17 armas, nasamsam ng BHB sa Camarines
Labimpitong armas, kasama ang 10 matataas na kalibreng armas, ang nasamsam ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Bicol sa tatlong magkahiwalay na aksyon.
Noong Marso 19, sinalakay ng BHB-Camarines Norte ang outpost ng Philippine National Police (PNP) 2nd Provincial Mobile Force Company sa Purok 6, Barangay Dumagmang, Labo, Camarines Norte. Isang baby M60 machine gun, isang R4 carbine, anim na Galil, at anim na pistolang Glock.
Lima ang napaslang, kabilang si Pcpl. Roger Estoy, at dalawa ang sugatan sa mga pulis. Tugon ang taktikal na opensiba sa sunud-sunod na pamamaslang at pang-aatake ng pulis at militar sa mga residente ng Camarines Norte.
Sa Camarines Sur, inambus ng BHB ang nag-ooperasyong PNP Special Action Force at mga sundalo sa Barangay Tigman, Sipocot noong Marso 4. Dalawa ang napatay at dalawa ang nasugatan sa hanay ng kaaway.
Noong Pebrero 1, kinumpiska ng BHB ang mga armas ng goons ng pamilyang Villafuerte sa Barangay Villazar, Sipocot sa parehong prubinsya. Nasamsam ang isang ripleng M16, dalawang ripleng karbin at mga bala. Matagal nang inirereklamo ng mga residente ng barangay ang pananakot at panggigipit ng despotikong pamilya. Isa sila sa malalaking panginoong maylupa at naghahari-hariang upisyal ng barangay.
Sa iba pang bahagi ng bansa
Ozamiz City. Tinambangan ng BHB-Misamis Occidental ang mga tropa ng 10th IB sa Barangay Guimad noong Marso 6. Walo ang patay at isa ang sugatan sa mga sundalo na noo’y naglulunsad ng operasyong kombat sa lugar.
Matapos nito, binomba ng Air Force ang lugar ng pinangyarihan. Nagdulot ito ng pagkawasak sa kalikasan at mga sakahan.
Quezon. Inambus ng isang yunit ng BHB-Quezon ang nag-ooperasyong tropa ng 201st IBde sa Sityo Colong, Barangay San Francisco B, Lopez noong Marso 5. Tatlo ang patay at isa ang sugatan na sundalo.
Occidental Mindoro. Inisnayp ng isang yunit ng BHB-Mindoro ang nag-ooperasyong tropa ng 4th IB sa Barangay Manoot, Rizal noong Marso 3. Isang linggo nang nanghahalihaw ang mga pasistang sundalo sa magkakaratig na barangay.
Western Samar. Binigo ng isang yunit ng BHB-Western Samar ang atake ng higit 100 nag-ooperasyong tropa ng 46th IB sa Barangay Canlobo, Pinabacdao noong Pebrero 8. Dalawa ang naiulat na napaslang sa 46th IB.
Matapos ang sagupaan, naghulog ng walong bomba mula sa himpapawid at apat na beses na kinanyon ng mga sundalo ang pinangyarihan ng labanan. Nang-istraping din ito sa loob ng 45 minuto.
Panay. Anim na opensiba ang inilunsad ng BHB-Panay labans sa militar at pulis na responsable sa masaker at panag-aaresto ng mga Tumandok sa nagdaang mga buwan. Dalawa ang napaslang at lima ang sugatan sa mga berdugo.
Noong Marso 11, pinaputukan ng BHB ang mga tropa ng 12th IB na naglulunsad ng Retooled Community Support Program (RCSP) sa Barangay Panuran, Lambunao. Pinaputukan din nito ang rumespondeng mga sundalo sa Barangay Agcarope, Janiuay. Sa sumunod na araw, pinasabugan ang isang sasakyan ng pulis sa Barangay Pughanan, Lambunao. Dalawa ang nasugatan sa mga pulis.
Noong Marso 3, pinasabugan din ng BHB ang sasakyan ng mga pulis sa Barangay Canawili, Janiuay.
Sa Southern Iloilo, pinaputukan ng BHB ang mga sundalo ng 79th IB sa Barangay Iglilico, San Joaquin noong Pebrero 18. Dalawa ang naiulat na napatay at tatlo ang sugatan sa hanay ng militar.
Sa Capiz, pinaputukan noong Pebrero 26 ng BHB ang mga tropa ng 12th IB na naglulunsad ng RCSP sa Barangay Buri, Tapaz.