawat munisipyo at lungsod na nagpoprodyus ng bigas. Susuportahan din nito ang lahat ng pangangailangan sa transportasyon. Pababayaran ito sa isang takdang halaga sa loob ng 25 taon.
Sa Senado, muling isinumite ni Sen. Ralph Recto ang ilang panukala ng pagpupwesto ng sistema ng “timbangan ng bayan” sa mga sentrong pamilihan para maiwasan ang pagmamanipula sa timbang ng mga produkto. Itinutulak niya rin ang pagtatayo ng mga kalsadang magdudugtong sa mga sakahan at palengke hindi lamang sa mga piling lugar kundi pantay-pantay na pagbabahagi sa buong bansa.