Ang pagyurak ng FMO sa karapatan ng mga bata Ninakaw na kamusmusan

,

“Ipinagtatanggol ng NDFP ang mga bata sa mga atake sa kanilang karapatan ng tatlong salot sa malakonyal at malapudal na lipunang Pilipino: ang dayuhang monopolyo kapitalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Itinataguyod, ipinagtatanggol at isinusulong ng NDFP ang mga karapatan ng bata alinsunod sa sarili nitong mga prinsipyo, patakaran at regulasyon, gayundin sa mga internasyunal na pamantayang tuwiran at di-tuwirang nakalatag sa mga kumbensyon at tratado…”

– Pagtatanggol ng NDFP sa batang Pilipino ni Jose Maria Sison, Nobyembre 25, 2005

Walang humpay na pagsuyod at paghalihaw sa bundok at komunidad ng mga katutubo at magsasaka. Ganito kung ilarawan ang focused military operations (FMO) ng mga militar sa kanayunan. Maligalig at nakapanghihilakbot, malaking kabalintunaan ng pangalan ng operational plan ng rehimen na “kapanatagan”. Bumababad sila sa mga baryo at sityo hall, kapilya, maging sa mga eskwelahan na itinuturing na mga pag-aaring publiko at sibilyan.

Di-deklaradong batas militar ang pagpapatupad ng FMO—may curfew, tsekpoynt at sistema ng logbook sa mga daanan ng tao at pagkain, pagbabawal sa ilang aktibidad sa hanapbuhay tulad ng pagbisita sa mga hayop at kaingin. Itinulak nito ang pambansang minorya at setler na magpatagu-tago sa gubat.

Araw-araw silang nakikihamok sa FMO kasama ang kanilang mga anak. Pinapawi ng pana-panahong tili, tawanan at iyakan ng mga bata ang katahimikan ng gubat na kanlungan ng mga biktima ng militarisasyon.

Paglikas sa militarisasyon

Kasa-kasama ni Alex ang kanyang mga anak na sina Jeremy (8), James (6), Joseph (4), Casey(3) at Karen (3 buwan) sa pagtatago sa gubat upang makaiwas sa mga sundalo. Kabilang si Alex sa pinaghahanap at sapilitang pinasusuko ng AFP at DILG sa ilalim ng mapanlinlang na E-CLIP upang pagkakitaan ng huli at gamitin laban sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan. Dahil ayaw niyang maging kasangkapan ng karahasan laban sa mga kamag-anak at kapitbahay, pinili nila ng asawa niyang si Emily na magtago. Hindi na nakakapag-aral sina Jeremy at James na dapat sana’y nasa elementarya na.

Si Rhea (6) naman ang bunsong kapatid ni Ka Don, isang lokal na kasapi ng Partido at kasama sa mga pinaghahagilap ng mga sundalo sa kanilang lugar. Ulila na ang magkapatid kaya kasa-kasama na si Rhea ng kanyang kuya sa pagtatago. Hindi na rin nakakapag-aral si Rhea. Ayon kay Ka Don, wala siyang mapag- iwanan sa kapatid at ayaw rin ng bata magpaalaga sa iba. Namamaga na ang mga binti at paa ni Rhea sa dami ng kagat ng mga insekto sa gubat kaya ipinagagamot siya sa medik ng BHB.

Paulit-ulit namang binibisita ang pamilya nina Junjun (10) at Mika (14) ng mga militar at pinepresyur ang kanilang mga magulang na sumuko, kasabay ng pagpapababa sa mga kapatid nilang kasapi ng BHB. Dahil sa takot ng kanilang mga magulang, tuwing may balita ng operasyong militar ay nag-aalsa balutan na sila. Sa ganitong takbo ng kanilang pamumuhay, hindi na nakapag- aral pa ang magkapatid. Takot ang namumutawi sa kanila, laluna sa mag-iina. Mababakas ito sa nagbabagong katangian ni Junjun na madaldal na nananahimik at animo’y umuurong ang dila sa tuwing mababanggit ang salitang “sundalo” bagama’t hindi pa nakakakita ng tunay na sundalo. Si Mika naman ay pinangangambahan nilang maligawan at asawahin ng mga sundalo.

Kalaro at kabarkada ni Mika ang magkapatid na Kelay (17) at Leny (16), pareho nang grade 7 o 1st year high school nang tumigil sa pag-aaral. Tumigil sila dahil sa lockdown bunga ng pananalasa ng pandemyang COVID-19. Anak sila ng mga martir ng rebolusyon at lumaki na sa kanilang lola. Palibhasa’y ang kanilang baryo ay madalas na ginagawang himpilan ng mga sundalo tuwing may malakihang operasyong militar sa kanilang lugar, talab sa kanilang musmos pang isipan ang paninira ng mga ito sa BHB. Noong una, takot sila sa Pulang hukbo dahil sa paninira ng kaaway. Subalit nang makasalamuha nila ang Hukbo sa mga aktibidad ay nakilala nila ang tunay na mukha ng BHB. Nang tumagal, sila na mismo ang nagkukumpara sa Hukbo at sa mga sundalo — na ang Hukbo raw ay tunay na magagalang at matulungin sa kanila, laluna nang minsang ginamot ng mga medik ang kanilang lola.

Liban sa kanila, ang mas maraming pamilyang hindi makalikas at makapagtago dahil sa hindi maiwang kabuhayan ay sumasailalim sa presyur, kumbersyon at banta ng pagpatay ng mga militar. Ilang mga menor-de-edad at kabataan sa rehiyon ang ngayo’y nakatira sa mga kampo militar at pinipilit isama sa mga operasyong militar.

Paglapastangan sa karapatan ng mga bata

Sa gitna ng kagubatan, malayo sa kanilang bahay, eskwelahan, center, iba pang mga kamag-anak nagtatago sina Junjun, Leny, Rhea, Jeremy at iba pang mga bata. Kapag sila’y nagkasakit, hindi na sila madadala sa center dahil naroon nakakampo ang mga sundalo. Tulad ni Joey (10) na nabalian ng kamay at pumutok ang noo matapos malaglag sa batuhan na sa halip na bumaba sa sentro ay naghanap ng yunit ng BHB para magpagamot. Nitong kasagsagan ng pananalasa ng COVID-19 ay namatay naman ang isang bagong silang na sanggol dahil hindi nabigyan ng sapat na atensyon sa higpit ng lockdown sa kanilang lugar.

Hindi rin makapag-aral ang mga batang ito sa kanilang tahanan dahil tulad nila, hindi rin nakapag-aral ang kanilang mga magulang. Pareho silang bahagya pa lamang natututong kumilala ng letra sa pamamagitan ng mga programa sa literasiya ng Grupo sa Pulitika ng BHB ay mapuputol na itong muli dahil kailangan nang umalis ng yunit sa kanilang lugar.

Ang mga batang ito, na ang ilan ay mga wala pang muwang at hindi pa ganap na maunawaan ang tunay na dahilan ng kanilang kalagayan ay iisa lamang ang sagot sa tuwing tatanungin kung nakakita na ba sila ng sundalo: “Takot ako doon”. Halimaw ang larawan ng mga militar sa imahinasyon ng mga bata.

Kung tutuusin, wala pang taguring FMO, matagal nang ginawang target ng mga operasyong militar ang maraming inosenteng batang Pilipino. Sa datos ng Ang Bayan, ngayong taon pa lamang ay aabot na sa 47 bata ang biktima ng paglabag sa karapatang-tao. Karumaldumal ang mga kaso nila Grecil Buya (9) na napaslang ng mga militar sa New Bataan, Compostela Valley noong 2007 at idiniing kasapi ng BHB, at ni Adeliza Albarillo, walong taong gulang pa lamang na nakaligtas sa pagmasaker ng militar sa kanyang mga magulang noong 2001 sa San Teodoro, Occidental Mindoro.

Karaniwang biktima ng karahasan ang mga anak ng mga magsasaka, katutubo, unyonistang manggagawa, aktibista at rebolusyonaryong pwersa. Noong 2019, ilandaang batang Mangyan rin ang lumikas mula sa kanilang mga komunidad dahil sa pambobomba at istraping ng militar. Maraming batang tinamaan ng tigdas sa mga komunidad ang hindi makapagpagamot habang nananalasa ang militarisasyon. Pinakahuli sa mga ito ang kaso ng panggagahasa sa anak ng magsasaka at tagapagsulong ng karapatan ng kababaihan sa Mulanay, Quezon nitong Hulyo 27.

Sinisira ng FMO ang kinabukasan ng mga bata. Sila na inaasahang bagong mga binhi ng Pilipinong magtataguyod sa ating bayan at magtitiyak sa maaliwalas na kinabukasan ng mga susunod pang henerasyon ay ginigipit sa kanayunan at pinagkakaitan ng mga batayang karapatang susi sa pagbubuo ng kanilang pagkatao at prinsipyo.

Landas tungo sa pangmatagalang kapayapaan

Ang tumitinding militarisasyon ng AFP sa kanayunan ang maagang nagmumulat sa mga bata sa pundamental na suliranin ng lipunan at nagtutulak sa kanilang tumindig para sa kanilang kaligtasan at kagalingan.

Nasa unahan ang Partido at buong rebolusyonaryong kilusan sa pagkilala, pagtataguyod at pagtatanggol sa karapatan ng bawat batang Pilipino. Habang matapat na tumatalima ang mga yunit ng BHB sa pandaigdigang mga patakaran at panuntunan kaugnay sa mga bata, hindi ito tumitigil, bagkus ay higit nitong pinag-iibayo ang pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa kanilang hanay.###

 

Ninakaw na kamusmusan